Isa ang pagsasabong sa mga uri ng sugal kung saan may dalawang manok na naglalaban. Maraming lugar sa Pilipinas ang mayroong sabungan. Sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere ay matutunghayan natin ang pagsasabong na naganap sa bayan ng San Diego. Narito sina Lukas, Kapitan Tiyago, Kapitan Basilio, at marami pang iba.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 46
Sa San Diego ay mayroon ding sabungan katulad ng sa ibang bayan. Ang sabungang ito ay may tatlong bahagi. Una ay ang pinto kung saan may isang babaeng nagbabantay at kumukuha ng bayad sa mga pumapasok. Pangalawa ay ang ulutan kung saan dumaraan ang mga tao at marami ang nagtitinda ng iba’t-ibang paninda. Ito ay malapit sa isang lugar na inilaan para sa mga magtatri, tahur, at karaniwang parokyano. Ikatlo ay ang ruweda kung saan idinaraos ang sultada. Ang mga may matataas na katungkulan at tinitingala sa lipunan ang mga nandito.
Noong araw na iyon ay nagpunta sa sabungan sina Kapitan Tiyago, Kapitan Basilio, at Lucas. Isang malaki at puting lasak na manok ang dala ni Kapitan Tiyago samantalang isang bulik na manok naman ang kay Kapitan Basilio.
Bago magsimula ang sabungan at pustahan ay nagkamustahan muna ang magkaibigan. Pagkatapos nito, napagkasunduan nila ang pusta na nagkakahalaga ng tatlong daang piso. Nakipusta rin ang iba pang sabungero.
Sa paglalaban ay llamado ang puti at dehado naman ang pula. Mayroon namang magkapatid na sina Tarsilio at Bruno na nainggit sapagkat wala silang pera upang maipusta. Upang may maipang-sugal ay lumapit sila kay Lucas upang humiram ng pera, ngunit mayroon itong kondisyon.
Tinanong ni Lucas ang magkapatid kung payag sa kundisyon, ngunit ayaw ng nakatatanda. Sinabi ni Lucas na kahit kilala niya ang magkapatid ay hindi niya ito mapapahiram ng pera. Samantala, patuloy ang paglalaban ng dalawang manok at pareho itong sugatan. May tarak sa dibdib ang puti at ang pula naman ay may sugat sa pakpak.
Unang natumba ang puti na nangingisay at sunod naman ay ang pula na ipinikit ang mga mata. Dahil dito, ang nanalo sa sabong ay ang pula. Ang mga manonood naman ay naghiyawan.
Ang sunod na maglalaban ay ang manok nina Kapitan Tiyago at Kapitan Basilio. Nakita ng magkapatid na binigyan ng per ani Lucas si Pablo. Dahil dito, lalong uminit ang laban at hindi nakatiis ang magkapatid na sumugal. Lumapit sila kay Lucas at sinabing pumapayag na sila sa kondisyon. Sinabihan ni Lucas ang magkapatid na ang mga sandata ay darating kinabukasan. Sa ika-walo ng gabi ng ikalawang araw ay matatanggap nila ang utos. Naging abala na sila sa laban matapos silang magkasundo.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 46
Narito ang mga aral na matututunan sa Kabanata 46 ng Noli Me Tangere na pinamagatang “Ang Sabungan.” Dito ay matututunan natin ang impluwensya ng pagsusugal sa aksyon at desisyon ng mga tao.
Mga Aral | Paglalarawan |
Ang sugal ay nakaka-impluwensiya sa desisyon ng mga tao | Katulad ng magkapatid sa kabanatang ito, hindi nila napigilan ang sarili sa pagsusugal, kaya kahit mapapahamak sila sa kondisyon ni Lucas ay pumayag sila. |
Gamitin ang salapi o pera sa tamang paraan | Ang pera ay hindi madaling kitain kaya dapat ito ay ginagamit sat ama. Iwasan ang bisyo katulad ng pagsasabong, sapagkat hindi ito nakabubuti. |
Huwag pagsamantalahan ang sitwasyon ng ibang tao | Pinagsamantalahan ni Lucas ang sitwasyon ng magkapatid upang magkaroon siya ng dagdag na kakampi upang maisakatuparan ang kanyang mga balak. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan sa Kabanata 46 ng Noli Me Tangere. Sila ay nagpunta sa sabungan upang manood at sumugal kabilang na dito ang mga ordinaryo at kilalang mamamayan sa San Diego.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Kapitan Tiyago | Siya ay may dalang puting lasak na manok |
Kapitan Basilio | May dala siyang isang bulik na manok |
Lucas | Siya ang nagpautang sa magkapatid na gustong sumugal sa sabong ngunit may kondisyon. |
Bruno | Kapatid ni Tarsilo. Lumapit siya kay Lucas upang makahiram ng pera para makapusta. |
Tarsilo | Isa sa magkapatid na lumapit kay Lucas upang manguntang ng pera. |
Pablo | Siya ang tumanggap ng pera mula kay Lukas. Dahil dito ay nanghinayang ang magkapatid na Bruno at Tarsilo kaya pumayag sila sa kondisyon ni Lucas. |
Talasalitaan
Sa pagbabasa ng bawat kabanata ng Noli Me Tangere ay may bago tayong salitang mababasa. Narito ang kahulugan ng mga salitang nabanggit sa kabanatang ito na maaaring hindi pamilyar sa lahat ng mambabasa.
Mga Salita | Paglalarawan |
Sabungan | Lugar kung saan ginaganap ang sabong o ang paglalaban ng manok. |
Puhunan | Pera na ginagamit bilang kapital |
Kakanin | Mga pagkain na gawa mula sa kanin |
Sabungero | Taong naglalaro ng sabong |
Llamado | Malaki ang tsansa o posibilidad na manalo |
Dehado | Mababa ang posibilidad o tsansa na Manalo |
Sandata | Ginagamit sa pakikipaglaban sa digmaan |
Lasak | Kulay puti at itim na manok |
Bulik | Batik batik na manok |
Sentensyador | Humahatol |
Sultada | Ito ay tumutukoy sa bawat laban ng manok |
Sultador | Taong namamahala sa sultada |