Sa Kabanata 19 ng Noli Me Tangere ay matutunghayan natin ang mga suliranin na kinakaharap ng isang guro at ang sistema ng pagtuturo. Mahalaga ang papel ng paaralan sa kinabukasan ng mga bata, subalit marami ang balakid na kinakaharap ng isang guro sa kanyang pagtuturo dahil nakikialam ang kura paroko ng simbahan.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 19
Nag-uusap si Ibarra at ang isang guro sa tabi ng lawa. Itinuro ng guro kay Ibarra kung saang tapat itinapon ng sepulturero ang bangkay ni Don Rafael. Sinabi rin ng guro kay Ibarra na kasama nila si Tenyente Guevarra noon at pakikilibing lamang ang tangi niyang nagawa.
Malaki ang utang na loob ng guro kay Don Rafael. Ang ama ni Ibarra ang tumulong sa guro upang matustusan niya ang kaniyang pangangailangan sa pagtuturo. Ang kakulangan sa pang-gastos sa pagtuturo ang isa sa mga suliranin ng guro. Naipahayag din ng guro ang kanyang kagustuhan na baguhin ang sistema ng edukasyon ngunit siya ay nabigo.
Ang iba pa niyang problema sa pagtuturo ay ang kawalan ng pagtutulungan ng mga magulang ng mag-aaral at pamahalaan, kakulangan ng mga kagamitan sa pag-aaral, kawalan ng interes o motibasyon ng mga bata na mag-aral, at ang kawalan ng silid-aralan.
Ang silong ng kumbento na nasa tabi ng karwahe ng kura ang ginagamit nila bilang silid-aralan. Napapagalitan sila ng kura dahil ang pagbabasa at pag-aaral daw ng mga bata ay nakakaabala sa kanila. Mas madaling natututo ang mga bata ng Wikang Kastila, ngunit siya ay nilait ni Padre Damaso dahil ang wikang ito raw ay hindi nababagay sa isang mangmang na katulad ng guro. Ayon kay Padre Damaso, Wikang Tagalog lamang ang dapat niyang gamitin.
Siya ay ipinaris ni Padre Damaso kay Maestro Circuela, isang guro na nagtayo ng eskwelahan at nagtuturo sa mga bata ng pagbabasa kahit na hindi ito marunong magbasa. Sinunod niya si Padre Damaso dahil wala naman siyang magagawa kahit hindi siya sang-ayon sa opinyon nito. Ipinagpatuloy pa rin niya ang pag-aaral ng Wikang Kastila para sa kanyang sarili.
Ang pakikialam ni Padre Damaso sa kanyang pagtuturo ang isa rin sa kanyang mga suliranin. Itinigil niya ang paggamit ng pamalo sa pagtuturo, ngunit ipinatawag siya ni Padre Damaso na gumamit ng pamalo para mas madisiplina ang mga bata at mas matuto ang mga ito. Labag man sa kanyang kalooban ay ibinalik niya ang paggamit ng mga pamalo sapagkat nahikayat din ni Padre Damaso ang mga magulang ng mga bata na makabubuti ito para sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Nagkasakit ang guro dahil sa hirap ng sistema ng edukasyon kaya huminto siya pansamantala. Sa kanyang pagbabalik sa pagtuturo ay kaunti na lamang ang bilang ng mga batang kanyang tinuturuan. Hindi na rin si Padre Damaso ang kura kaya siya ay nagkaroon ng pag-asa. Pinagsikapan niya na isalin sa Wikang Tagalog ang mga aralin sa Wikang Kastila.
Upang mas mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral, ay dinagdagan niya ang aralin ng tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas, kagandahang asal mula sa Urbanidad ni Hustensio at Felisa, pagsasaka, at katesismo. Ayon sa bagong kura paroko, relihiyon ang unang dapat ituro sa mga mag-aaral. Nangako naman si Ibarra sa guro na tutulungan niya ito dahil inanyayahan siya ng Tinyente Mayor sa isang pagpupulong.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 19
Ang Kabanata 19 ay nagpapakita ng sistema ng edukasyon at ang mga suliranin ng isang guro. Sa kabanatang ito matututunan natin ang pagmamalasakit ng mga guro sa pagtuturo at ang kahalagahan ng edukasyon.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagiging isang mabuting guro | Sa kabila ng mga suliranin na kinaharap ng guro, patuloy pa rin siyang nagmamalasakit sa mga batang mag-aaral. Nagdagdag din siya ng mga aralin upang mas mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral. |
Pagtulong sa mga nangangailangan | Katulad nina Don Rafael at Ibarra, tinulungan nila ang guro upang magkaroon ng maayos na sistema ang edukasyon at mapunan ang mga kakulangan. |
Mahalaga ang edukasyon para sa kinabukasan ng Kabataan | Mahalaga ang edukasyon dahil ito ay nagbibigay ng kaalaman at oportunidad. Pahalagahan ang edukasyon at mag-aral ng mabuti sapagkat may mga batang hindi nakakapag-aral. |
Mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa upang maitaguyod ang edukasyon | Ang magulang, guro, pamahalaan, at simbahan ay dapat magtulungan upang maging maayos ang edukasyon at matuto ang mga bata. |
Mga Tauhan sa Kabanata 19
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 19 ng Noli Me Tangere. Sa kabanatang ito makikilala natin ang mga taong tumulong sa guro upang maisaayos ang kalidad ng edukasyon at ang mga taong nakikialam sa sistema nito.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Guro | Siya ang nagtuturo sa mga bata sa San Diego at marami siyang mga kinakaharap na suliranin upang maitaguyod ng maayos ang edukasyon. |
Don Rafael | Tinulungan niya ang guro upang masolusyonan ang ilang problema sa edukasyon |
Crisostomo Ibarra | Nangako siya sa guro na tutulong upang mapaunlad ang edukasyon sa bayan ng San Diego. |
Padre Damaso | Siya ay nakiki-alam sa sistema ng pagtuturo ng guro. |
Bagong kura paroko | Ipinatawag niya ang guro at sinabi na relihiyon ang dapat unang ituro sa mga bata |
Tinyente Mayor | Inanyayahan niya sa isang pagpupulong si Ibarra |
Talasalitaan
Narito ang ilan sa mga salitang hindi karaniwang nababasa o naririnig na nabanggit sa Kabanata 19 ng Noli Me Tangere at ang kanilang kahulugan. Ang mga salitang ito ay maaaring hindi pamilyar sa ilang mambabasa lalo na sa modernong panahon.
Mga Salita | Kahulugan |
Balakid | Hadlang o Sagabal |
Panluksa | Damit na isinusuot bilang simbolo ng pagdadalamhati sa mga yumao |
Inanyayahan | Inimbitahan |
Pakikiramay | Pagpapakita ng simpatya |
Kakulangan | Hindi sapat |
Panghihimasok | Pakiki-alam sa iba’t-ibang bagay |