Ang Kabanata 58 ng Noli me Tangere ay tungkol sa mga nadarama ng mga kaanak ng mga bilanggo. Kasama sa mga bilanggo si Ibarra na sinisi ng mga tao sa pangyayari at ni isa ay wala siyang nakita na gustong dumamay sa kalagayan niya. Dito ay matutunghayan rin natin ang naging kalagayan ni Pilosopo Tasyo.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 58
Ang pamilya ng mga bilanggo ay tuliro at balisa. Pabalik-balik sila sa kumbento, tribunal, at kwartel. Wala silang makakapitan na malakas o malalapitan upang humingi ng tulong para ang mga kaanak nila ay makalaya sa bilangguan. Ayaw ng kura na makipag-usap kahit kanino sapagkat may sakit. Ang alperes ay nagpadagdag ng bantay samantalang nawalan naman ng silbi ang Kapitan.
Ang mga babaeng nagsusumamo ay ayaw pa rin umalis kahit sobrang init na. Ang mag-ina naman ni Don Filipo ay palakad-lakad at umiiyak. Si Kapitana Tinay naman ay patuloy na binabanggit ang pangalan ng kanyang anak na si Antonio at aligagang hinahanap ito. Si Kapitana Maria ay nagpupumilit na maka-akyat sa pader makita lang ang kanyang kambal na anak. Ang biyenan naman ni Andong na dahilan kung bakit ito nakulong ay nagsisigaw na wala silang karapatan na hulihin si Andong dahil sa pag-upo nito sa ilalim ng puno ng saging.
Sinisisi naman ng ilan si Ibarra sapagkat pinaniniwalaan niya na siya ang pasimuno ng kaguluhan. Noong alas-dos ay mayroong baka na dumating at may hilang kariton. Gustong sirain ng ilang kaanak ng mga bilanggo ang kariton, ngunit pinigilan sila ni Kapitan Maria, sapagkat mahihirapan maglakad ang kanilang kaanak.
Makalipas ang ilang saglit ay dalawampung kawal ang lumabas at pinaligiran nila ang kariton. Inalabas na rin ang mga bilanggo. Ang nangunguna sa kanila ay si Don Filipo na naka-ngiting bumati sa kanyang asawa na si Doray. Hinadlangan naman ng sibil nang siya ay yakapin ng asawa.
Si Kapitana Tinay naman ay napahagulgol nang makita ang kanyang anak na si Antonio. Si Andong naman ay napaiyak nang makita ang kanyang biyenan na sanhi ng kanyang pagkakakulong. Si Albano na isang seminarista ay nakagapos katulad ng anak na kambal ni Kapitana Maria.
Ang huling lumabas ay si Ibarra at wala itong gapos. Tiningnan niya ang mga tao sa paligid upang maghanap ng kaibigan. Nagkaroon ng ingay ang mga tao sa paligid at sinabi ng mga tao na kung sino pa ang may sala ay siya pa ang walang gapos. Narinig niya ito at sinabi sa kawal na igapos siya hanggang siko kahit na walang utos ang kanilang pinuno.
Huling lumabas ang alperes at ito ay nakasakay sa kabayo. Marami ring sandata sa kanyang katawan. Labinlimang kawal naman ang kasunod niya na umaalalay sa kanya. Walang isa man sa mga tao ang tumatawag sa pangalan ni Ibarra. Sinisisi ng mga tao si Ibarra at tinatawag na duwag. Pati ang kanyang nuno ay halos isumpa na rin ng mga tao hanggang sa tinawag na nila si Ibarra bilang erehe at dapat ay mabitay.
Si Ibarra ay pinagbabato ng mga tao at dahil dito, naalala niya ang kwento ni Elias tungkol sa isang babae na nakakita ng ulong nasa bakol at nakabitin sa isang puno. Walang gustong dumamay sa kalagayan ni Ibarra. Pinagbawalan ni Kapitan Basilio si Sinang na umiyak. Dahil dito, nadama ni Ibarra ang mawalan ng kaibigan, tahanan, pag-ibig, inang bayan, at magandang kinabukasan.
Mula naman sa mataas na lugar ay nagmamasid si Pilosopo Tasyo. Ito ay nakabalabal ng makapal na kumot at pagod na pagod. Ang kariton na sinakyan ng mga bilanggo ay sinundan niya ng tingin. Nagpasya na rin siyang umuwi pagkatapos nito. Kinabukasan, nakita ng isang pastol sa may pintuan ng kanyang bahay at ito ay nakahandusay.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 58
Ang bawat kabanata ng Noli Me Tangere ay may hatid na aral sa mga mambabasa. Makatutulong ang mga aral na ito sa ating pag-unlad kung ating isasaisip, isasabuhay, at gagawing gabay.
Mga Aral | Paglalarawan |
Mahalaga ang pagkakaroon ng hustisya at pagkakapantay-pantay sa lipunan | Nahihirapan ang mga taong walang koneksyon o kapangyarihan na ipaglaban ang kanilang karapatan at ang minamahal sa buhay. Mahalaga ang pagkakaroon ng pantay-pantay na pagtingin sa bawat mamamayan. |
Pagmamahal sa pamilya | Ipinakita ng mga kaanak ng mga bilanggo ang kanilang pagmamahal sa pagiging matatag at determinado. |
Mahalagang maging matatag sa mga pagsubok | Katulad ni Ibarra, naging matatag siya sa mga pagsubok. |
Mga Tauhan sa Kabanata 58
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 58 ng Noli Me Tangere. Kabilang dito ang mga bilanggo, ang kanilang mga kamag-anak, kawal, at iba pang mamamayan na taga-San Diego.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Mga Bilanggo | Kabilang dito sina Don Filipo, Antonio, ang kambal na anak ni Kapitana Maria, Andong, Albano, at Ibarra. |
Doray | Siya ang asawa ni Don Filipo. |
Kapitana Tinay | Siya ang nanay ni Antonio. |
Kapitana Maria | Mayroon siyang kambal na anak na si Kapitana Maria. |
Alperes | Siya ang pinuno ng mga kawal. |
Kura | Nagkukubli sa kanyang kwarto dahil may sakit |
Biyanan ni Andong | Ang dahilan kung bakit nabilanggo si Andong |
Pilosopo Tasyo | Nakita siya na nakahandusay sa pintuan ng isang pastol. |
Talasalitaan
Narito ang mga salitang nabanggit sa Kabanata 58 ng Noli Me Tangere. Mahalagang maunawaan ang kahulugan ng mga salitang ito upang mas madagdagan ang ating kaalaman sa ating sariling wika.
Mga Salita | Kahulugan |
Kariton | Isang sasakyan na may gulong at hinihila ng kalabaw o baka. |
Gapos | Tali para pigilin o patahimikin ang isang tao |
Pagkamuhi | Pagpapakita ng matinding galit. |
Aligaga | Natataranta |
Pananaghoy | Pananangis |
Pastol | Tagapag-alaga ng tupa |