Sa Kabanata 48 ng Noli Me Tangere ay tinanggal na ang pagiging ekskomunikado ni Ibarra. Kaagad siyang nagtungo sa bahay ni Kapitan Tiyago upang sabihin ang magandang balita at makita si Maria Clara. Ngunit nagulat siya sa kaniyang nakita. Pumunta rin siya sa lugar kung saan itinatayo ang ipinagagawa niyang paaralan at dito ay nagkita sila ni Elias.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 48
Dumating si Ibarra sa bahay ni Kapitan Tiyago upang dalawin si Maria Clara at ibalita na hindi na siya ekskomulgado. Sinabi niyang tinanggal na ng Arsobispo ang pagiging ekskomulgado niya. Ipinabasa niya ang sulat kay Tiya Isabel na tuwang-tuwa sa binata sapagkat magiliw siya sa binata. Ayaw ni Tiya Isabel na maikasal si Maria Clara kay Linares.
Pinatuloy ni Tiya Isabel si Ibarra at tinawag naman si Ibarra. Si Ibarra ay pumunta sa balkon ng bahay ni Kapitan Tiyago at pagkarating niya ay nabigla siya sa nakita. Nakita niyang nakasandig si Maria Clara sa silyon at hawak nito ang isang abaniko. Sa kanyang paanan naman ay naroon si Linares na nagkukumpol ng Sampaga at Rosas.
Nagulat si Linares nang makita si Ibarra samantalang namutla naman si Maria Clara. Nalaglag ang hawak na abaniko ng dalaga at sinikap niya na tumayo ngunit nahihirapan pa siya dahil sa kanyang pagkakaroon ng sakit. Hindi naman nakapagsalita si Linares.
Sinabi ni Ibarra ang dahilan nang kanyang biglang pagdalaw. Si Maria Clara naman ay malungkot kaya nagpasya na lang si Ibarra na babalik na lamang kinabukasan. Sa pag-alis ni Ibarra ay may kaguluhan sa kanyang isip at may pag-aalinlangan sa puso.
Sa kanyang paglalakad ay napadaan siya sa ipinapatayo niyang paaralan. Binati niya si Nol Juan at ang iba pang manggagawa. Sinabi ni Ibarra sa kanila na tinanggal na ang pagiging ekskomunikado niya kaya wala silang dapat ipag-alala. Sinabi naman ng tagapamahala na si Nol Juan na hindi naman nila pinapansin ang pagiging ekskomulgado ni Ibarra, sapagkat silang lahat ay ekskomulgado.
Nakita naman ni Ibarra si Elias at kasama siya ng iba pang manggagawa. Si Elias ay yumukod kay Ibarra upang ipahiwatig na mayroon siyang gustong sabihin. Ipinakuha naman ni Ibarra kay Nol Juan ang listahan ng mga obrero. Si Ibarra ay lumapit kay Elias na kasalukuyang mag-isang nagkakarga ng mga bato sa kariton. Sinabi ni Elias na gusto niyang makausap si Ibarra ng ilang oras.
Iminungkahi ni Elias kay Ibarra na sa mamangka sa lawa sa bandang hapon upang pag-usapan ang isang importanteng bagay. Nang makita ni Ibarra na papalapit na si Nol Juan ay tumango na lamang siya kay Elias. Tiningnan ni Ibarra ang listahan at wala doon ang pangalan ni Elias.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 48
Ang bawat kabanata ng Noli Me Tangere ay may hatid na aral. Maaari nating gawing patnubay ang mga aral na ito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay para sa ating pag-unlad.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagtanggap, Pagpapatawad, at Pagbibigay ng panibagong pagkakataon | Katulad ni Ibarra, natanggal ang pagiging eksokomunikado niya. Ito ay nagpapakita ng pagkakaroon ng hustisya at pagbibigay ng panibagong pagkakataon. |
Pakikipag-usap tungkol sa mga problema | Mahalagang pag-usapan ang problema upang maunawaan ang pinagdadaanan ng bawat isa. |
Hindi palaging madali ang magmahal | Ang pagmamahal ay hindi puro saya. Parte nito ang pagkakaroon ng mga suliranin. Ngunit kung pag-uusapan ito ng maayos ay hindi ito makaka-apekto sa samahan o relasyon ng bawat isa. |
Irespeto ang opinyon at pananaw ng ibang tao | Bawat isa sa atin ay may opinyon at pananaw sa iba’t-ibang bagay, ngunit mahalagang irespeto natin ang bawat isa. |
Pagtitiwala sa kaibigan | Malaki ang tiwala ni Ibarra at Elias sa isa’t-isa kaya handa silang makinig at tumulong sa bawat isa. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan sa kabanata 48 ng Noli Me Tangere. Ang bawat tauhan ay may kanya-kanyang suliranin na kinakaharap at makikita natin ang koneksyon at pag-unawa sa bawat isa.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Crisostomo Ibarra | Siya ay pumunta sa bahay ni Kapitan Tiyago upang sabihin na hindi na siya ekskomunikado at dalawin si Maria Clara. |
Tiya Isabel | Siya ang tiya ni Maria Clara. Mas gusto niya si Ibarra kaysa kay Linares. Natuwa siya sa ibinalita ni Ibarra. |
Maria Clara | Nagulat siya sa pagdating ni Ibarra sapagkat hindi nagsabi ang binata na dadalaw siya. |
Linares | Siya ang kasama ni Maria Clara |
Nol Juan | Ang namamahala sa ipinapatayong paaralan ni Ibarra. |
Elias | Si Elias ay kaibigan ni Ibarra at may tulong siyang hihilingin sa binata. |
Mga manggagawa | Sila ang mga nagtatrabaho sa paaralang ipinapatayo ni Ibarra. |
Talasalitaan
Narito ang mga salitang nabasa natin sa kabanatang ito na maaaring hindi pamilyar sa mga mambabasa. Mahalagang matutunan natin ang kahulugan ng mga salitang ito upang mas mapalawak ang ating kaalaman.
Mga Salita | Paglalarawan |
Ekskomunikado | Itiniwalag o itinakwil sa simbahang Katoliko |
Balkonahe | Isang parte ng bahay na may magandang tanawin at may bakod |
Mabigat ang loob | Malungkot |
Liham | Sulat |
Pumpon | Tumpok |
Tumindig | Tumayo |
Bangka | Isang uri ng maliit na sasakyang ginagamit sa lawa, dagat, at tubig |