Sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere ay ating matutunghayan ang unang naging suliranin ni Maria Clara. Dahil sa nangyaring tensyon sa pagitan ni Padre Damaso at Ibarra ay naapektuhan ang pagiisang-dibdib ng dalawa. Ipinatawag sa kumbento si Kapitan Tiyago at hindi magandang balita para kay Maria Clara ang dala niya pag-uwi. Abala rin si Kapitan Tiyago sa hindi inaasahang pagdating ng Kapitan Heneral sa kanilang tahanan.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 36
Hindi inaasahan ang pagdating ng Kapitan Heneral sa tahanan ni Kapitan Tiyago kaya naging abala ang mga nakatira dito. Nalulungkot naman si Maria Clara at hindi niya pinakikinggan ang payo ni Tiya Isabel at ni Andeng. Puno ng paghihinagpis si Maria Clara sapagkat nalaman niya na ekskomunikado ang kanyang kasintahan na si Ibarra sa simbahan. Pinagbawalan siya ni Kapitan Tiyago na makipagkita kay Ibarra habang hindi pa inaalis ang ekskomonyon kay Ibarra.
Umalis ng bahay si Kapitan Tiago sapagkat ipinatawag siya sa kumbento. Patuloy si Tiya Isabel sa pag-alo kay Maria Clara at sinabi niya na susulat sila sa Arsobispo at magbibigay ng malaking halaga ng pera. Si Ibarra daw ay madaling mapapatawad sapagkat nawala lamang si Padre Damaso sa tamang pag-iisip. Nagboluntaryo naman si Andeng na gagawa ng paraan para magkita sila ni Ibarra.
Habang nag-uusap sila ay dumating si Kapitan Tiyago. Ipinaalam niya na iniuutos ng pari na sirain ang pag-iisang dibdib nina Ibarra at Maria Clara. Sinabi ni Padre Sibyla na huwag tanggapin sa kanilang tahanan si Ibarra at huwag na ding bayaran ang utang ni Kapitan Tiyago kay Ibarra na nagkakahalaga ng P50,000 dahil mawawala ang kanyang buhay at kaluluwa.
Inalo ni Kapitan Tiyago si Maria Clara at sinabi niya na ang ina nito ay noong naglilihi lamang niya nakitang umiyak. Dagdag pa niya, si Padre Damaso ay mayroong kamag-anak na dadating mula sa Europa at ito ang magiging bagong kasintahan ni Maria Clara. Napailing na lamang si Maria Clara sa pahayag na ito ni Kapitan Tiyago at patuloy na umiyak at tinakpan ang tainga. Nagalit si Tiya Isabel at sinabihan si Kapitan Tiyago na ang pagpapalit ng katipan ay hindi katulad ng pagpapalit ng damit.
Iminungkahi ni Tiya Isabel kay Kapitan Tiyago na sulatan ang Arsobispo. Sinabi naman ni Kapitan Tiyago na hindi sila papansinin nito dahil ang pinauunlakan lamang nito ay ang kapwa prayle lamang. Sinabihan ni Kapitan Tiyago si Maria Clara na tumigil na sa kaiiyak dahil baka mamugto ang mata nito.
Maya-maya pa ay dumating na ang Kapitan Heneral. Unti-unti naman napuno ng mga tao ang tahanan ni Kapitan Tiyago. Agad nagtungo si Maria Clara sa silid at nagdasal sa Mahal na Birhen. Pumasok si Tiya Isabel sa silid ni Maria Clara at sinabi na gusto siyang makausap ng Kapitan Heneral. Nag-ayos naman si Maria at sumunod kaagad.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 36
Narito ang mga aral na ating matututunan sa Kabanata 36 ng Noli Me Tangere. Ang mga aral na ito ay maari nating gawing patnubay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay upang mas mapaunlad pa ating mga sarili.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagpapahalaga sa damdamin at dignidad ng isang tao | Katulad ni Tiya Isabel at ni Andeng, pinahalagahan nila ang damdamin ni Maria Clara sa pagbibigay ng payo at bukas loob na pagtulong. |
Pag-alam sa tunay na kalagayan | Mahalagang alamin ang tunay na kalagayan ng bawat miyembro ng pamilya at makinig sa mga suhestiyon nila. Hindi dapat palaging sumusunod sa payo ng makapangyarihan lalo na kung hindi ito magdudulot ng kabutihan. |
Kahalagahan ng pananampalataya | Sa kabila ng mga suliranin na kinakaharap ni Maria Clara, matatag pa rin ang kanyang pananampalataya. |
Ang pag-ibig sa isang tao ay hindi basta mapapalitan | Hindi kaagad mapapalitan ang pag-ibig o nararamdaman sa isang tao. Hindi ito katulad ng pagpapalit ng damit. |
Pagpapahalaga sa minamahal | Ipinakita ni Maria Clara ang kanyang pagmamahal kay Ibarra. |
Mga Tauhan sa Kabanata 36
Ito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 36 ng Noli Me Tangere. Ang kanilang mga desisyon, suhestiyon, at paniniwala ay may epekto sa sitwasyon at buhay ng ibang tao.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Maria Clara | Siya ay nagdadalamhati sapagkat pinagbawalan siya ng kaniyang ama na makipagkita kay Ibarra. |
Ibarra | Siya ang kasintahan ni Maria Clara na naging ekskomunikado sa simbahan. |
Kapitan Tiyago | Ang ama ni Maria Clara |
Tiya Isabel | Siya ang tiya ni Maria Clara na nagbigay ng mga payo sa kanya |
Andeng | Nagboluntaryo siya na gagawa ng paraan para magkita ni Ibarra. |
Kapitan Heneral | Siya ang panauhin ni Kapitan Tiyago |
Padre Damaso | Iniutos niya na putulin ang ugnayan ni Ibarra at Maria Clara |
Padre Sibyla | Nag-utos na huwag papuntahin si Ibarra sa bahay ni Kapitan Tiyago. |
Talasalitaan
Narito ang mga salitang maaaring hindi pamilyar sa mga mambabasa. Mahalagang matutunan ang kahulugan ng mga salitang ito upang mas maunawaan o maintindihan ang mga pangyayaring naganap sa kabanatang ito.
Mga Salita | Kahulugan |
Ekskomunikado | Ang pag-alis ng pribilehiyo sa isang tao sa pagiging miyembro ng simbahan. |
Putulin | Itigil |
Taimtim | Taos-puso |
Nananalangin | Pagdarasal sa Panginoon |
Iminungkahi | Inilahad |
Ekskomunyon | Pagtiwalag sa simbahang Katoliko |