Florante at Laura Kabanata 12: Batas ng Lahat ng Relihiyon – Buod, Aral, Tauhan, ATBP

Ang Kabanata 12 na binubuo ng Saknong 146 hanggang 155 ay pinamagatang “Batas ng lahat ng relihiyon.” Magkakaiba man ang sekta at bayang pinagmulan natin, pati na rin ang paniniwala at relihiyon, mayroong iisang batas at ito ay ang pagiging mabuting tao. Kahit ano pa man ang ating paniniwala o mga bagay na ating natutunan sa ating bayan o sekta, hindi dapat ito maging hadlang upang mag-iba ang ating pagtingin at pakikitungo sa ibang tao

Buod ng Florante at Laura Kabanata 12

Nagulat si Florante, sapagkat paggising niya ay nakita niyang nasa kamay o kandungan siya ng isang Moro. Pinipilit niyang ibangon ang kanyang katawan, ngunit dahil sa kahinaan nito ay nagngalit na lamang siya. 

Sinabi ng gerero kay Florante na huwag siyang matakot, maging payapa ang kalooban, at mag-aliw sa dibdib, sapagkat ngayon ay ligtas na siya sa lahat ng pagdurusa o sakit. Ang nagtangkilik kay Florante ay ang Morong kanyang kausap. 

Ipinahayag ng Moro kay Florante na kung nasusuklam si Florante na nasa kanyang kandungan ay hindi pa binyagan ang lason sa puso nito. Hindi niya kayang hindi tulungan si Florante sa sinapit niyang pagdurusa. 

Base sa pananamit nila ay sinabi ng Moro na taga-Albanya si Florante at siya naman ay Persiyano. Kaaway ng sekta at bayan ng Moro ang bayan ni Florante, ngunit sa pagkakataong ito ay magkakampi sila. Sinabi ni Aladin na siya ay isang Moro na may malasakit at siya rin ay nasasaklaw ng utos ng kalangitan. Sa puso niya ay natititik ang natural na pagmamalasakit

Sinabi niya na kanyang napakinggan ang pagtaghoy ni Florante na nakalulumbay at nakita niya ang kalagayan kung saan nakagapos at may dalawang leong mabangis sa kanyang harapan. 

  Florante at Laura Kabanata 4: Daing ng Pusong Nagdurusa – Buod, Aral, Tauhan, ATBP

Nagbuntung-hininga si Florante at tumugon sa Moro, sinabi niyang kung hindi kinalag ng Moro ang lubid na gumagapos sa kanya ay nalibing na siya sa tiyan ng mga leon. Ang dibdib niya ay payapa na sana. Nakilala niyang kaaway niya ang Moro dahil sa kanyang bayan at sekta ngunit hindi pa rin siya nito pinabayaan na mamatay sa sakit. Sinabi niyang hindi niya hangad ang awa ng Moro at sana ay hinayaan na lamang siyang mamatay sapagkat hindi batid ng Moro ang kanyang hirap. Ang hinahanap ni Florante ay kamatayan. 

Dahil sa narinig ay napasigaw ang Moro dahil sa laki ng kanyang hapis. Naawa siya at ang luha ay tumagistis. Kusa siyang napahlig dahil sa kanyang panlulumo sa naging sagot sa kanya ni Florante. 

Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 12

Narito ang mga aral na matututunan sa Kabanata 12 ng Florante at Laura. Ang mga aral na ito ay naghahatid ng magandang kaisipan sa bawat mambabasa lalo na sa mga kabataan. 

Mga Aral Paglalarawan 
Hindi hadlang ang pagkakaiba ng pinagmulan upang tumulong sa nangangailanganHuwag gawing hadlang ang pagkakaiba ng paniniwala o pinagmulan upang tumulong sa mga nangangailangan. Ang pagtulong sa ibang tao ay dapat nakabase sa puso upang ito ay maging tapat at totoong pagtulong. 
Ang pagkakaroon ng mabuting puso ang isang pinakamahalagang batas na dapat sundinWala mang direktang batas na nagsasabi na magkaroon ng mabuting puso, mahalagang ito ang ating gawing patnubay sa ating pamumuhay. Kung mabuti ang isang puso, ang hangad nito ay kabutihan para sa ibang tao. 
Lahat tayo ay nasasaklaw ng langitAng bawat isa sa atin ay nasasaklaw ng langit. Kahit ano pa man ang ating relihiyon o sekta, pare-parehas tayong sumasampalataya at nananalig. Mas mabuting paiiralin ang kabutihan sa puso at magkaisa tungo sa ikauunlad ng bawat isa. 
Ang tunay na pagkatao ay nakikita sa katangian at pakikitungo sa kaaway o sa ibang taoSi Aladin ay nakikilala natin bilang isang gererong Moro na taga-Persiya, lalo na sa kanyang pananamit. Ngunit higit pa dito, mas nakilala natin siya bilang isang tao na may mabuting puso at handang tumulong sa nangangailangan. Hindi niya pinipili ang tutulungan, bagkus ay sinusunod niya ang kabutihan na itinitibok ng kanyang puso. 

Mga Tauhan 

Si Florante at Aladin ang mga nabanggit na tauhan sa kabanatang ito ng Florante at Laura. Magkaiba man ang kanilang pinanggalingan, hindi ito naging hadlang upang kalingain ni Aladin si Florante. 

  Florante at Laura Kabanata 7 – Buod, Aral, Tauhan, ATBP
Mga Tauhan Paglalarawan 
FloranteSiya ay taga-Albaya. Inilagtas siya ni Aladin sa pamamagitan ng pagkalas ng lubid at pagpatay sa dalawang leon. Hinangad niya na sana ay hinayaan na lamang siya upang payapa na ang kanyang kalooban. 
Aladin Si Aladin ang gererong Moro na taga-Persiya. Sa kanyang habag at pagmamalasakit ay tinulungan niya si Florante at kinalinga. 

Talasalitaan 

May mga bagong salita tayong matututunan sa bawat kabanata ng Florante at Laura. Mahalagang malaman natin ang kahulugan o ibig sabihin ng mga ito upang sa susunod na marinig o mabasa natin ay mas mauunawaan ang mensaheng nais iparating. 

Mga Salita Paglalarawan 
Nagitla Nagulat
Ibig Nais
Iigtad Ibangon o Itayo
Nasusuklam Naiinis o namumuhi
Saklolohan Tulungan
Magkatoto Magkakampi at hindi magkalaban
NasasaklawNapapailalim o nasasakop
Sekta Grupo o relihiyong kinabibilangan
Binabata Pinagdaraanan o nararanasan 
Tumagistis Umagos o dumaloy
Napahilig Napasandal 

Leave a Comment