Sa Kabanata 37 ng Noli Me Tangere ay mas makikilala natin ang Kapitan Heneral. Kinausap niya ang mga prayle, si Maria Clara, si Ibarra, ang Alkalde, at si Kapitan Tiyago. Pinuri niya si Maria Clara at Kapitan Tiyago. Humanga siya sa katalinuhan ni Ibarra at sinabi na sumama na lamang sa kanya sa Espanya.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 37
Kaagad na ipinahanp ng Kapitan Heneral si Ibarra. Isang binatang taga-Maynila ang kinausap niya at nagalit dito si Padre Damaso, sapagkat lumabas ito ng simbahan habang nagmimisa. Nanginig ang katawan ng binata at namutla nang pumasok siya sa silid kung nasaan ang Kapitan Heneral. Ngunit paglabas naman niya ay nakangiti na siya. Ito ay nagpapakita na mabuti ang Kapitan Heneral at may oras at panahon siya para sa katarungan.
Ang sunod na kinausap ng Kapitan Heneral ay ang mga prayle at kabilang na dito sina Padre Salvi, Padre Sibyla, at Padre Martin. Nagbigay galang sila sa Kapitan Heneral. Hinanap naman ng Kapitan Heneral si Padre Damaso at sinabi ni Padre Salvi na may sakit ang pari.
Sumunod na kinausap ng Kapitan Heneral ay sina Kapitan Tiyago at Maria Clara. Pinuri niya si Maria Clara dahil sa kanyang ginawa noong pananghalian, dahil kung hindi niya agad napigilan si Ibarra ay maaaring nasaksak na nito si Padre Damaso. Sinabi ng Kapitan Heneral na dapat ay tumanggap ng gantimpala si Maria Clara, ngunit ito ay tinanggihan niya.
Sinabi naman ng kagawad na dumating na si Ibarra at handa na itong makipag-usap. Ang pagkabalisa ni Maria Clara ay napansin ng Kapitan Heneral at sinabi na gusto niya itong makaharap bago siya bumalik sa Espanya. Ang alkalde ay sinabihan niya na Samahan siya sa paglilibot.
Ipinaalala ni Padre Salvi sa Kapitan Heneral na si Ibarra ay ekskomulgado at hindi naman ito pinansin ng heneral. Ipinasabi na lamang niya kay Padre Salvi na ipinakukumusta niya si Padre Damaso at ang maagap na paggaling nito. Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay nagpaalam na sila. Nakasalubong naman nila si Ibarra, subalit hindi sila nagkibuan at tanging mga mata lang nila ang ang-usap.
Agad kinamayan ng Kapitan Heneral si Ibarra pagkakita niya dito. Sinabi niya na tama ang ginawa niya upang ipagtanggol ang kanyang ama. Sinabi niya kay Ibarra na titiyakin niyang makausap ang Arsobispo tungkol sa pagiging ekskomulgado ng binata.
Sa kanilang pag-uusap ay mapapansin na kilala ni Ibarra ang pamilya ng Kapitan Heneral sa Espanya. Humanga ang Heneral sa ipinakitang talino ni Ibarra at hindi angkop ang kanyang kaisipan sa Pilipinas. Ayon sa Heneral, ipagbili na lamang ni Ibarra ang kanyang mga ari-arian at sumama sa kanya sa Espanya, sapagkat ang kanyang taglay na katalinuhan ay nararapat sa kaunlaran ng ibang bansa.
Hindi naman sang-ayon dito si Ibarra at sinabi niya na mas maganda ang mamuhay sa bayang sinilangan at sa lugar kung saan namuhay ang kanyang mga magulang.
Pinuntahan ni Ibarra si Maria Clara. Kinausap din ng Heneral ang Alkalde at sinabing protektahan si Ibarra upang maisakatuparan niya ang kanyang mga layunin. Sumang-ayon naman sa kanya ang Alkalde.
Dumating rin si Kapitan Tiyago at pinuri siya ng Heneral sapagkat mayroon siyang mabuting anak at mamanugangin. Sinabi ng Heneral na siya ang magiging ninong kapag ikinasal ang dalawa.
Nagtungo si Ibarra sa silid ni Maria Clara ngunit hindi niya ito nakita. Si Sinang ang nakausap niya at sinabi nito na isulat na lamang ang mga gusto niyang sabihin kay Maria Clara, dahil sila naghahanda na sa pagpunta sa dulaan.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 37
Narito ang mga aral na matutunan ng mga mambabasa sa Kabanata 37 ng Noli Me Tangere. Ang mga aral na ito ay makatutulong sa atin upang mas mapaunlad ang ating mga kaisipan sa iba’t-ibang pangyayari.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagpapahalaga sa sariling bayan at kultura | Kahit inanyayahan si Ibarra ng Kapitan Heneral na sumama sa kanya sa Espanya ay tinanggihan niya ito sapagkat mas gusto niyang mamuhay sa bayang sinilangan at sa lugar kung saan namuhay ang kanyang mga magulang. |
Mahalaga ang pagtatanggol sa Karapatan at katotohanan | Pinuri ng Heneral ang ginawang pagtatanggol ni Ibarra sa kanyang ama. |
Maging patas at makatarungan | Sa pakikipag-usap ng Kapitan Heneral sa alkalde, prayle, Kapitan Tiyago, Maria Clara, at Ibarra ay ipinakita na patas siya sa paghatol at siya ay naglalaan ng oras at panahon para sa katarungan |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 37 ng Noli Me Tangere. Sila ang mga kinausap ng Kapitan Heneral tungkol sa iba’t-ibang bagay. Nagbigay ang Heneral sa kanila ng papuri, suhestiyon, at mga tagubilin.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Kapitan Heneral | Kilala siya sa pagiging makatarungan. Kinausap niya si Ibarra at ang iba pang tauhan sa kabanatang ito. |
Crisostomo Ibarra | Ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa bayang sinilangan at sa kanyang ama |
Padre Salvi | Ipinaalala niya sa Kapitan Heneral ang pagiging ekskomunikado ni Ibarra |
Padre Sibyla | Isa siya sa mga kinausap ng Kapitan Heneral |
Maria Clara | Pinuri siya ng Heneral sa ginawa niya noong pananghalian |
Kapitan Tiyago | Pinuri siya ng Heneral sa pagkakaroon ng mabuting anak at mamanugangin |
Sinang | Isa sa mga kaibigan ni Maria Clara |
Alkalde Mayor | Ipinakiusap sa kanya ng Heneral na protektahan si Ibarra upang maisakatuparan ang mga balak nito. |
Talasalitaan
Ito ang mga salitang nabanggit sa Kabanata 37 ng Noli Me Tangere. Ang pag-alam sa kahulugan ng mga salitang ito ay makatutulong sa atin upang mas mapalawak ang ating kaalaman sa Wikang Tagalog.
Mga Salita | Kahulugan |
Ekskomulgado o Ekskomunikado | Pagtanggal sa isang tao bilang miyembro ng simbahan |
Dulaan | Lugar kung saan ipinapalabas ang isang dula. |
Arsobispo | Mataas na katungkulan ng pari |
Alkalde | Mayor |
Kinalugdan | Kinatutuwa |
Hidwaan | Pag-aaway |