Ang Kabanata 9 ng Noli Me Tangere ay nagpapahayag ng mga bagay-bagay o mga balita tungkol sa bayan ng San Diego. Dito ay makikita rin ang hindi pagsang-ayon ni Padre Damaso sa pagmamahalan nina Ibarra at Maria Clara. Sumusunod si Kapitan Tiyago kay Padre Damaso, lalo na kapag si Maria Clara ang pinag-uusapan. Itinuturing din niya si Crisostomo Ibarra bilang isang kaaway.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 9
Nakasalubong ni Padre Damaso si Ibarra habang siya ay papunta sa bahay ni Kapitan Tiyago. Nakita naman niya si Tiya Isabel at Maria Clara na papunta sa beateryo upang kuhanin ang gamit ng dalaga. Hindi sang-ayon si Padre Damaso sa pag-alis ni Maria Clara sa beateryo kung kaya uminit ang kanyang ulo.
Nagmadali siya sa pagpunta sa bahay ni Kapitan Tiyago. Sa silid-aklatan nag-usap ng masinsinan sina Padre Damaso at Kapitan Tiyago. Umabot silang dalawa sa pagsisigawan dahil naging mainit ang kanilang usapan.
Sa kabilang dako, nagmamadaling pumunta si Padre Sibyla sa kumbento pagkatapos ng kaniyang pagmimisa. Nadatnan niya roon ang isang matandang pari. Mapapansin ang paninilaw ng kaniyang balat at at nanlalalim na mga mata. Dahil sa kanyang karamdaman at katandaan, makikita sa kanyang itsura na mahina na siya. Ikinuwento ni Padre Sibyla sa kanya ang mga paratang ng mga tao sa bayan laban kay Ibarra na walang katotohanan.
Naihayag din ni Padre Sibyla sa matandang pari na muntik nang mag-away si Padre Damaso at si Ibarra. Sinabi rin niya na binabalak nina Ibarra at Maria Clara na magpakasal.
Sinabi naman ng matandang pari kay Padre Sibyla na darating ang panahon na tayo ay haharap sa Panginoon kaya ang mga kasalanan ay hindi na dapat dagdagan. Naipahayag din ng matanda na ang mga Indio ay marunong nang humawak ng kanilang yaman.
Para kay Padre Damaso, isang kaaway si Ibarra kaya’t sinabihan niya ang Gobernadorcillo na hindi siya sang-ayon sa nakikita niyang pagmamahalan nina Ibarra at Maria Clara. Sinabi rin ni Padre Damaso kay Kapitan Tiyago na may Karapatan siya sa pagdedesisyon para kay Maria Clara. Sinabi niya ito dahil para sa kanya ay siya ang pangalawang ama ni Maria Clara. Kung naging madalas daw ang paghingi ni Maria Clara ng payo kay Padre Damaso ay maiiwasan daw ang mga pangyayaring ito.
Hindi mapakali si Kapitan Tiyago dahil sa naging pag-uusap nil ani Padre Damaso. Pumunta siya sa silid-dasalan upang patayin ang mga mamahaling kandila na pinasindihan niya kay Maria Clara. Ito ay ginawa niya upang payapa at ligtas na makarating si Crisostomo Ibarra sa kanyang pupuntahan.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 9
Iba’t-iba ang mga aral na matututunan sa bawat kabanata ng Noli Me Tangere. Sa kabanatang ito, makikita natin ang tunay na saloobin ng isang tao kaya dapat tayong maging maingat sa bawat taong nakakasalamuha natin.
Mga Aral | Paglalarawan |
Huwag kaagad magtiwala sa mga tao | Hindi dapat natin ibigay ang ating tiwala sa isang tao lalo na at hindi natin alam ang saloobin at iniisip ng bawat isa. Hindi lahat ng tao ay mayroong magandang intensyon sa pakikisalamuha dahil minsan ay ini-impluwensyahan ka lang nila upang makamit ang mga bagay na gusto nila. |
Maging mapanuri sa bawat taong nakakasalamuha | Suriin ang saloobin ng isang tao kung ang mga bagay na sinasabi o ipinapakita niya ay totoo o pakitang-tao lamang. Alamin kung makabubuti ang mga suhestiyon o opinion na sinasabi sa atin ng ibang tao upang maiwasan ang hindi pagkaka-unawaan. |
Tamang paghawak sa yaman | Nasabi rin sa kabanatang ito na ang mga Indio ay natututo nang gamitin sa tama ang yaman na ipinagkaloob sa kanila. Ito ay makatutulong upang mas pahalagahan pa natin ang mga bagay na nakakamit natin. |
Mga Tauhan
Narito ang ilan sa mga tauhan sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere. Sa kabanatang ito, mas makikilala si Padre Damaso at ang kaniyang mga saloobin sa mga usapin tungkol sa Maria Clara.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Maria Clara | Si Maria Clara ay kasintahan ni Ibarra. |
Tiya Isabel | Siya ang tiya ni Maria Clara na sumama sa kanya sa beataryo upang kuhanin ang mga gamit niya. |
Kapitan Tiyago | Ang ama ni Maria Clara at isa sa mga taong kilala sa kaniyang bayan. |
Padre Damaso | Siya ay hindi sang-ayon sa pagsasama ni Ibarra at Maria Clara. Sinasabi niyang si Ibarra ay isang kaaway. Itinuturing din niya ang kaniyang sarili bilang pangalawang ama ni Maria Clara. |
Padre Sibyla | Siya ang isa sa mga pari na nag-kwento sa isang matandang pari ng mga pangyayari tungkol kina Ibarra, Maria Clara. |
Matandang Pari | Nakilala natin siya sa kwento bilang isang matandang pari na may sakit. Siya ang nagsabi na hindi na dapat pang dagdagan ang mga kasalanan at natutuhan na raw ng mga Indio ang tamang paghawak sa kayamanan. |
Ibarra | Si Ibarra ang kasintahan ni Maria Clara. Siya ang itinuturing ni Padre Damaso bilang isang kaaway. |
Talasalitaan
Ito ang ilan sa mga salita na nabanggit sa kabanata na maaaring hindi pamilyar sa mga mambabasa. Sa pag-unawa at pag-alam ng kahulugan ng mga ito, mas mauunawaan natin ang kwento o ang nobelang sinulat ni Jose Rizal.
Mga Salita | Kahulugan |
Beateryo | Tirahan ng mga madre |
Kumbento | Simbahan |
Masinsinan | Seryoso |
Paratang | Bintang |
Nagpahayag | Nagsabi |