Ang Kabanata 25 ng Florante at Laura ay ang pagbabalik ni Florante at ng kanyang hukbo sa Albanya matapos ang limang buwang pagtigil sa bayan ng Krotona. Hindi niya inaasahan ang mga pangyayaring kaniyang nakita. Pagdating niya doon ay iba na ang bandila na iwinawagayway at may nakita pa silang isang babae na dala ng mga Moro upang ito ay pugutan. Naisip niya ang babaeng ito ay ang kanyang minamahal.
Buod ng Florante at Laura Kabanata 25
Limang buwang nanatili si Florante sa bayan ng Krotona. Nagpilit na rin siyang bumalik sa batan ng Albanya, sapagkat gusto na niyang makita ang sinisintang si Laura. Mabilis ang kanilang paglalakad at siya ay naiinip, kaya ang nasa niya ay lumipad.
Noong matanaw niya ang syudad ay nakaramdam o nakakutob siya ng hirap. Pagdating doon ay nalaman niya na ang iwinawagayway ay hindi ang bandilang binyagan ng Albanya. Ang iwinawagayway ay ang bandila ng Medialuna na sumalakay sa siyudad. Ang namumuno sa hukbong sumalakay ay si Aladin.
Kusang pinahimpil ang kasama ni Floranteng hukbo sa paanan ng isang bundok na mabangin. Mula roon ay natanaw nila ang pulutong ng mga Morong naglalakad nang mahinhin. Dala ng mga ito ang isang binibini na nakagapos. Naramdaman nila na ang babaeng ito ay pupugtutan. Naipit ng lumbay ang kanyang puso sapagkat naisip niyang baka ang babaeng iyon ay ang minamahal niyang si Laura.
Dahil dito ay hindi na siya nakapagpigil at nilusob niya ang mga Moro. Kaagad namang tumakas ang mga Moro at naiwan ang babae. Lumapit siya rito at kanyang inalis ang takip sa mukha. Pagkaalis nito ay nakita niya na ang babaeng ito ay si Laura. Naitanong na lang niya sa sarili na kung mayroong lalo pang sakit.
Si Laura ay pupugutan sapagkat hindi siya pumayag na mahalay o mapagnasaan ng emir sa syudad, Nang hindi maganda ang ipinakita ng Moro na marahas ay tinampal ito sa mukha. Dali-dali niyang tinanggal ang lubid na ginamit sa paggapos kay Laura. Ang daliri niya ay naaalang-alang na mapadikit sa balat ni Laura na kagalang-galang.
Ang nagdaralitang puso ni Florante ay nakatanggap ng luna na titig mula kay Laura. Sinabi ni Laura sa kanya ang wikang “sintang Florante.” Dahil dito ay nagkaroon ng kagalakan sa kanyang puso.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 25
May hatid na aral sa bawat mambabasa ang bawat kabanata ng Florante at Laura. Ang mga aral na matututunan natin sa kabanatang ito ay tungkol sa pagmamahal at pagpapakita ng tapang upang iligtas ang minamahal.
Mga Aral | Paglalarawan |
Minsan, nararamdaman ng ating puso ang mga pangyayari | Katulad ni Florante, nagkaroon siya ng kutob na mayroong hindi magandang pangyayari. |
Pagiging matapang at pagtulong sa nangangailangan | Kahit hindi pa siguradong-sigurado si Florante na si Laura nga ang tangkang pupugutan ng mga Moro ay iniligtas niya kaagad ito. Nagpapakita ito ng kahandaan ni Florante sa pagtulong sa mga taong nangangailangan. |
Ang malaman na minamahal ka ng isang tao ay nagpapawi ng lumbay sa puso | Naramdaman ni Florante ang Ligaya ng marinig niya na sabihin ni Laura ang “sintang Florante.” Ang pagpapakita ng ating pagmamahal sa ibang tao ay nakakagaan ng pakiramdam. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 25 ng Florante at Laura. Ang karakter at pag-uugali ng mga tauhan sa kabanatang ito ay nagbigay ng kulay sa buhay ng bawat isa.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Florante | Bumalik siya sa Albanya makalipas ang limang buwan na pamamalagi sa Krotona. Pagbalik niya ay nakita niya ang mga Moro. Iniligtas niya si Laura mula sa kapahamakan. |
Hukbo ni Florante | Sila ang kasama ni Florante sa pagbalik sa Albanya. |
Laura | Si Laura ang minamahal ni Florante. Siya ay hinatulan na pupugutan dahil hindi tumanggi siya sa pagsuyo ng Emir. |
Moro | Sila ang lumusob sa bayan ng Albanya. |
Emir | Ang kanyang pagsuyo ang tinanggihan ni Laura. |
Aladin | Si Aladin ang gererong nangunguna sa hukbo ng mga Moro. |
Talasalitaan
Maraming salita o parirala tayong mababasa sa bawat kabanata ng Florante at Laura. Narito ang kahulugan ng mga salitang ito upang mas maunawaan natin ang damdamin at mensaheng nais ipahatid ng bawat tauhan.
Mga Salita | Paglalarawan |
Katulin | Ito ay isang uri ng aksyon o galaw na mabilis. |
Kumutob | Ito ay tumutukoy sa pakiramdam, hinala, hula, guniguni, o hinuha. |
Bandila | Ito ay watawat na sumisimbolo sa isang lugar. |
Nasalakay | Ang salitang ito ay nangangahulugan ng nalusob. |
Pinihimpil | Ang kahulugan ng pinahimpil ay pinatigil o pinahinto. |
Natanaw | Nakita ang isang bagay o pangyayari mula sa malayong lugar. |
Kaginsa-ginsa | Ito ay nangangahulugan ng kabigla-biglang pangyayari, bigla at hindi inaasahan, o walang ano-ano. |
Gunita | Naisip, pag-alala, o pagbalik tanaw, pananariwa sa isip ng mga pangyayari noong nakaraan. |
Gapos | Nakatali |
Nilusob | Inatake o sinalakay |
Mag-asal-hayop | Hindi nagpakita ng paggalang o hindi makataong pagtrato sa ibang tao |
Marampi | Ito ay nangangahulugan na mahawakan, dumikit, o mapalapit. |
Emir | Gobernador ng mga Moro. |
Nagdaralita | Nahihirapan, nagtitiis, nagbabata, o nagdurusa. |
Ligaya | Saya, katuwaan, o kagalakan |