Sa Kabanata 50 ng Noli Me Tangere ay matutunghayan natin ang mga ninuno o pinagmulan ni Elias. Makikita dito ang mga dinanas nilang kahirapan dahil sa kasalatan sa buhay. Ito ay ikinuwento niya kay Ibarra upang ipaalam na siya ay isa ring sawimpalad. May ipinakiusap si Ibarra kay Elias bago sila tuluyang maghiwalay. Si Elias naman ay bumalik sa kuta ni Kapitan Pablo upang tumupad sa kanyang pangako.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 50
Isinalaysay ni Elias kay Ibarra ang kanyang pinagmulan upang ipaalam na siya ay isa ring sawimpalad.
Ayon kay Elias, animnapung taon na ang nakalilipas nang ang kaniyang nuno ay nagtrabaho sa isang bahay-kalakal ng Kastila bilang isang tenedor de libros. Ang asawa at anak na lalaki ay kasama niya at sila ay nanirahan sa Maynila.
Isang gabi ay nagkaroon ng sunog dito kaya ang kanyang nuno ang napagbintangan. Dahil walang salapi o kakayanan na ipagtanggol ang sarili ay nahatulan ito. Habang nakagapos sa kabayo ay ipinaseo ito sa lansangan at pinapalo sa bawat panulukan.
Ang asawa ng kaniyang nuno noon ay buntis ngunit patuloy pa rin itong humanap ng mapagkakakitaan kahit sa masamang paraan para sa kanyang anak at asawa. Namuhay sila sa bundok noong gumaling na ang kaniyang nuno. Isinilang ang bata, ngunit nawalan din ito ng buhay.
Hindi nakayanan ng kaniyang nuno ang napakaraming suliranin kung kaya’t nagbigti ito. Hindi naman naipalibing ng asawa nito ang bangkay kung kaya’t ito ay nangamoy at nalaman ng mga awtoridad. Nahatulan siyang paluin ngunit ipinagpaliban ito sapagkat ito ay buntis. Natuloy ito pagkatapos niyang manganak.
Ang babae ay nakatakas sa batas at lumipat sa malapit na lalawigan. Naging tulisan ang kaniyang anak nang ito ay lumaki. Pumapatay siya at nanununog upang makapaghiganti. Nakilala siya sa tawag na balat. Ang kanya namang ina ay tinawag na delingkwente, haliparot, at napalo. Ang bunso namang kapatid ay tinawag na anak ng ina.
Isang umaga ay nakita ng anak na wala ng buhay ang kaniyang ina at ang kalunos-lunos nitong kalagayan. Dahil sa mga pangyayaring ito ay tumakas ang bunsong anak at napunta sa Tayabas.
Sa isang mayamang angkan doon ay namasukan siya bilang isang obrero. Nakagiliwan naman siya ng kaniyang amo dahil sa kaniyang magandang pag-uugali. Napaunlad din niya ang kanyang kabuhayan sa pamamagitan ng kaniyang pagsisikap at pag-iipon ng puhunan.
May nakilala siyang babae na taga-bayan ngunit wala siyang lakas ng loob na mamanhikan dahil nag-aalala siya na malaman ng pamilya nito ang kanyang pinagmulan. Ang kanilang pagmamahalan ay nagkaroon ng bunga at ito ay sina Elias at Concordia. Bata pa lamang sila ay namulat sila na patay na ang kanilang mga magulang.
May kaya ang mga nuno ni Elias kung kayat nakapag-aral siya sa Heswitas. Nang mamatay ang kanilang nuno ay umuwi sila upang mamahala sa kanilang kabuhayan. Nakatakdang ikasal si Concordia sa isang binata ngunit naging hadlang ang mga pangyayari noong una.
Labis na nalungkot si Concordia nang malaman niya na ikakasal na sa iba ang kanyang minamahal na lalaki. At makalipas ang ilang araw ay bigla na lamang siyang nawala. Pagkaraan ng anim na buwan ay may nabalitaan si Elias na mayroong natagpuang bangkay sa baybayin ng Calamba. Ito ay may tarak sa dibdib at nalaman niya na ito ay ang kanyang kapatid.
Si Elias naman ay nagpagala-gala sa iba’t-ibang lalawigan sapagkat pinagbibintangan siya na kasalanang hindi naman niya ginawa. Dito natapos ang pagsasalaysay ni Elias kay Ibarra.
Nagpatuloy ang pagpapalitan ng kuro-kuro ng dalawa. Sinabi ni Ibarra kay Elias na nakikiisa siya sa damdamin nila ngunit mas mabuting maghintay pa dahil baka mas mapahamak sila sa plano nila.
Nagpaalam na silang dalawa nang makarating sa baybayin ng lawa. Sinabi ni Ibarra kay Elias na siya ay limutin na at huwag babatiin sa anuman ang makita niyang kalagayan nito.
Bumalik naman si Elias sa kuta ni Kapitan Pablo at tutuparin niya ang kanyang pangako na pag-anib sa kanila sa oras na handa na silang makibaka sa mga Kastila.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 50
Narito ang mga aral na matututunan sa Kabanata 50 ng Noli Me Tangere. Marami tayong matututunang mahahalagang kaisipan sa mga pinagdaanan ng mga tauhan sa kabanatang ito na pwede nating gawing gabay sa ating pamumuhay.
Mga Aral | Paglalarawan |
Mahalaga ang pagkakaroon ng hustisya | Mahalaga ang hustisya sa lipunan upang maipagtanggol ang karapatan ng mga naaapi at magkaroon ng pagkakapantay-pantay. |
Huwag gawing hadlang ang nakaraan | Katulad ni Corcordia, hindi natuloy ang kasal sa kanyang minamahal sapagkat naungkat ang nakaraan. Hindi dapat gawing hadlang ang nakaraan at dapat ay bigyan ang lahat ng pagkakataong magbago. |
Pagmamahal sa Pamilya | Ipinakta ng mga ninuno ni Elias ang pagsasakripisyo para sa pamilya. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 50 ng Noli Me Tangere. Dito ay nakilala natin ang mga kamag-anak ni Elias sa pamamagitan ng kanyang pagku-kwento kay Ibarra ng mga pinag-daanan ng kanyang pamilya.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Ibarra | Sa kaniya ikinuwento ni Elias ang tungkol sa kanyang pinagmulan. |
Lolo ni Elias | Nahatulan ng pagsusunog at nagtrabaho bilang tenedor de libros |
Lola ni Elias | Buntis siya noong mapagbintangan ang kanyang asawa ng panununog |
Balat | Ito ang tawag sa panganay na anak ng ninuno ni Elias. |
Bunsong anak ng ninuno ni Elias | Ito ay tinawag na anak ng ina. Siya ang ama ni Elias at umibig sa magandang dalaga. |
Mayamang Dalaga | Siya ang in ani Elias. |
Elias at Concordia | Sila ang kambal na anak ng mayamang dalaga at bunsong anak ng ninuno ni Elias. |
Kapitan Pablo | Siya ang pinuno ng mga tulisan. |
Talasalitaan
Ito ang mga salitang ginamit sa Kabanata 50 ng Noli Me Tangere. Ang mga ito ay hindi na gaanong pamilyar sa mga kabataan ngayon, kung kaya’t mahalagang matutunan ang kahulugan ng mga ito.
Mga Salita | Kahulugan |
Namasukan | Nagtrabaho |
Ihabla | Idinemanda |
Bandido | Tulisan |
Nuno | Lolo |
Obrero | Nagtatrabaho sa iba’t-ibang pagawaan |
Tenedor de Libros | Tagasulit ng talaan ng pananalapi ng isang negosyo. |