Ang kabanata 39 ng Noli Me Tangere ay tungkol kay Donya Consolacion. Ang tahanan nito ay hindi nakiisa sa prusisyon, sapagkat ito ay sarado sa pagdaan nito sa tapat ng bahay nila. Dito sa kabanatang ito ay mas makikilala natin ang kanyang pag-uugali. Nagagalit siya sa kanyang asawa sapagkat ito ay mahigpit sa kanya at ang kanyang galit ay ibinunton niya kay Sisa.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 39
Ang prusisyon ay tumapat sa bahay ni Donya Consolacion at hindi ito makikitaan ng pakikiisa sa nasabing okasyon sapagkat nakasarado ang bintana at walang sinding kandila. Siya ang asawa ng alperes. Hindi siya pinayagan ng kanyang asawa na magsimba dahil hindi siya maayos manamit at sa di kaaya-ayang amoy nito.
Naniniwala si Donya Concolacion na siya ang pinakamaganda at mas maganda pa kay Maria Clara kahit na laging may tuyot na tabako sa kanyang bibig, maingay, at buhol-buhol ang buhok. Ang mahalaga sa kanya ay siya ang asawa ng alperes, senyora ng mga utusan, at reyna ng mga gwardiya sibil.
Walang sapat na edukasyon si Donya Consolacion kaya ganito ang kaniyang pag-uugali. Isa siyang labandera bago siya ikinasal sa alperes. Ang alperes naman ay dating kabo. Pinipilit ni Donya Consolacion na ipakita na mayroon siyang pinag-aralan sa pamamagitan ng pagsasalita sa Wikang Kastila, paglalagay ng kolorete sa mukha, ang paggaya sa kaugalian ng mga Europeo.
Nagagalit si Donya Consolation sa alperes sapagkat hindi siya pinayagang lumabas. Sobra rin kung murahin at alipustahin ng kanyang asawa. Iniisip niya kung paano siya makagaganti sa alperes.
Habang nag-iisip ang Donya kung paano makapaghihiganti, narinig niya ang pag-awit ni Sisa, na nakakulong sa kwartel. Ito ay kanyang pina-akyat upang pakantahin, ngunit hindi kaagad naunawaan ni Sisa sapagkat ito ay sinabi ng Donya sa Wikang Kastila. Bukod pa rito, wala rin sa katinuan si Sisa.
Kinuha ng Donya ang latigo ng kanyang asawa at inutusan niyang muli si Sisa na umawit. Hindi pa rin sumunod si Sisa, kaya inutusan niya ang sundalo na ipaliwanag kay Sisa ang gusto niyang ipagawa. Si Sisa ay kumanta ng Kundiman sa Gabi. Sa una ay tinatawaan ito ng Donya, ngunit habang tumatagal ay mas nararamdaman ng Donya ang kanta at nagsalita siya sa Wikang Tagalog.
Nagulat ang sundalo sapagkat nagsalita and Donya sa Wikang Tagalog, dahil hindi niya akalain na marunong magsalita ang Donya ng Wikang Tagalog. Napansin ng Donya ang reaksyon ng sundalo, kaya galit niyang pinaalis ito.
Napunta na muli ang atensyon niya kay Sisa at habang pilit na nagsasalita ng Wikang Kastila, inutusan niya ito na sumayaw. Hindi sumunod si Sisa kaya pinalo niya ito. Dahil dito, natumba si Sisa, napunit ang kanyang damit at nagkaroon ng mga sugat. Natuwa ang Donya sa kanyang ginawa kay Sisa sapagkat naibunton niya dito ang kanyang galit.
Hindi napansin ni Donya Consolacion na dumating ang kanyang asawa at binuksan ang pintuan. Nakita ng alperes ang kalagayan ni Sisa at ito ay nagalit at namutla. Wala namang reaksiyon dito si Donya Consolacion at tinanong niya ang alperes kung bakit hindi siya binati nito. Walang naging tugon ang alperes sa kanyang tanong na ito.
Inutusan ng Alperes ang bantay na bigyan ng pagkain at damit si Sisa. Iniutos din niya na gamutin ang mga sugat nito, huwag lalapastanganin, at bigyan ng maayos na higaan, sapagkat kinabukasan ay ihahatid na si Sisa kina Ibarra.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 39
Ang bawat kabanata ng nobelang ito ay may hatid na aral sa mambabasa na magbibigay ng inspirasyon at magandang kaisipan. Narito ang mga aral na matututunan sa Kabanata 39 ng Noli Me Tangere.
Mga Aral | Paglalarawan |
Maging totoo sa sarili | Si Donya Consolacion ay hindi naging totoo sa kanyang sarili. Mahalaga ang maging totoo sa sarili upang mas maunawaan tayo ng ibang tao. Makatutulong ito upang mas makilala natin ang ating mga sarili. |
Maging mabuting halimbawa sa kapwa | Bilang isang makapangyarihan, mahalaga na maging mabuting halimbawa sa kapwa. Maging responsable sa mga desisyon at tumulong sa kapwa. |
Ayusin ang sarili | Ang pagaayos sa sarili ay isang importanteng tungkulin. Pag-aralan ang isang bagay kung gusto itong matututunan at huwag maging mapagpanggap. |
Pagpapahalaga sa kapwa | Mahalaga ang pagpapahalaga sa dignidad ng kapwa tao. Ito ay nagpapakita rin ng respeto sa kanila. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan sa Kabanata 39 ng Noli Me Tangere. Ang mga tauhan na ito ay nagpakita ng kanilang mga kaaya-aya at hindi magandang pag-uugali tungo sa kapwa tao.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Donya Consolacion | Si Donya Consolacion ang asawa ng alperes. Mahili siyang maglagay ng kolorete sa kanyang mukha. |
Alperes | Siya ang asawa ni Donya Consolacion. Inutusan niya ang mga sundalo na pakainin at bigyan ng damit at maayos na higaan si Sisa. |
Sisa | Naging baliw siya dahil sa pagkawala ng kanyang anak. Namangha si Donya Consolacion sa kanyang awit. Siya ay sinaktan ng Donya nang hindi niya sinunod ang utos nito. |
Sundalo | Ang mga sundalo ang nagbabantay sa kwartel at sa tahanan ng alperes. Inutusan ng alperes ang sundalo na bigyan ng maayos na damit, pagkain, at higaan si Sisa. |
Talasalitaan
Ito ang mga salitang nabanggit sa Kabanata 39 ng Noli Me Tangere. Maaaring hindi ito pamilyar sa mga mambabasa kaya mahalagang matutunan ang kahulugan ng mga ito upang sa susunod na mabasa ulit ang mga salitang ito ay alam na ang kahulugan ng mga ito.
Mga Salita | Paglalarawan |
Esposa | Asawa o kabiyak sa buhay |
Kaaya-aya | Nakalulugod o nakatutuwa |
Latigo | Ito ay isang piraso ng balat o tali na ginagamit sa pagpalo ng hayop o tao |
Alperes | Pinuno ng mga gwardiya sibil |
Prusisyon | Isang pang-relihiyong okasyon bilang pagpupuri sa patron ng bayan |