Ang Kabanata 16 ng Florante at Laura ay tungkol sa pagtatagpo nina Florante at Adolfo sa Atenas. Hindi naging madali sa una ang panibagong karanasang ito kay Florante kaya nakaramdam siya ng lungkot at hindi makakain nang halos isang buwan. Si Adolfo ay hinahangaan sa kanyang kabaitan at katalinuhan, ngunit sa kabila nito, nararamdaman niya na pareho silang hindi nagigiliw sa isa’t-isa.
Buod ng Florante at Laura Kabanata 16
Nagpunta si Florante sa Atenas upang mag-aral. Mabait at marunong ang naging maestro niya. Ito ay si Antenor na mula sa lahi ni Pitako. Sinabi niya dito ang lumbay na nararamdaman niya simula ng kanyang pagdating doon.
Halos isang buwan na hindi makakain si Florante at hindi niya mapigil ang luha sa kanyang mga mata. Inaaliw siya ng maestrong kumupkop sa kanya, ngunit hindi pa rin siya naging mapayapa.
Dinatnan niya doon ang mga kapwa mag-aaral na katulad niyang bata. Isa sa mga ito ay si Adolfo na kanyang kababayan. Ito ay anak ni Konde Sileno na marangal. Mas matanda ng dalawang taon si Adolfo kay Florante. Labing-isang taon pa lamang noon si Florante. Hinahangaan si Adolfo sa buong paaralan sapagkat siya ang pinakamarunong sa kanilang lahat.
Hindi magaso si Adolfo at mahinhin ang kanyang asal. Palagi naman patungo tuwing ito ay naglalakad. Mabini siya kung mangusap at walang katalo. Hindi siya nabubuyo kahit lapastanganin man ng iba.
Ang kabaitan ni Adolfo ang naging huwaran ng bawat mag-aaral. Hindi siya mahuhulihanan ng munting panira sa magandang asal sa kanyang salita at gawa. Ang pagkabihasa sa lakad ng mundo at ang katalasan ng kanilang maestro ay hindi natarok ang tungo at lalim ng malihim na puso ni Adolfo.
Ang bait na hindi paimbabaw ang nakamulatan ni Florante sa kanyang ama simula pagkabata. Ang pinagtatakhan ng mga mag-aaral na ipinapakitang kabaitan ni Adolfo ay hindi malasapan ni Florante sa haing ligaya ng magandang asal ng kanyang mga magulang.
Sa puso ni Florante ay naninilag na giliwin si Adolfo at hindi niya malaman kung ano ang dahilan at siya ay naririmarim kay Adolfo. Alam niyang gayundin ang nararamdaman ni Adolfo sa kanya, sapagkat iyon ay nadarama niya kahit malihim si Adolfo.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 16
Maraming aral tayong matututunan sa bawat kabanata ng Florante at Laura. Ang mga aral na ito ay nagdudulot ng mga magagandang kaisipan sa mga mambabasa na maaari nilang gawing inspirasyon at gabay.
Mga Aral | Paglalarawan |
Ang mga bagong karanasan ay hindi madali sa simula | Hindi madaling harapin ang mga pagbabago sa ating buhay, lalo na kung malayo ito sa ating nakasanayan. Katulad ni Florante, hindi naging madali sa kanya ang pagsisimula ng kanyang pag-aaral sa Atenas. Marami tayong matututunan at makikilala sa mga bagong karanasan. Maaaring mahirap sa simula, ngunit paglaon ay magiging maayos rin lahat. |
Ang mga taong huwaran na nagpapakita ng katalinuhan at magandang asal ay hinahangaan ng karamihan | Ang katalinuhan at kabaitan ng isang tao ay madalas hinahangaan ng karamihan. Ang pagkakaroon ng mabuting asal ay nagbibigay ng inspirasyon sa ibang tao. |
Hindi lahat ng nagpapakita ng kabaitan ay mabuti ang puso | Minsan iba ang kilos at ugaling ipinapakita ng isang tao sa tunay na nilalaman ng kanyang puso. May mga taong nagpapakita ng kabutihan at ito ay ginagawa nila upang hangaan ng karamihan. |
Nararamdaman ng ating puso ang tunay na pagkatao ng mga nakakasalamuha natin | Katulad ni Florante, hindi siya nagigiliw kay Adolfo at hindi niya maipaliwanag ang dahilan nito. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa kabanata 16 ng Florante at Laura. Dito ay mas makikilala natin ang karakter ni Adolfo na naging karibal ni Florante sa pagmamahal kay Laura.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Aladin | Hindi direktang binanggit, ngunit siya ang kausap ni Florante na nagsasalaysay tungkol sa kanyang kabataan. |
Florante | Si Florante ay nag-aral sa Atenas at naging maestro niya si Antenor. Nandoon din si Adolfo na kanyang kababayan. |
Antenor | Siya ang maestro nina Florante at Adolfo. Nagmula siya sa lahi ni Pitako. |
Adolfo | Si Adolfo ang hinahangaan ng karamihan dahil sa kanyang talino at kabaitang ipinapakita. |
Konde Sileno | Siya ang marangal na ama ni Adolfo. |
Talasalitaan
Sa bawat kabanata ng Florante at Laura ay may matututunan tayong mga bagong salita. Mahalagang matutunan ang kahulugan ng mga ito upang mas maunawaan natin ang kwento na ating binabasa at madama ang mensaheng inihahatid nito.
Mga Salita | Kahulugan |
Maestro | Ito ay tumutukoy sa isang guro na nagtuturo sa eskwelahan. |
Lumbay | Emosyon na nagpapakita ng kalungkutan |
Kaparis | Katulad, kapareho, o hindi naiiba |
Pinupoon | Iginagalang o dinadakila |
Magaso | Ito ay nangangahulugang sutil, galawgaw, hindi mapalagay, magulo, o magaslaw. |
Nabubuyo | Nahihikayat, naeenganyo, natutukso, o naaakit. |
Huwaran | Ito ay isang tao na mabuting ehemplo, modelo, o halimbawa sa iba. |
Natarok | Ang salitang ito ay nangangahulugang nasiyasat, nalaman, napagtanto, o nabatid. |
Paimbabaw | Ang kahulugan nito ay mapagbalatkayo, impokrito, mapagkunwari, plastik, pagpapakitang-tao, o hindi tapat. |
Naririmarim | Ito ay tumutukoy sa mga bagay, tao, o pangyayari na kasuklamsuklam, o hindi kanais-nais. |