Ang Kabanata 35 ng El Filibusterismo ay ang pagdaraos ng piging para sa kasal nina Paulita at Juanito. Naging pabagu-bago ang isip ni Basilio sa kanyang dapat gawin, sapagkat naaawa siya sa mga taong madadamay pero nakikita rin niya ang mga taong nagpahirap sa kanya at sa mga mahal sa buhay. Noong oras na lumabo na ang ilawan ay may isang taong kinuha ito at itinapon sa ilog.
Buod ng El Filibusterismo Kabanata 35
Nagsimulang dumating ang mga bisita noong ika-pito ng gabi. Ang unang dumating ay ang mga maliliit sa lipunan at sunod ang mga malalaking tao sa lipunan na mataas ang katayuan sa kanilang tungkulin o mga kabuhayan. Nagbibigay pugay naman ang lahat kay Don Timoteo.
Ang mga bagong kasal ay dumating na at si Donya Victorina. Naroon na rin si Padre Salvi, ngunit wala pa ang Heneral. Gusto naman ni Don Timoteo na pumunta sa palikuran, subalit hindi niya ito magawa sapagkat hindi pa dumarating ang Heneral.
Isa sa mga bisita ang namintas sa mga kromo sa pader. Dahil dito, nagalit si Don Timoteo, sapagkat iyon ang pinakamahal na bayag na mabibili sa Maynila. Sinabi niyang sisingilin niya kinabukasan ang utang sa kanya ng nanlait. Makalipas ang ilang sandali ay dumating na ang Heneral, kaya ang dinaramdam ni Don Timoteo ay nawala.
Nasa harap naman ng bahay si Basilio at pinapanood ang mga bisitang nagdadatingan. Naawa naman siya sa mga tao, sapagkat madadamay ang mga walang malay, kaya naisip niya na magbigay ng babala. Ngunit noong dumating na ang sasakyan nina Padre Irene at Padre Salvi ay nagbago siya ng isip.
Nasabi ni Basilio na hindi dapat siya nagmamalabis sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya. Sapagkat may utang na loob siya sa taong ito, subalit wala naman sa mga tao dito. Siya rin ang humukay sa libingan ng kanyang ina na pinatay nila. Dagdag pa niya, nagpakabuti siya at sinikap niyang magpatawad, ngunit ano ang ginawa nila sa kanya at gusto niyang mangamatay na silang mga taong kanilang pinagtitiisan.
Si Simoun ay nakita niya at dala nito ang ilawan. Ang itsura nito ay nakakakilabot at parang nag-aalinlangan siya sa pagpanhik sa hagdan, ngunit nagpatuloy pa rin. Nakita niya na nakipag-usap ito sa Kapitan Heneral at sa mga mag-aalahas. Pagkatapos ay hindi na nakita ni Basilio kung nasaan si Simoun.
Muling namayani ang kabutihan sa puso ni Basilio at nalimutan niya ang mga masasakit na nangyari sa kanya at sa mga mahal niya sa bahay. Gusto niyang iligtas ang mga tao doon, ngunit hindi siya pinapasok dahil sa kanyang marusing anyo. Si Simoun ay namutla nang makita niya na iniwan ng tanod sa pinto si Basilio upang magbigay-pugay sa mag-aalahas. Tumuloy naman si Simoun sa sasakyan at nag-utos. Sa Escolta. Matulin.
Si Basilio ay mabilis ding lumayo, ngunit isang lalaking tumatanaw sa bahay ang kanyang nakita at ito ay si Isagani. Inanyayahan niya itong lumayo, ngunit marahan siyang itinulak nito. At sinabing bakit siya lalayo kung bukas ay hindi na siya ang dati. Si Paulita ang tinutukoy niya. Sinabi ni Basilio ang tungkol sa ilawan, ngunit tumutol pa rin ito kaya lumayo na si Basilio. Nakita ni Isagani na ang mga tao ay nagpunta na sa kainan. Naisip niya na ang bahay ay sasabog at kasama dito si Paulita kaya mabilis siyang nagpasya.
Ang mga nagpipiging ay may nakitang isang piraso ng papel na may nakasulat na ganito: “MANE THACEL PHARES JUAN CRISOSTOMO IBARRA”. Sinabi ni Don Custudio na iyon ay biro lang, sapagkat patay na si Ibarra. Namutla naman si Padre Salvi nang makita niya iyon sapagkat iyon daw ay lagda ni Ibarra, kaya natakot siya at nahilig sa sandalan ng upuan.
Natakot ang lahat ng nasa piging. Ang Kapitan Heneral ay tatawag sana ng mga kawal ngunit ang mga utusan na hindi niya kilala ang nakita niya. Sinabi niyang magpatuloy sa pagkain at huwag pansinin ang isang biro.
Nagsalita naman si Don Custodio at sinabi na sa kanyang palagay ay nagpapahiwatig ang sulat na papatayin silang lahat ngayong gabi. Kaya naman, hindi nakakibo ang mga naroon at nagsabi na baka sila ay lasunin at binitawan ang mga kubyertos.
Lumabo ang ilawan at sinabihan ng Kapitan Heneral si Padre Irene na itaas muli ang mitsa nito. Ngunit may biglang pumasok na mabilis, tinabing ang utusan na humarang sa kanya, kinuha ang ilawan, nagtakbo sa azotea, at itinapon ang ilawan sa ilog. May narinig naman silang humingi ng rebolber at sinabing may magnanakaw. Tumalon naman sa ilog ang anino.
Mga Aral na Matututunan sa Kabanata 35
Ang bawat kabanata ng El Filibusterismo ay may hatid na magandang aral sa mga mambabasa. Ang mga aral na matututunan sa kabanatang ito ay ang pagiging mabuting kaibigan at pagliligtas sa mga tao.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagiging mabuting kaibigan | Bilang mabuting kaibigan, sinabi ni Basilio kay Isagani ang tungkol sa ilawan, upang hindi ito mapahamak. Ang isang mabuting kaibigan ay ilalayo ka sa kapahamakan. |
Pagliligtas sa iba | Iniligtas ng taong kumuha ng ilawan at nagtapon nito sa ilog ang mga tao na nasa piging. Ang pagtulong sa mga tao ay mahalaga, lalo na kung may kakayanan kang tumulong sa kanila. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 35 ng El Filibusterismo. Ang mga tauhang ito ay binubuo ng mga taong naimbitahan sa piging ng kasal nina Paulita at Juanito.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Basilio | Sinabi niya kay Isagani ang tungkol sa ilawan. |
Simoun | Siya ang nagbigay ng ilawan. |
Donya Victorina | Isa sa mga panauhin |
Juanito at Paulita | Ang mga ikinasal |
Padre Salvi | Isa sa mga bisita at nagsabi na ang papel ay may lagda ni Ibarra. |
Don Timoteo | Ama ng ikinasal |
Kapitan Heneral | Isa sa mga bisita na nagsabing huwag pansinin ang biro tungkol sa papel na nakita nila. |
Padre Irene | Ang kasabay ni Padre Salvi na dumating sa piging. |
Isagani | Ang kaibigan ni Basilio. |
Don Custudio | Sinabi niya ang kanyang palagay tungkol sa nakasulat sa papel na nakita nila. |
Talasalitaan
Narito ang kahulugan ng ilang mga malalalim o matatalinhagang salita sa kabanatang ito ng El Filibusterismo. Mahalagang matutunan ito upang mas maunawaan natin ang daloy at mensahe ng kwentong ito.
Mga Salita | Kahulugan |
Pumintas | Nagbigay ng pamumula sa isang bagay |
Inilagak | Ibinigay o ipinagkatiwala |
Pagpanhik | Pag-akyat |
Niyaya | Inimbitahan |
Lagda | Pirma |