Ang Kabanata 20 ng Florante at Laura ay ang pagsasalaysay ni Florante sa Morong taga-Persya ng kanyang pagdating sa siyudad ng Albanya. Isinalaysay niya na mas lalong tumindi ang sakit na naramdaman niya sa pagkawala ng ina noong magkita sila ng kaniyang ama. Sa kabanata ring ito ay may dumating na sulat mula sa lolo ni Florante na humihingi ng tulong kay Duke Briseo dahil sa paglasakay ng hukbo ng Persya.
Buod ng Florante at Laura Kabanata 20
Ang tulin ng kanilang paglalayag ay parang bininit sa busog, kaya kaagad silang nakarating sa dalampasigan ng siyudad ng Albanya. Pag-ahon niya ay tumuloy siya sa kinta at hindi humihiwalay sa kanya ang katotong sinta na si Menandro. Humalik siya sa kamay ng kaniyang ama at lumala ang sakit na kanyang nadarama sa pagkikita nila.
Muling nagdugo ang sugat sa kanilang puso at mas masakit ito kaysa noong una. Habang tumutulo ang kanyang luha ay sinambit niyang “Ay, ama!” at binati rin naman siya na “Ay, bunso.”
Ang buhay nilang mag-ama ay nayapos sa bangis ng iisang pagdurusa. Habang sila ay magkayap na mag-ama ay dumating ang embahador ng bayang Krotona. Nanggaling siya sa palasyo real at sinabi ang pakay sa hari. May dalang sulat ang embahador sa kanyang ama at ito ay mula sa monarka ng kanyang biyenan o mula sa lolo ni Florante.
Humihingi ito ng tulong sapagkat sila ay nasa pangamba. Kubkob ng kabaka ang Krotonang Reyno sapagkat sinalakay sila ng hukbo ni Heneral Osmalic na mula sa Persya. Ayon sa balita ay pangalawa ang Heneral na ito sa kasikatan ni Aladin na gererong bantog sa sangmundo. Si Aladin ang kilabot ng mga gerero.
Dahil dito, napangiti si Aladin, ang Morong kausap ni Florante habang isinasalaysay niya ang kanyang buhay. Sinabi ni Aladin kay Florante na bihira na magtapat ang balita sapagkat kung totoo man ang mga balita ay marami ang nadadagdag dito.
Ang guniguni na takot ng mga kalaban ay ang madalas na kilala ng tapang. Kilala si Aladin sa katapangan, ngunit ang buhay niya ay sukat na makitil at ang kasamaang palad at dalang hilahil ay kasimpantay din ng pinagdaraan ni Florante.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 20
Marami ang hatid na aral ng bawat kabanata ng Florante at Laura. Ang mga aspeto ng pagtutulungan, pagmamahalan, pag-asa, at pakikibaka para sa karangalan ay ang ilan sa mga aral na matututunan natin sa kabanatang ito.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagmamahal sa pamilya | Ipinakita ni Florante at kanyang ama ang pagmamahal sa isa’t-isa. Ramdam nila ang pagdurusa at sakit na nararamdaman ng bawat isa sa pagkawala ng kanilang minamahal na si Prinsesa Floresca. Ipinakita rin ni Florante ang paggalang sa kaugalian at sa kanyang ama sa pamamagitan ng paghalik nito sa kamay ng ama. |
Paghingi ng tulong upang masolusyonan ang isang pagsubok | Mas madaling solusyonan ang isang pagsubok o problema kung magtutulungan tayo. Sa paghingi ng tulong, mahalagang humingi ng tulong sa mga taong tapat sa iyo upang mapagtagumpayan ang pagsubok. |
Ang bawat isa sa atin ay may pinagdaraang pagsubok | Katulad ni Aladin, kahit kilala siya sa kanyang katapangan, may mga problema rin siyang pinagdaraan. |
Ang mga bagay o pangyayari na nababalita ay hindi lahat totoo | Sinabi ni Aladin na bihira lang maging tapat ang balita, sapagkat marami ang nadadagdag dito. Sa modernong panahon, marami ang balitang nagkalat at hindi lahat ito ay totoo. Ang maling balita ay nagdudulot ng kaguluhan o kalituhan sa mga nakababasa, nakapapanood, o nakaririnig ng mga ito. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 20 ng Florante at Laura. Dito ay isinalaysay ni Florante sa Morong taga-Persya ang detalye ng mga pangyayari pagbalik niya sa bayan ng Albanya.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Florante | Ang pangunahing tauhan sa kwento. Si Florante ay bumalik sa bayan ng Albanya. |
Aladin | Siya ang Morong taga-Persya na kilala sa kanyang katapangan. Siya ang kausap ni Florante. |
Duke Briseo | Ang ama ni Florante. Sa kanya ibinigay ng embahador ang sulat mula sa lolo ni Florante. |
Embahador | Siya ang nagdala ng sulat kay Duke Briseo. |
Heneral Osmalic | Siya ang pinuno ng hukbo ng Persya na sasalakay sa bayan ng Krotona. |
Lolo ni Florante | Siya ang humingi ng tulong kay Duke Briseo dahil sa pagsalakay ng mga taga-Persya. |
Talasalitaan
Narito ang mga matatalinhagang salita at parirala na nabanggit sa kabanatang ito ng Florante at Laura. Ang pag-alam sa kahulugan ng mga ito ay makatutulong sa atin upang mapalawak ang ating kaalaman sa Wikang Tagalog.
Mga Salita | Kahulugan |
Tulin | Ito ay tumutukoy sa bilis ng pag-galaw ng isang bagay. |
Kinta | Ito ay tumutukoy sa maliit na daungan o lugar kung saan ibinabagsak ang mga kalakal. |
Sing-isang dusa | Pagdanas ng parehong pagsubok. |
Pakay | Dahilan o layunin ng isang bagay o pangyayari |
Biyanan | Magulang ng asawa ng isang tao |
Bantog | Popular o kilala ng nakararami |
Banayad | Mahinahon |
Pangingilagan | Iiwasan o hindi lalapitan |
Makitil | Patayin, putulin, o pitasin |
Hilahil | Ito ay isang matinding ligalig sa isip o matinding kirot. |
Matanto | Malaman |