Sa Kabanata 56 ng Noli Me Tangere ay matutunghayan natin ang mga sabi-sabi at kuro-kuro ng mamamayan ng San Diego tungkol sa mga pangyayari noong nakaraang gabi. Maraming pangalan at grupo ang napag-usapan nila na dahilan ng pagsalakay katulad nina Ibarra, Padre Salvi, Alperes, Kapitan Pablo, at marami pang iba. Dito ay makikita natin ang nagiging dulot o resulta ng pagpapahayag ng mga maling impormasyon.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 56
Kinabukasan ang bayan ng San Diego ay nababalot pa rin ng takot. Sobrang tahimik sa buong paligid at walang kahit isang taong makikita na naglalakad sa kalsada.
Makalipas ang ilang saglit, may isang bata na nagbukas ng bintana at tiningnan ang paligid. Dahil dito, ang iba ay nagbukas na rin ng bintana ng kanilang bahay. Nagbalitaan ang mga magkakapit-bahay. Ang tahimik na kapaligiran ay naging maingay.
Ayon sa iba, ang nagdaang gabi ay kalagim-lagim at ito ay maihahalintulad noong mandambong si Balat. May nagsabi na ang grupo ni Kapitan Pablo ang sumalakay. Sabi naman ng iba, ang kuwadrilyero daw ang sumalakay kaya nadakip si Ibarra.
Ang mga lalaki raw ay nagtungo sa may tribunal at sa kwartel. Ang ilan naman ay nagsasabing binalak daw na itanan ni Ibarra si Maria Clara upang hindi matuloy ang kasal nil ani Linares at humingi naman ng tulong sa mga sibil si Kapitan Tiyago upang mapigilan ito.
May nagsasabi rin na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga pulis at konstabularyo na naging dahilan sa pagkakadakip sa Bise Alkalde. Ang isa pa sa mga kwento ay ang pagkakroon ng rambulan sa pagitan ng alperes at Padre Salvi.
Si Hermana Pute ay may nakausap na lalaki na galing sa tribunal. Ayon sa lalaking ito, si Bruno ay nagtapat ng bali-balita tungkol kina Maria Clara at Crisostomo Ibarra. Si Ibarra daw ay may planong maghiganti sa simbahan at buti na lamang ay nasa bahay ni Kapitan Tiyago si Padre Salvi.
Sinasabi rin na ang mga sibil daw ang nagsunog sa bahay ni Ibarra. Bukod pa dito, isang babae daw ang nagbalita na nakita si Lucas na nakabitin sa ilalim ng puno ng santol.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 56
Narito ang mga aral na matututunan natin sa Kabanata 56 ng Noli Me Tangere. Ang mga aral na ito, katulad ng pagiging maingat sa pagkakalat ng impormasyon, ay dapat nating isabuhay upang maiwasan ang mga maling balita.
Mga Aral | Paglalarawan |
Maging maingat sa mga impormasyon na ipinapakalat | Sa panahon natin ngayon, marami ang nagkalat na maling balita. Ang mga maling balitang ito ay nakakapagdulot ng takot at pangamba. Kaya mahalagang maging maingat tayo at dapat ay may tamang basehan ang impormasyon na ating ipinapakalat. |
Mahalaga na alamin ang katotohanan bago magpakalat ng balita at magpahayag ng opinyon | Alamin muna kung sino ang pinagmulan ng balita upang hindi magkaroon ng kaguluhan o kalituhan sa mga mamamayan. Ang bawat balita ay dapat nakabase sa tama. |
Iwasan ang paninira ng reputasyon ng ibang tao | Iba’t-iba ang naging pahayag ng mamamayan ng San Diego tungkol kay Ibarra. Ang mga kwento, sabi-sabi, at kuro-kuro tungkol kay Ibarra ay nakasisira ng kanyang reputasyon. |
Umiwas sa mga taong walang tamang basehan ang mga sinasabi | Hindi maganda ang naidudulot ng pakikinig sa mga taong ang sinasabi ay batay lamang sa kanilang damdamin at emosyon. Nakapagdudulot ng takot at pangamba ang maling impormasyon. |
Mahalaga ang magkaroon ng direktang komunikasyon | Sa mga pagkakataon at pangyayari katulad ng kaguluhan sa bayan ng San Diego, mahalaga na may isang mapagkakatiwalaang tao ang makipag-usap sa mamamayan upang ipaliwanag ang mga totoong mangyari. Makatutulong rin ito upang maiwasan ang maling impormasyon. |
Mga Tauhan
Ito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 53 ng Noli Me Tangere. Ang mga mamayan ng San Diego ay nagkaroon ng palitan ng kanilang mga kuro-kuro tungkol sa nangyaring pagsalakay.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Magkakapit-Bahay | Sila ay nagpalitan ng kuro-kuro tungkol sa nangyari noong nakaraang gabi. |
Kapitan Pablo | Siya ang iniisip ng mga tao na lumusob sa kwartel at kumbento. |
Bise Alkalde | Inakala ng mamamayan na inaresto dahil sa gulo. |
Padre Salvi | Sinasabing nagkaroon ng gulo sa pagitan nila ng alperes. |
Alperes | Isa raw ito sa mga kasama sa kaguluhan. |
Ibarra | Iniisip ng mga mamamayan na nagbalak itakas si Maria Clara upang pigilan ang kasal nito kay Linares. |
Maria Clara | Itinanan daw ito ni Ibarra |
Kapitan Tiyago | Siya raw ang pumigil sa plano ni Ibarra na itanan si Maria Clara. |
Hermana Pute | May nakausap siyang lalaki na nagbigay ng impormasyon tungkol kay Maria Clara, Ibarra, at Bruno. |
Bruno | Siya ang sinasabing nagbigay ng impormasyon tungkol sa magkasintahang sina Ibarra at Maria Clara. |
Lucas | Isang babae raw ang nakakita na nakabitin ito sa puno ng santol. |
Talasalitaan
Narito ang mga salitang nabanggit sa Kabanata 56 ng Noli Me Tangere na maaaring hindi natin alam ang kahulugan sapagkat hindi na ito madalas gamitin sa pakikipagtalastasan o pakikipag-usap araw-araw.
Mga Salita | Paglalarawan |
Engkwentro | Pagtutunggali |
Konstabularyo | Ito ay isang organisasyon o samahan na binubuo ng mga pulis. |
Nagkarambulan | Nagkagulo |
Bise Alkalde | Bise Mayor |
Dinakip | Kinuha |