Sa Kabanata 54 ng Noli Me Tangere ay mabubunyag na ang lihim ng mga aninong nag-uusap sa libingan. Malalaman na ng kura at alperes ang nakatakdang paglusob sa kumbento at kwartel. Pinaghandaan nila itong mabuti. Dito rin ay malalaman n ani Elias kung sinong lahi ang nagdulot ng paghihirap sa kanilang pamilya at naisipan niyang gamitin ang balaraw kay Ibarra.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 54
Ang kura ay nagmamadaling pumunta sa bahay ng Alperes. Tuloy-tuloy siya sa bahay nito at malakas na tinawag ang alperes. Ang alperes naman ay lumabas agad kasama ang kanyang asawa na si Donya Consolacion.
Agad na inireklamo ng alperes ang paninira ng kambing ng kura sa bakod nila. Tumugon naman ang pari na ang buhay ng lahat ay nasa panganib. Bilang katanuyan, sinabi niya na may magaganap na pag-aalsa nang gabing iyon. Ito ay nalaman ng kura sa pamamagitan ng isang babae na nangumpisal sa kanya. Sinabi nito na ang kumbento at kwartel ay lulusubin. Nagkasundo silang dalawa na paghandaan ang pagsalakay na ito.
Humingi ang kura ng apat na sibil para sa kumbento. Palihim naman ang magiging kilos ng mga kawal sa kwartel upang mahuli nilang buhay ang mga sasalakay. Sa pamamagitan nito, malalaman nila kung sino ang nag-utos sa kanila. Ganap ang naging paghahanda ng alperes at kura kaya nakikita nila ang pag-ulan ng krus at bituin kapag naganap ang pagsalakay sa ika-walo ng gabi.
Sa kabilang dako, may isang lalaki ang mabilis ang takbo patungo sa bahay ni Crisostomo Ibarra. Maabilis siyang umakyat sa tahanan nito at nang makita ang isang utusan ay itinanong niya kung nasaan si Ibarra. Sinabi naman nito na ang binata ay nasa kanyang laboratoryo. Ang lalaking ito ay si Elias.
Nang makita niya si Ibarra ay kaagad niyang sinabi ang nakatakdang paglusob na natuklasan niya. Sinabi ni Elias na sunugin lahat ni Ibarra ang mga aklat at kasulatan nito dahil siya ay masasangkot dito at ang pangalan ni Ibarra ang isisigaw ng mga mahuhuli ng mga sibil.
Tumulong si Elias kay Ibarra sa pagpili ng mga dokumento o kasulatan na susunugin. Sa isang kasulatan ay nabasa ni Elias ang tungkol kay Don Pedro Eibarramendia. Tinanong ni Elias kay Ibarra kung ano ang relasyon niya dito. Sumagot naman si Ibarra na siya ay ang kanyang nuno. Pinaikli lamang daw ang apelyido at isa daw itong Bakongado.
Dahil dito, nalaman n ani Elias kung sinong lahi ang nagdulot ng matinding kasawian sa buhay nila. Sa tindi ng kanyang emosyon ay bigla niyang hinugot ang kanyang balaraw at naisip niya na gamitin ito laban kay Ibarra.
Makalipas ang ilang sandal ay nahimasmasan si Elias, binitiwan nita ang balaraw, tumingin ng tuwid kay Ibarra, at mabilis na bumaba sa bahay. Si Ibarra naman ay naiwang nagtataka sa ginawa ni Elias. Nagpatuloy na rin siya sa pagsusunog ng mga dokumento at papeles.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 54
Ang bawat kabanata ng Noli Me Tangere ay may hatid na gintong aral para sa mga mambabasa. Mahalaga na isabuhay ang mga aral na ito upang mas mapaunlad pa natin ang ating pamumuhay at mapaganda ang kinabukasan.
Mga Aral | Paglalarawan |
Lahat ng lihim ay nabubunyag | Ang mga lihim ay nabubunyag sa tamang panahon. Kaya dapat maging maingat tayo sa mga plano natin sa buhay at paghandaan ang mga maaaring maging resulta nito. |
Mahalaga ang pagtutulungan at pagkakaisa sa gitna ng digmaan | Katulad ng alperes at kura, kahit may reklamo ang alperes sa kambing ng kura, nagakaisa pa rin sila upang paghandaan ang nalaman nilang pagsalakay sa kumbento at kwartel. |
Pagpapahalaga sa pagkakaibigan | Mahalaga ang pagkakaroong ng tapat at totoong kaibigan katulad ni Elias. Kaagad niyang pinuntahan si Ibarra nang malaman niya ang pagsalakay na magaganap. |
Pagkontrol sa emosyon | Mahalagang matututunan natin na kontrolin ang ating emosyon. Hindi dapat nakabase ang ating aksyon at desisyon sa ating emosyon upang maiwasan natin na makagawa ng hindi kaaya-ayang gawain. |
Maging alerto sa mga nangyayari | Ang pagiging alerto ay makatutulong upang makagawa ng maayos na plano para sa ikabubuti ng lahat. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 54 ng Noli Me Tangere. Sila ay naghanda sa pamamagitan ng pagbabahagi ng nalalaman, pagtutulungan, at pagkakaisa para sa nakatakdang paglusob sa kwartel at kumbento.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Padre Salvi | Siya ang kura na nagpunta sa bahay ng alperes upang ibalita ang pagsalakay sa kumbento at kwartel. |
Alperes | Ang pinuno ng mga gwardiya sibil. Pumunta sa kanya ang kura upang humingi ng mga sibil na magbabantay sa kumbento. |
Dona Consolacion | Ang asawa ng alperes |
Babaeng Nangumpisal | Sa kaniya nalaman ng kura ang planong pagsalakay |
Elias | Nagtungo sa bahay ni Ibarra upang sabihin ang magaganap na pagsalakay |
Ibarra | Sinunog niya ang mga mahahalagang dokumento at papeles. |
Utusan | Siya ang nagturo kay Elias kung nasaan si Ibarra |
Gwardiya Sibil | Naghahanda sila sa gagawing pagsalakay |
Talasalitaan
Sa bawat kabanata ng Noli Me Tangere ay may mababasa tayong mga salitang hindi pamilyar sa atin. Narito ang kahulugan ng ilang mga salitang nabanggit sa kabanata 54 ng Noli Me Tangere.
Mga Salita | Kahulugan |
Paglusob | Pag-atake o pagsalakay |
Pag-aalsa | Isang gawain laban sa mga makapangyarihan |
Pumanhik | Pumunta o sumampa |
Kumbento | Simbahan |
Kwartel | Tirahan ng mga sundalo |