Ang Kabanata 10 ng Florante at Laura ay tungkol sa pagtulong ni Aladin, ang gererong taga-Persiya, kay Florante. Dahil sa habag niya sa naririnig niyang pagtaghoy ay hinanap niya ang pinanggagalingan nito at nakita niya ang tapat kung saan ito nagmumula. Sa pamamagitan ng kanyang tabak at tapang ay napagtagumpayan niya na mapatay ang dalawang leon na naka-ambang pumatay kay Florante.
Buod ng Florante at Laura Kabanata 10
Hindi na napigilan ng gerero ang kanyang habag sa kasindak-sindak na pagtaghoy ni Florante. Hinanap niya kung saan ang boses at natunton niya iyon. Gamit ang kanyang patalim ay nakagawa siya ng daan. Pinutol niya ang mga nakaharang na halaman sa kanyang daanan.
Ang mga dawag ay naglagitikan at patuloy siya sa paggawa ng landas hanggat hindi nararating ang pinagmumulan ng pagtangis. Siya ay nagmadali na magtungo sa lugar na iyon sapagkat ang araw ay palubog na.
Nakita niya ang nakagapos na lalaking si Florante at ang kahambal-hambal nitong kalagayan. Pagkarating niya ay napatigil siya at hindi nakakibo, sapagkat nakita niya ang mga mababangis na leon na nakatayo.
Gutom ang mga leon kaya nagbalik ang kanilang pagkaganid at nawalan ng awa, kaya’t makikitang handa na ang kanilang ngipin at kuko upang kainin si Florante na nakagapos. Pinapangalisag nila ang kanilang balahibo at nakakagulat na nanindig ang buntot. Ang mabangis na anyo ng mga leong ito na at pagngangasab ay maihahalintulad sa puryang nagngangalit.
Itinaas ng leon ang kamay at umakmang ang kuko ay gagamitin upang silain si Florante. Nang darakmain na si Florante ng mga leon ay sakto namang pagdating ng gererong si Aladin. Ang dalawang leon ay inusig niya sa pamamagitan ng tabak. Walang naging bigo ang bawat kilos ng gerero sa pagtabak sa mga leon. Sa kanyang ipinakitang galing ay nalinlang niya ang mga leon at kalaunan ay napatay niya ang mga ito.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 10
May mga magagandang aral tayong matututunan sa kabanata 10 ng Florante at Laura. Ang mga aral na ito ay maaari nating gawing gabay at motibasyon sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagpapakita ng awa at habag | Dahil sa habag ng gerero ay hinanap niya ang lugar kung saan nagmumula ang kasindak-sindak na pagtangis. Sa pamamagitan ng kanyang tabak, natunton niya ang kinaroroonan ni Florante. |
Pagpapakita ng tapang | Nakita ng gerero ang kalagayan ni Florante at ang dalawang leon na handang kumain sa kanya. Ipinakita niya ang kanyang tapang at lakas ng loob upang mapagtagumpayan ang dalawang leon at mailigtas si Florante. |
Pagtulong sa mga nangangailangan | Magkaiba ang lugar na pinagmulan ni Florante at Aladin, ngunit hindi ito naging hadlang upang tulungan ni Aladin si Florante. Ginawa niya ang kanyang makakaya upang mailigtas si Florante laban sa dalawang leon. |
Pagkakaroon ng pag-asa | Huwag mawalan ng pag-asa at magkaroon ng pananalig. Minsan, may dumarating na tulong kahit hindi natin inaasahan. |
Mga Tauhan
Magkaiba ang pinagmulan ng dalawang pangunahing tauhan sa kabanatang ito. Makikita natin ang pagtulong ng gerero kay Florante upang sagipin ang buhay nito laban sa mga leong handang lapain ang binata.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Florante | Si Florante ang pangunahing tauhan sa kwentong ito. Siya ang lalaking nakagapos sa puno sa gitna ng gubat at may nakaabang na dalawang na leon na handang lumapa sa kanya. |
Aladin | Siya ang gerero na nakarinig sa paghihinagpis ni Florante. Nakita niya ang kahabag-habag na kalagayan ni Florante kaya tinulungan niya ito sa pamamagitan ng pagpatay sa mga leon. |
Talasalitaan
Sa bawat kabanata ng Florante at Laura ay may mababasa tayong malalalim na mga salita. Mahalaga na matututunan natin ang kahulugan ng mga salitang ito upang mas mapalawak pa ang ating kaalaman sa sariling wika.
Mga Salita | Kahulugan |
Tinaghug-taghoy | Ito ay nangangahulugan ng pagtangis, pagdaing, malakas na pag-iyak, paghihimutok, paghihinagpis, o pananambitan. |
Kasindak-sindak | Isang bagay o pangyayari na lubhang nakagugulat, nakasisindak, nakabibigla, nakapanghihilakbot, nakayayanig, nakapangingilabot, o nakatatakot. |
Tinunton | Ito ay tumutukoy sa kilos o sitwasyon kung saan ang isang tao ay pumunta sa isang partikular na lugar. |
Landas | Ang salitang ito ay tumutukoy sa daan o lugar na tutunguhin. Maaari rin itong maging palatandaan upang sapitin ang isang lugar na pupuntahan. |
Dawag | Ito ay isang uri ng halaman na matinik. Pangkaraniwang makikita ito ay sa mga kagubatan. Maraming tinik sa gilid nito at ito ay namumulaklak. |
Masinsin | Ang salitang ito ay tumutukoy sa bagay na magkakatabi o walang pagitan. Maaari ring kahulugan nito ay siksikan, makapal, masukal, o masikip. |
Lagitik | Isang uri ng tunog na nabubuo kapag ang mga bagay ay napuputol, nababali, o pinipihit. |
Nasapit | Nangangahulugan na natamo, maabot, o kumuha. |
Binubukalan | Ito ang lugar na pinanggagalingan ng isang bagay. |
Tangis | Tumutukoy sap ag-iyak o paghiyaw. |
Kahambal-hambal | Ito ay tumutukoy sa isang sitwasyon na kaawa-aw, kalunos-lunos, o kahabag-habag. |
Lumagaslas | Ang salitang ito ay nangangahulugan ng pagdaloy. |
Nakakibo | Nakakilos |
Ganid | Sakim, Gahaman, o Mapangamkam |
Pinapangasilag | Paninindig ng balahibo |
Inusig | Hinusgahan |
Nginasab-ngasab | Nginuta-nguta o kinagat-kagat |