Ang Kabanata 35 ng Noli Me Tangere ay pinamagatang “Mga Usap-Usapan”. Ang nangyaring tensyon sa pagitan nina Ibarra at Padre Damaso ay naging paksa ng usapan ng mga mamamayan sa San Diego. Sila ay nagkaroon ng iba’t-ibang reaksyon at opinyon sa mga pangyayari at nagdulot ng pangamba at takot para sa kanilang kinabukasan.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 35
Mabilis na kumalat sa bayan ng San Diego ang mga nangyari sa pagitan ni Ibarra at Padre Damaso. Nalaman nil ana hindi natuloy ang balak ni Ibarra dahil napigilan siya ng kanyang minamahal na si Maria Clara. Nagkaroon ito ng iba’t-ibang interpretasyon at ang bawat isa ay may kanya-kanyang opinyon. Marami sa mga mamamayan ang pumanig kay Padre Damaso, dahil sinasabi nila na hindi mangyayari iyon kung nagtimpi na lamang si Ibarra.
Naintindihan naman ni Kapitan Martin ang galit ni Ibarra. Ayon sa kanya, mahirap makapag-pigil sa paglapastangan ni Padre Damaso sa yumaong ama ni Ibarra na si Don Rafael. Hindi rin mapipigilan si Ibarra sa mga balak niya sapagkat hindi ito natatakot sa mga awtoridad.
Nagbigay din ng opinyon si Don Filipo at ayon sa kanya, naniniwala siya na si Ibarra ay umaasa na papanigan o susuportahan ng mga taga-San Diego dahil sa kabutihan na ginawa niya at ng kanyang ama. Sinabi rin niya na wala siyang magagawa sa isyung ito sapagkat ang mga prayle ang palaging may katwiran. Dagdag pa rito, ang mga mayayaman at prayle ay nagkakaisa, samantalang ang taong-bayan ay watak-watak at walang pagkakaisa. Ang ginawa ni Ibarra ay isa lamang natural na tugon sa hindi maipaliwanag na paglapastangan ng pari sa kanyang ama.
Ang mga matatandang babae naman sa bayan ay pumanig kay Padre Damaso, sapagkat naniniwala sila na mapupunta sa impyerno at malalayo sa grasya mula sa simbahan kung hindi nila papanigan ang pari. Si Kapitana Maria naman ay panig kay Ibarra at sinabi niya na isang karangalan na magkaroon ng isang anak na katulad ni Ibarra, na handang mangalaga at magtanggol sa mga alaala ng yumaong ama.
Sa kabilang banda, ang mga magsasaka ay nagkaroon ng takot at pangamba. Iniisip nila na baka hindi na matuloy ang pagpapatayo ng paaralan. Gusto nila na makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. May mga nagsabi na maaaring hindi matuloy ang pagpapatayo ng paaralan, sapagkat tinawag ng mga prayle si Crisostomo Ibarra bilang isang pilibustero. Ang mga magsasaka naman ay hindi naunawaan ang ibig sabihin o ang kahulugan ng salitang iyon.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 35
Ang bawat kabanata ng Noli Me Tangere ay sumasalamin sa mga isyu sa lipunan at ang reaksiyon ng mga tao tungkol dito. Narito ang mga aral na mapupulot ng mga mambabasa sa kabanatang ito.
Mga Aral | Paglalarawan |
Mahalaga ang pagkakaroon ng pagkakaisa | Sa kabanatang ito, makikita na nagkakaisa ang mga prayle at mayayaman, kaya nagtatagumpay ang kanilang mga balak. Kung ang taong-bayan ay magkakaisa na alamin ang katotohan at panigan ang tama, mas uunlad ang kanilang pamumuhay. |
Paninindigan sa sariling pananaw at prinsipyo. | May mga pumanig kay Ibarra at ang karamihan ay kay Padre Damaso. May mga ilang nanindigan sa kanilang opinyon at pananaw, kahit ito ang sinusuportahan ng nakararami. Mahalaga ang manindigan sa sariling pananaw at huwag magpa-impluwensya sa iba. |
Ang katotohanan ang dapat gawing basehan sa pagbibigay ng opinyon | Bago ipagkalat ang isang balita, dapat ay alamin ang totoong pangyayari upang maiwasan na magkaroon ng maling interpretasyon. |
Mahalaga ang edukasyon sa ating pag-unlad | Mahalaga ang makapag-aral sapagkat ito ang magbibigay sa atin ng magandang kinabukasan at upang maunawaan ang iba’t-ibang bagay. Ito rin ay makakapagpawala ng ating mga takot at pangamba. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan sa Kabanatang ito ng Noli Me Tangere. Pinag-usapan nila ang isyu sa pagitan nina Ibarra at Padre Damaso at nagkaroon sila ng iba’t-ibang pananaw, reaksyon, at opinyon tungkol dito.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Kapitan Martin | Naintindihan niya ang ginawa ni Ibarra kung bakit hindi nito napigil ang sarili. |
Don Filipo | Naniniwala siya na umaasa si Ibarra sa suporta ng mamamayan dahil sa mga tulong nito at ni Don Rafael. |
Mga matatandang babae | Pumanig sila kay Padre Damaso sapagkat natatakot sila na mapunta sa impyerno. |
Mga mamamayan ng San Diego | Ipinahayag nila ang kanilang mga opinyon tungkol sa tensyon sa pagitan nina Ibarra at Padre Damaso. |
Kapitana Maria | Natuwa siya kay Ibarra sapagkat ipinagtanggol nito ang dignidad ng yumaong ama. |
Mga magsasaka | Nangamba sila na baka hindi na matuloy ang pagpapatayo ng paaralan. |
Padre Damaso at Ibarra | Sila ang pinag-uusapan ng mamamayan tungkol sa naging tensyon sa pagitan nila. Ang ilang mamamayan ay naiintindihan si Ibarra, subalit ang karamihan ay si Padre Damaso ang kinampihan. |
Talasalitaan
Mahalagang matutunan ang mga kahulugan ng mga salitang hindi tayo pamilyar upang sa susunod na mabasa natin ang mga ito ay alam na natin ang ibig sabihin at mas mauunawan ang ating mga binabasa.
Mga Salita | Kahulugan |
Lumaganap | Kumalat |
Pumanig | Kumampi |
Pagtitimpi | Pagkontrol sa sarili |
Nalugod | Nagalak |
Nabahala | Nag-alala o nabalisa |
Nalugod | Natuwa, nagalak, o nasiyahan |