Sa Kabanata 57 ng Noli Me Tangere ay matutunghayan natin ang dalawang bilanggo na nadakip ng mga gwardiya sibil. Makikita rin natin ang mga pagpapahirap ng alperes sa isa sa mga bilanggong ito. Dito rin ay malalaman ang ilan sa mga nasawi sa nangyaring pagkakagulo sa bayan ng San Diego.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 57
Ang mga sibil na nasa kwartel ay balisa. Pinagbabantaan nila ang isang bata na palaging sumisilip sa rehas upang tingnan ang mga nadakip. Halata ang kalungkutan sa mga naroon katulad ng Alperes, Direktorsillo, Kapitan, at Donya Consolacion. Ang sekretaryo ng munisipyo at dalawang klerk ay naroon din sa tribunal. Ang mga pulis at konstabularyo ay pabulong na nag-uusap.
Dumating ang kura bago mag-ika-siyam at naitanong niya sa Alperes sina Don Filipo at Ibarra nang wala sa loob. Isa namang bata ang duguan ang salawal at umiiyak ang kasunod niya. Hinarap ng kura ang dalawang taong nahuling buhay ng mga gwardiya sibil.
Ang unang bihag ay nagngangalang Tarsilo Alasigan. Pilit siyang tinatanong kung may kinalaman ba si Ibarra sa ginawang paglusob. Sinabi naman niya na walang kinalaman sa kaguluhan si Ibarra. Ginawa daw nila ang paglusob upang ipaghiganti ang kanilang ama na pinatay ng mga Sibil sa palo.
Nag-utos ang alperes na dalhin si Tarsilo sa limang bangkay at ito ay umiling. Nakita niya si Pedro na asawa ni Sisa, si Lucas na may taling lubid sa leeg, at ang kanyang kapatid na si Bruno na madaming saksak sa katawan.
Sunod-sunod ang naging katanungan sa kanya, ngunit wala siyang sinabi. Dahil dito, nagalit ang alperes. Nag-utos siya na paluin ng yantok si Tarsilo hanggang sa ang buong katawan nito ay magdugo.
Ibinalik na sa bulwagan si Tarsilo dahil hindi niya sinabi kung sino ang nagpasimuno ng kaguluhan. Pagbalik niya, ang isa namang bilanggo ay tumatawag sa mga santo at nagpapapalahaw ng iyak. Ang bilanggong ito ay ipinasino kay Tarsilo, ngunit sinabi niya na ngayon lang niya ito nakita. Muli siyang pinalo hanggang sa ang katawan niya ay mabalot ng dugo.
Ang kura ay lumabas sa bulwagan dahil hindi niya nakayanan ang pangyayari. Namumutla siya nang lumabas sa bulwagan. Isang dalaga ang nakita ng kura na malakas na nananaghoy, humahalingling, at nagbibilang ng mga naririnig sa loob ng tribunal. Ito ay kapatid nina Bruno at Tarsilo.
Lalong nagalit ang alperes nang hindi mapansin si Tarsilo. Ibinulong sa kanya ni Donya Consolacion na pahirapan ito. Ang alperes ay walang nakuha na impormasyon mula kay Tarsilo at hindi rin niya ito napaamin, ito ay itinapon sa balon na may nakakasulasok na tubig at amoy. Ang kalupitang ito ay hindi kinaya ni Tarsilo at nawalan siya ng buhay. Pagkatapos na matiyak na patay na si Tarsilo ay ang isang bilanggo naman ang binalingan.
Ang bilanggong ito ay nagngangalang Andong. Siya ay tinatawag na luko-luko. Sinabi niya na noong oras na iyon ay sumakit ang tiyan niya kaya tumakbo siya sa ilalim ng puno ng saging na nasa tabi ng kwartel. Pinakain daw siya ng kanyang biyenan ng bulok na pagkain kaya sumakit ang tiyan niya. Nag-utos ang alperes na ibalik si Andong sa karsel.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 57
Ang bawat Kabanata ng Noli Me Tangere ay may hatis na aral sa mga mambabasa. Narito ang ilan sa mga aral na mapupulot natin sa kabanatang ito na maaari nating gawing gabay at inspirasyon.
Mga Aral | Paglalarawan |
Mahalaga ang pagkakaroon ng hustisya at maayos na proseso sa pagpapatupad ng batas | Ang pagkakaroon ng hustisya ay mahalagang konsepto sa pagpapatupad ng batas at sa pag-alam sa katotohanan. Hindi naging makatao at makatarungan ang ginawa na pagpapahirap ng alperes kay Tarsilo. |
Manindigan sa katotohanan at panindigan ang paniniwala | Katulad ni Tarsilo, nanindigan siya sa katotohanan na walang kinalaman si Ibarra. Pinanindigan din niya ang kanyang mga paniniwala. |
Ang kahalagahan ng pananampalataya | Ang isang bilanggo ay naabutan na tumatawag sa mga santo. Ang pananampalataya ay nagdudulot ng pag-asa na magiging maayos ang lahat at malalagpasan ang mga pagsubok. |
Pagmamahal sa pamilya | Ipinakita ng kapatid na dalaga nina Tarsilo at Bruno ang pagmamahal niya sa kanyang mga kapatid. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 57 ng Noli Me Tangere, kabilang na dito ang mga makapangyarihan, bilanggo, at iba pang mga tao na nasawi at naapektuhan sa nangyaring paglusob.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Gwardiya Sibil | Sila ang nagbabantay sa harap ng tribunal. |
Konstabularyo at Pulis | Pabulong sila kung mag-usap. |
Sekretaryo ng munisipyo | Siya ay isa sa mga miyembro ng tribunal |
Direktorsillo | Isa sa mga miyembro ng gwardiya sibil |
Alperes | Nagbibigay ng utos at may hawak ng kapangyarihan |
Donya Consolacion | Ang asawa ng alperes. Sinabi niyang ituloy ang pagpapahirap kay Tarsilo |
Dalawang klerk | Sila ang nagtatala ng mga pangyayari sa tribunal |
Padre Salvi | Dumating siya sa tribunal |
Tarsilo Alasigan | Isa sa mga bilanggo na pinahirapan ng alperes hanggang sa mawalan ng buhay. |
Bruno | Ang kapatid ni Tarsilo na natagpuang patay |
Sisa | Asawa ni Pedro |
Pedro | Isa sa mga nasawi sa kaguluhan |
Lucas | Isa sa mga natagpuang patay at may lubid sa leeg. |
Kapatid na dalaga ni Bruno at Tarsilo | Nalulungkot siya sa mga pangyayari sa kanyang mga kapatid. |
Andong | Siya ang isa sa mga bilanggo. |
Talasalitaan
Sa bawat kabanata ng Noli Me Tangere ay mayroon tayong matututunang mga bagong salita. Upang mas mapalawak pa ang ating kaalaman sa ating sariling wika, mahalagang matututunan natin ang kahulugan ng mga ito.
Mga Salita | Kahulugan |
Rehas | Kulungan |
Tribunal | Taga husga |
Salawal | Pambabang kasuotan |
Paglusob | Pagsugod |
Kwartel | Tirahan ng mga sundalo |
Nananaghoy | Umiiyak |