Ang Kabanata 28 ng Florante at Laura ay matutunghayan natin ang mga pagdurusang pinagdaanan ni Flerida upang makaligtas ang kanyang sinisintang si Aladin. Bago pa man siya maikasal kay Aladin ay nakatakas siya sa pamamagitan ng pagbibihis bilang isang gerero. Sa kanyang paglalakbay sa gubat ay nakita niya ang isang babae na sinasaktan ng isang taong sukab at iniligtas niya ito.
Buod ng Florante at Laura Kabanata 28
Isang boses ng dalaga ang narinig nina Florante at Aladin na nagsasalaysay. Narinig nila ang sinabi nito.
Nang malaman ng babae na ang kanyang abang sinta na nasa bilangguan ay pupugutan, nagmakaawa siya sa hari na huwag ituloy ito. Habang lumuluha at dumadaing sa hari ay hiningi niyang patawarin nito ang anak na sinisinta ng babae. Sinabi naman ng hari na kung hindi tatanggapin ng babae ang pagsinta niya ay hindi niya papatawarin ang lalaki, kahit ito ay anak niya.
Naitanong na lamang ng babae sa kanyang sarili kung ano ang kanyang gagawin sa ganitong pangyayari at hahayaan na ang kanyang sinisinta ay mamatay. Nagmakaawa siya upang mabuhay ang prinsipeng minamahal niya. Pumayag siya na mapakasal sa sultan, ang ama ng kanyang minamahal. Ginawa niya ito kahit na masakit upang mailigtas ang lalaking kanyang iniibig.
Dahil dito, natuwa ang hari at pinakawalan agad ang anak dahil sa pagluha, pagmamakaawa, at pagpayag ng babae sa kagustuhan ng hari. Ngunit, kailangang umalis ng kanyang minamahal sa syudad ng Persya at pumunta sa ibang lupain. Hindi man lamang sila nagka-usap ng kaniyang minamahal. Wala na siyang luhang maibubukal na maitutumbas sa pagdurusang kanyang nararamdaman.
Noong inihahanda na ang palasyo para sa kasal nila ng sultan ay nagdamit siya ng pang-sundalo upang makatakas. Hatinggabi ay lihim siyang tumukas at dumaan sa bintana. Ang nais lamang niya ay makita ang lugar kung nasaan ang kanyang sinisinta. Ilang taon na siyang naglagalag at kanyang pinapalasyo ang gubat at bundok. Nakarating siya sa lugar na ito at iniligtas ang isang babae sa masamang pagnanasa ng isang lalaki.
Ang babaeng narinig ni Florante at Aladin na nagsasalaysay ay si Flerida at ang iniligtas nito ay si Laura na sinasaktan ni Konde Adolfo.
Mga Aral na Matututunan sa Kabanata 28
Narito ang mga aral na matututunan sa Kabanata 28 ng Florante at Laura. Ang bawat kabanata ay may hatid na magagandang aral at kaisipan na magbibigay ng inspirasyon sa mga mambabasa.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagsasakripisyo para sa minamahal | Kahit mahirap sa kalooban ni Flerida ay pumayag siya na makasal sa sultan para makaligtas ang kanyang minamahal. Marami tayong ginagawang sakripisyo para sa mahal natin sa buhay. Kahit masakit, kaya nating tiisin para lang maging ligtas sila at maging maayos ang kalagayan. |
Pagkakaroon ng lakas ng loob at tapang | Katulad ni Flerida, naglakas loob siyang tumakas sa palasyo upang hindi matuloy ang kasal sa sultan at upang mahanap niya ang kanyang minamahal. Mahalaga ang pagkakaroon ng lakas ng loob at tapang upang makaiwas sa isang maling sitwasyon na hindi makakapagpasaya sa atin. |
Pagtulong sa nangangailangan | Nang makita ni Flerida na sinasaktan si Laura ni Konde Adolfo ay iniligtas niya ito. Tinulungan niya si Laura na makaligtas mula kay Adolfo. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 28 ng Florante at Laura. Sa kabanatang ito ay mas nakikilala natin ang mga pangunahing tauhan sa kwento sa pamamagitan ng kanilang pagsasalaysay.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Florante | Si Florante ang kasintahan ni Laura. Kasama niya si Adolfo at napatigil sila ng may marinig na babaeng nagsasalaysay. |
Aladin | Si Aladin ang Morong taga-Persya na kasama ngayon ni Florante sa gubat. Siya ang kasintahan ni Flerida. |
Laura | Siya ang iniligtas ni Flerida mula sa kamay ng sukob na si Adolfo. Siya ang kasintahan ni Florante. |
Flerida | Pumayag siyang magpakasal sa sultan upang makaligtas si Aladin at hindi matuloy ang pagpugot. Bago pa man siya ikasal sa sultan ay nakatakas siya sa palasyo. Siya ang nagligtas kay Laura mula kay Adolfo. |
Sultan | Ang ama ni Aladin. Inagaw niya kay Aladin ang minamahal nitong si Flerida. Siya ang nag-utos na umalis si Aladin sa syudad ng Persya. |
Adolfo | Si Adolfo ang umagaw kay Laura. Nakita ni Flerida na sinasaktan ni Adolfo si Laura. |
Talasalitaan
May mga malalalim o matatalinhagang salita tayong mababasa sa bawat kabanata ng Florante at Laura. Narito ang kahulugan ng ilan sa mga salita na ginamit sa kabanatang ito na makatutulong sa mambabasa na mas maunawaan ang kwento.
Mga Salita | Kahulugan |
Saysay | Ito ay tumutukoy sa pagsasalaysay o pagku-kwento. |
Matatap | Malaman, maintindihan, matanto, matarok, matalos, o maunawaan. |
Sukab | Ito ay nangangahulugan ng taksil, traydor, o lilo. |
Daing | Pagpapahayag ng lungkot o sakit, hindi kasiyahan, o sama ng loob tungkol sa isang tao, bagay, o pangyayari. |
Napahinuhod | Pagpayag, pang-sang-ayon, pagtango, o pagbibigay ng pahintulot |
Kahambal-hambal | Ito ay tumutukoy sa isang sitwasyon na kaawa-awa, kalunos-lunos, nakakalungkot, o kahabag-habag. |
Paghibik | Paghibik o pagluha |
Maitutumbas | Maitatapat, maipapareho, maisusukat, o maihahaluntulad |
Naghugos | Ito ay tumutukoy sa isang sitwasyon kung saan ay bumaba mula sa anumang mula sa mataas na kinalalagyan |
Matunton | Matagpuan o makita |
Naglagalag | Naglakbay, nagpalibot-libot, o naggagala |