Ang Kabanata 1 ng Florante at Laura ay ang paglalarawan sa isang gubat. Ito ang unang tagpuan ng kwentong Florante at Laura. Inilalarawan na ang gubat na ito ay madilim, maraming dawag na matitinik, hindi pumapasok ang sikat ng araw. Marami ang Sipres at Higerang Kutad na nakatanim dito bukod pa ang ibang mga punongkahoy. May hayop rin dito na mababangis at nakatatakot katulad ng tigre, syerpe, basilisko, at hayena. Lubhang mapanganib ang lugar na ito.
Buod ng Florante at Laura Kabanata 1
May isang gubat na madilim at mapanglaw. Ang mga dawag na maraming tinik ay magakakatabi. Ang mga halaman ay matataas. Dahil masukal ang gubat ay nahihirapan na makapasok si Pebong Silang sa loob nito.
Ang mga punong kahoy na nandito ay malalaki. Mararamdaman dito ang kalungkutan, dalamhati, at kahapisan. Nakalulunos rin ang huni ng mga ibon sa kagubatang ito lalo na sa mga may matitimpi at masasayang kalooban.
Namimilipit ang mga baging sa kagubatang iyon. Nababalot naman ng tinik ang sanga ng mga kahoy. Samantalang ang bunga ng mga ito ay may bulo kaya ito ay nagdudulot ng karamdaman o sakit sa mga sasagi at lalapit dito.
Ang mga bulaklak sa mga nagtayo na punongkahoy ay pinakamaputing nag-usli o nag-ungos sa mga dahoon. Ang pang-luksang kulay ng mga ito ay umaayon sa isang masangsang na amoy na nakahihilo.
Karamihan sa mga punongkahoy na nakatanim ay Sipres at Higerang Kutad. Nakatatakot ang mga lihim ng mga punongkahoy na iyon. Walang bunga ang mga punong iyon at ang mga malalapad na dahoon ay nagdudulot ng dilim sa loob ng kagubatan.
Marami rin ang mga gumagalang mga hayop dito. Karamihan sa mga ito ay Basilisko at Syerpe. Mayroon ding mga mababangis na tigre at hayenat na nagsisila ng mga buhay ng mga tao at iba pa.
Ang gubat na ito ay malapit sa pinto ng Avernong Reyno ng masungit na Pluto. Ang lupa na sumasakop sa kagubatang ito ay dinidilig ng tubig mula sa Ilog Kosito. Inilalarawan ang tubig ng ilog na ito bilang makamandag.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 1
Narito ang mga aral na matututunan natin sa unang kabanata ng Florante at Laura. Ito ay tungkol sa pangangalaga sa ating kalikasan at pagkakaroon ng lakas ng loob at tapang na harapin ang mga pagsubok.
Mga Aral | Paglalarawan |
Maayos na pangangalaga sa ating kalikasan | Ang gubat ang tagpuan ng unang kabanata ng Florante at Laura. Inilarawan ang gubat na ito bilang masukal at nakakatakot. Mahalagang pangalagaan natin ang ating kalikasan sapagkat malaki ang naitutulong nito sa atin. |
Malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng lakas ng loob sa harap ng mga pagsubok | Inilarawan ang gubat sa kabanatang ito at sinasabing may isang lalaki ang nakagapos dito. Isang nakakatakot na lugar ang gubat base sa paglalarawan ng may-akda. Mahalaga ang magkaroon ng lakas ng loob at tapang upang malagpasan natin ang mga pagsubok. |
Maging alerto upang maiwasan ang kapahamakan | Mahalaga ang maging alerto ang isipan. Hindi dapat tayo nagpapadala sa takot upang makapag-isip ng maayos at masolusyonan ang mga pagsubok na ating kinakaharap. |
Maging mapag-obserba sa paligid | Mahalaga ang maging mapagmatyag. Sa isang lugar katulad ng kagubatan na mayroong mababangis na hayop at madilim na kapaligiran ay mahalaga ang maging mapagmatyag. Obserbahan ang paligid upang malaman mo ang mga bagay na dapat mong gawin at makaligtas sa kapahamakan. |
Mga Tauhan
Walang direktang binanggit na tauhan sa unang kabanata ng Florante at Laura, subalit may isang lalaki na nakagapos sa gubat na ito. Siya ang pangunahing tauhan ng kwentong ito. Siya si Florante.
Tauhan | Paglalarawan |
Florante | Hindi direktang binanggit ang pangalan niya, subalit sa pamamagitan ng paglalarawan ng may-akda sa gubat, masasabi nating nagpapakatatag siya. Mas makikilala pa natin siya sa mga susunod na kabanata. |
Talasalitaan
Maraming nabanggit na malalalim na salita sa unang kabanata ng Florante at Laura (Saknong 1-7). Narito ang mga kahulugan ng mga salitang ito na makatutulong sa atin upang mas mapalawak ang ating kaalaman sa ating sariling wika.
Mga Salita | Kahulugan |
Mapanglaw | Malungkot, malagim |
Dawag | Isang uri ng halaman na matinik |
Pebong Silang | Sikat ng araw |
Masukal | Maraming damo sa paligid |
Kahapisan | Kalungkutan |
Nakalulunos | Nakatatakot |
Namimilipit | Namamaluktot o naninikip |
Balot ng tinik | Maraming tinik sa paligid |
Sumagi | Nasagi, Dagilin, Nadagil |
Nag-ungos | Nag-usli |
Kulay-luksa | Karaniwang kulay itim o mga kulay na madidilim. |
Nakaliliyo | Nakahihilo |
Masangsang | Mabaho o di kaaya-ayang amoy |
Sipres | Ito ay isang uri ng punongkahoy na mataas at may tuwid na mga sanga. |
Syerpe | Ito ay tumutukoy sa ahas o sirpyente. |
Nakakasindak | Nakatatakot |
Lihim | Sekreto o impormasyong hindi pa nabubunyag. |
Nagsisila | Pagpatay ng mga mababangis na hayop sa mga tao o sa ibang hayop na mas mahina o maliit sa kanila upang may pagkain sila. |
Masungit | Mataray, magagalitin, o napopoot |
Dinidilig | Dumadaloy o umaagos na tubig |
Kamandag | Ito ay nakalalason na likido na nagmumula sa iba’t-ibang uri ng hayop. |