Ang Kabanata 26 ng Florante at Laura ay tungkol sa pagtataksil ni Adolfo. Marami ang laban na napagtagumpayan ni Florante at dahil dito ay mas lalong nagalit si Adolfo. Ninais ni Adolfo na yumaman at maging hari ng Albanya kaya nakagawa siya ng masasamang bagay. Naging biktima niya sina Haring Linceo, Duke Briseo, Laura, at Florante.
Buod ng Florante at Laura Kabanata 26
Nalaman ni Florante na nasa bilangguan ang hari at ang kanyang ama. Inutusan niya ang kanyang hukbo na sumalakay hanggang hindi nababawi ang bayan ng Albanya. Ang bilangguan ang una niyang pinuntahan nang makapasok siya. Nakita niya doon sina Haring Linceo, ang kanyang amang si Duke Briseo, at si Adolfo. Iniligtas sila ni Florante at labis ang naging tuwa ng hari.
Si Adolfo naman ay nagdadalamhati dahil hindi niya matanggap na pinapupurihan si Florante ng mga mamamayan sa Albanya. Lalo siyang nagalit nang tawagin si Florante bilang “Tanggulan ng Syudad.” Ipinagdiwang din ng hari sa palasyo ang lubos na kagalakan.
Nalaman ni Adolfo na mahal din ni Laura si Florante at dahil dito ay nagalit siya. Gusto niyang maikasal kay Laura upang makuha ang korona o ang paghahari ni Haring Linceo. Lumago ang pagnanais ni Adolfo na ipahamak si Florante.
Makalipas ang ilang buwan ng pagsasaya at pagpapasalamat ay nilusob naman sila ng Turkiyang hukbo. Ang mga ito ay lubhang masakim. Si Florante ang inatasan na maging heneral ng hukbo. Bumalik naman ang takot ng mga mamamayan at ang puso ni Adolfo ay parang nakamandag.
Natalo nina Florante ang hukbo na pinamumunuan ng bantog na si Miramolin. Pagkatapos nito, marami pang laban ang napagtagumpayan ni Florante. Labimpitong hari ang nagsigalang kay Florante dahil sa kanyang kalis na matapang. Isang araw, matapos niyang magtagumpay laban sa Etolya ay nakatanggap siya ng sulat mula sa kanyang monarka. Sa sulat na ito ay mahigpit siyang ipinagbibilin na bumalik sa Albanya.
Ang hukbo ni Florante ay ipinagkatiwala niya kay Menandro at tumungo na siya sa Albanya. Gabi noong dumating siya sa Albanya. Pumasok siya ng walang agam-agam, ngunit bigla niyang nakita na may tatlumpung libong sandatahan ang nakapalibot sa kanya.
Hindi na niya nagawang mabunot ang kanyang sakbat na kalis at makapamook, sapagkat ang buo niyang katawan ay binidnid sa gapos at siya ay ipiniit sa karsel. Nalaman niya na si Adolfo ang pumatay kay Haring Linceo at sa kanyang ama na si Duke Briseo.
Ang pagnanasa ni Adolfo na yumaman at maging haring tanyag ang nag-udyok sa kanya upang makagawa ng ganitong mga bagay. Ayon kay Florante, ang hari na naghahangad ng yaman at mariing hampas ng Langit sa bayan. Nalaman rin niya na si Laura ay ikakasal kay Adolfo. Dahil dito, ninais na lang ni Florante na mawalan ng sariling buhay.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 26
Marami tayong aral na matututunan sa kabanatang ito. Ang ilan sa mga aral na ito ay nagpapakita ng nagagawa ng inggit o pagkasakim ng isang tao kaya nakagagawa siya ng mga masasamang gawain.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagtutulungan at pagtitiwala sa isa’t – isa | Ang buong hukbo ni Florante ay nagtulungan at nagtiwala sa isa’t-isa kaya nagging napagtagumpayan nila ang bawat laban. Ipinagkatiwala rin ni Florante ang kanyang hukbo sa kanyang matalik na kaibigan na si Menandro, sapagkat naniniwala siya sa kakayanan ni Menandro. |
Ang inggit at paghahangad sa kayamanan ay nag-uudyok sa isang tao na gumawa ng kasamaan | Ang inggit at paghahangad sa kayamanan at kadakilaan ang ilan sa mga sanhi ng kaguluhan at kasamaan. Mahalagang maging kuntento at mapagpasalamat sa mga bagay na mayroon tayo. Kapag ang isang bagay ay nakuha sa hindi magandang paraan, ito ay hindi rin makapagbibigay ng kasiyahan. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa kabanatang ito ng Florante at Laura. Ang mga tauhang ito ay nagpakita ng iba’t-ibang karakter at pag-uugali na nagbigay ng kulay sa kwento.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Florante | Si Florante ang nagligtas kina Haring Linceo, Duke Briseo, at Aladin mula sa bilangguan. |
Haring Linceo | Siya ang hari ng Albanya. |
Duke Briseo | Siya ang ama ni Florante. |
Aladin | Siya ang nag-plano na pabalikin si Florante sa palasyo para madakip niya ito at mapasakanya si Laura at ang kaharian ng Albanya. |
Miramolin | Ang grupo niya ang isa sa mga sumalakay sa bayan ng Albanya, ngunit hindi naman sila nagtagumpay. |
Menandro | Sa kanya inihabilin ni Florante ang kanyang hukbo bago pumunta sa palasyo. |
Laura | Si Laura ang minamahal ni Florante. Siya ang sinasabing pakakasalan ni Adolfo. |
Talasalitaan
Sa bawat kabanata ng Florante at Laura ay marami tayong matututunan na mga salita o parirala. Mahalagang matutunan natin ang kahulugan ng mga ito upang mas mapalawak ang ating kaalaman sa sariling wika.
Mga Salita | Kahulugan |
Matanto | Malaman |
Sinalakay | Nilusob |
Tinungo | Pinuntahan |
Nagdalamhati | Nalungkot o naghinagpis |
Tinamo | Nakuha o nakamit |
Pangimbulo | Pagkainggit |
Nasa | Nais o kagustuhan |
Nasindak | Natakot |
Bantog | Popular o kilala ng karamihan |
Nagbiktorya | Nanalo o nagtagumpay |
Agam-agam | Alinlangan, pangamba, pagdududa, pagkakaroon ng kaba, bagay na iniisip o bumabagabag sa puso, isip, o damdamin ng isang tao. |