Sa Kabanata 21 ng Noli Me Tangere ay ating matutunghayan ang mga nangyari kay Sisa matapos niyang malaman ang nangyari sa kanyang anak. Malalaman din natin sa kabanatang ito ang nakita ni Sisa pag-uwi sa bahay nila, ang ginawa sa kanya ng mga gwardiya sibil, at ang kinahinatnan ng mga pangyayaring ito sa kanyang pag-iisip.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 21
Matapos malaman ni Sisa sa tagaluto ang nangyari kay Basilio at Crispin ay kaagad siyang nagtungo sa bahay. Habang siya ay pauwi sa kanilang dampa ay parang mawawala na siya sa katinuan dahil sa pag-iisip kung paano niya ililigtas ang mga anak sa guwardiya sibil kung sakaling sila ay dinakip ng mga ito.
Noong malapit na siya sa kanilang dampa ay natanaw niya ang dalawang gwardiya sibil na paalis na. Nawala naman bahagya ang kanyang pag-aalala nang makita niya na hindi kasama ng dalawang guwardiya sibil ang kanyang mga anak.
Natakot si Sisa nang makasalubong niya ang dalawang guwardiya sibil. Pinilit siya ng mga ito na sabihin kung nasaan ang dalawang onsa na ninakaw ng kaniyang mga anak. Bukod dito, pinilit din siyang paaminin sa iba pang mga paratang ng kura. Hindi pinakinggan ng mga ito ang pagmamakaawa ni Sisa at hindi siya pinaniwalaan ng mga ito. Kinaladkad siya ng mga guwardiya sibil papunta sa kwartel.
Patuloy ang pagmamakaawa ni Sisa ngunit parang wala siyang kausap sapagkat tila walang naririnig ang mga gwardiya sibil. Sinabi ni Sisa sa mga ito na kung maaari ay mauna siyang maglakad papunta sa kwartel kapag nasa bayan na sila.
Pagdating nila sa kabayanan ay saktong katatapos pa lamang ng misa kaya maraming tao ang nakakita sa kanya. Dahil dito ay hiyang-hiya siya habang kinakaladkad ng mga gwardiya sibil. Patuloy siyang kinaladkad hanggang sa makarating sa kwartel.
Nakasiksik lamang si Sisa sa isang sulok ng kwartel. Makikita dito ang kanyang nakakaawang kalagayan sapagkat gulong-gulo ang kanyang buhok at parang mawawala na siya sa katinuan. Nagmakaawa si Sisa, ngunit walang nakikinig sa kaniya. Pinakawalan siya noong tanghali na. Dalawang oras siyang ikinulong sa kwartel.
Kaagad na hinanap ni Sisa ang kanyang mga anak pagkauwi niya sa bahay, ngunit wala siyang narinig na tinig o nakitang kahit anino ng mga ito. Paulit-ulit ang pagtawag niya sa pangalan ng kaniyang mga anak. Nagtungo siya sa may gilid ng bangin ngunit wala rin doon sina Crispin at Basilio.
Bumalik siya sa bahay at natagpuan ang piraso ng damit ni Basilio at ito ay may bahid ng dugo. Lumabas siya sa bahay at tiningnan ang damit ni Basilio sa may sikat ng araw. Dahil dito ay nagkaroon siya ng matinding takot at iniisip ang mga posibleng nangyari sa kanyang mga anak.
Dahil dito, tuluyan siyang nawala sa kanyang katinuan. Kinabukasan, siya ay nagpalakad-lakad sa kalsada habang sumisigaw, humahagulgol, at umiiyak. Natatakot naman sa kaniya ang mga taong nakakasalubong niya.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 21
Narito ang mga aral na ating matutunan sa Kabanata 21. Ipinakikita dito ang dakilang pagmamahal ng isang ina sa kanyang mga anak at ang mga paghihirap na dinadanas ng mga mahihirap.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagmamahal sa pamilya | Makikita natin ang pagmamahal ni Sisa sa kaniyang mga anak. Kilala niya ang mga ito, kaya hindi siya naniniwala sa mga paratang ng gwardiya sibil at kura sa mga ito. |
Mahalaga ang pagkakaroon ng hustisya at proteksyon | Ito ay mahalaga sapagkat ito ang magbibigay ng proteksyon at hustisya sa mga taong mahihirap. Mahalaga na magkaroon ng lakas ng loob na ipagtanggol ang katotohanan. |
Gamitin ng tama ang kapangyarihan | Ang bawat pinuno ay dapat maging makatarungan at gamitin ang kanyang kapangyarihan upang suportahan ang kanyang mga nasasakupan. |
Ipaglaban ang karapatan ng bawat isa | Mahalaga na ipaglaban ang Karapatan upang matigil ang mga pang-aapi at pang-aabuso lalo na sa mga mahihirap. Ito rin ay maraming magandang maidudulot sa bawat pamilya at buong komunidad. |
Mga Tauhan
Ang Kabanata 21 ay naka-sentro sa mga pangyayari kay Sisa. Ang bawat tauhan sa kabanatang ito ay nagpapakita ng pag-uugali ng mga may kapangyarihan at ang kanilang pang-aapi sa mga mahihirap.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Sisa | Ang ina nina Crispin at Basilio. Siya ay dinala sa kwartel upang tanungin tungkol sa mga paratang sa kanyang anak. Nawala rin siya sa kanyang katinuan sa sobrang pag-aalala at pag-iisip sa mga pwedeng mangyari kina Basilio at Crispin. |
Gwardiya Sibil | Nagtungo sila sa bahay ni Sisa upang hanapin sina Crispin at Basilio. Kinaladkad nila si Sisa papunta sa kwartel. |
Crispin at Basilio | Sila ang mga anak ni Sisa. Hinahanap sila ni Sisa dahil nalaman niya sa tagaluto ng kumbento na tumakas ang mga ito. |
Talasalitaan
May mga bagong salita tayong mababasa sa bawat kabanata ng Noli Me Tangere. Ang mga salitang ito ay magbibigay sa atin ng dagdag kaalaman na magagamit natin upang mas maintindihan ang mga tekstong may malalalim na salitang Tagalog.