Sa kabanata 41 ng Noli Me Tangere na pinamagatang “Dalawang Panauhin” ay nagkaroon si Ibarra ng dalawang panauhin. Ang mga ito ay sina Elias at Lucas. Si Elias ay nagpunta upang ihatid ang balita tungkol kay Maria Clara at upang magpaalam ng maayos sa kay Ibarra. Samantalang si Lucas naman ay nangulit tungkol sa bayad ni Ibarra.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 41
Dahil sa mga pangyayari noong nakaraang gabi ay hindi dinalaw ng antok si Ibarra. Kaya, napag-desisyunan na lamang niya na gumawa sa kanyang laboratoryo. Maya-maya pa ay pumasok ang kanyang utusan at sinabing may panauhin ito. Pinatuloy niya ang kanyang panauhin nang hindi lumilingon. Si Elias ang kaniyang bisita.
Nagpunta si Elias kay Ibarra dahil may mga gusto siyang sabihin. Una na rito ay ang pagkakaroon ni Maria Clara ng sakit o lagnat. Sinabi rin niya na magpapa-alam siya kay Ibarra upang pumunta sa Batangas. Itinanong niya kay Ibarra kung wala itong mga habilin sa kanya. Sinabi ni Ibarra na hangad niya ng maluwalhating paglalakbay ni Elias.
Itinanong ni Ibarra kay Elias kung paano niya napatigil ang kaguluhan sa dulaan. Ang sagot ni Ibarra ay kilala niya ang magkapatid na nangunguna sa panggugulo. Ito ay ang mga gwardiya sibil. Madali niyang napakiusapan ang magkapatid na itigil ang gulo sapagkat ang mga ito ay may utang na loob sa kanya. Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay umalis na si Elias.
Nagpalit naman ng damit si Ibarra at sinisisi niya ang kanyang sarili sa pagkakaroon ng sakit ni Maria Clara. Pumunta siya sa bahay ni Kapitan Tiyago. Habang naglalakad, may nakasalubong siyang isang maliit na lalaki, nakasuot ito ng itim na damit, at may pilat sa kaliwang pisngi. Siya ay si Lucas na kapatid ng taong dilaw, na namatay sa paghuhugos ng bato sa paaralang ipinatatayo ni Ibarra.
Kinulit siya nito tungkol sa kung magkano ang ibabayad ni Ibarra sa pamilya ng kaniyang kapatid. Ang naging tugon ni Ibarra ay bumalik na lamang sapagkat siya ay pupunta sa may sakit at saka na nila pag-uusapan ang tungkol sa bayaran. Agad niyang tinalikuran si Lucas bago pa mawala ang kaniyang pagtitimpi.
Masama naman ang tingin ni Lucas kay Ibarra at inisip niya na iisa ang dugong nananalaytay sa ugat ni Ibarra at lolo nito na si Don Saturnino na nagparusa sa ama nila. Para sa kanya ay magiging magkaibigan lamang sila ni Ibarra kung magkakasundo sila sa bayad.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 41
Ang bawat kabanata ng Noli Me Tangere ay may dulot na mabuting aral sa mga mambabasa. Ang mga ito ay maaaring magamit sa ating pang-araw-araw na pamumuhay na makatutulong sa atin upang mas maging mabuting tao.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagiging mabuting kaibigan | Katulad ni Elias, ipinakita niya ang pagiging mabuting kaibigan kay Ibarra sa pamamagitan ng maayos na pagpapaalam at pagsasabi ng mga importanteng bagay. |
Pagkontrol sa emosyon | Nagtimpi si Ibarra sa kakulitan ni Lucas kaya nagpasya siya na umalis na lamang. Mahalagang kontrolin natin ang ating emosyon upang hindi tayo makagawa ng desisyon at aksyon na hindi makatutulong sa atin. |
Pagpapahalaga sa utang na loob | Ang pagtanaw sa utang na loob ay isang mahalagang bagay na dapat nating matutunan. Mahalagang tumulong tayo sa mga nangangailangan. |
Pagpapahalaga sa kalusugan | Mahalaga ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan upang magawa natin ng maayos ang ating mga gawain. |
Pagbibigay kalinga at pag-aalaga sa mga taong may sakit | Kaagad nagtungo si Ibarra sa bahay ni Kapitan Tiyago upang tingnan ang kalagayan ni Ibarra. |
May impluwensiya ang salapi sa buhay ng tao | Ang salapi ay may impluwensiya sa buhay ng bawat tao. Katulad ni Lucas, nangulit siya kay Ibarra para sa ibabayad nito sa pamilya ng kaniyang kapatid. Nagpapakita rin ito ng kapangyarihan ng isang tao. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 41 ng Noli Me Tangere. Nagpakita sila ng pagiging mabuting kaibigan, pagtitmpi sa sarili, at ang impluwensiya ng pera sa kanilang buhay.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Crisostomo Ibarra | Siya ang kasintahan ni Maria Clara at nang malaman niya na may sakit ay kaagad niya itong pinuntahan sa bahay. |
Elias | Si Elias ay nagpunta sa bahay ni Ibarra upang ipaalam ang kalagayan ni Maria Clara, itanong kay Ibarra kung may habilin ito, at nagpaalam ng maayos bago pumunta sa Batangas. |
Lucas | Siya ang kapatid ng dilaw na lalaki. Itinatanong niya kay Ibarra kung magkano ang halaga ng salaping ibabayad nito. |
Maria Clara | Si Maria Clara ang pupuntahan ni Ibarra sapagkat may sakit ito. |
Katulong ni Ibarra | Siya ang nagsabi kay Ibarra na mayroong panauhin ang binata. |
Talasalitaan
Mahalagang matutunan natin ang kahulugan ng mga malalalim na salita sa Wikang Tagalog na ating nababasa o naririnig upang sa sunod na mabasa o marinig natin ang mga salitang ay alam na natin ang kanilang kahulugan.
Mga Salita | Kahulugan |
Laboratoryo | Lugar kung saan isinasagawa ang mga eksperimento |
Katipan | Kasintahan |
Maiwaglit | Maialis |
Pumaslang | Pumatay |
Pilat | Peklat |
Danyos | Bayad sa nasira |