Ang Kabanata 34 ng El Filibusterismo ay nakatuon sa kasal nina Juanito at Paulita. Ang araw na iyon ang hinihintay ni Basilio at Simoun upang maisagawa ang kanilang paghihiganti. Nagkaroon naman ng paghihinala si Basilio nang maalala niya ang bilin sa kanya ni Simoun. Nag-iba ang bahay ni Kapitan Tiyago sapagkat ito ay puno ng magagandang dekorasyon.
Buod ng El Filibusterismo Kabanata 34
Noong ika-8 ng gabi ay nasa kalsada si Basilio. Tutuloy muna sana siya sa bahay ng kaibigan niyang si Isagani, ngunit hindi naman ito umuwi ng bahay buong araw. Dalawang oras na lamang bago sumabog ang ilawan na dala ni Simoun. Nangangahulugang maraming dugo ang dadanak at maraming mamamatay. Ininspeksyon ni Basilio ang kanyang mga armas, tulad ng bala at rebolber. Naalala rin niya ang babala ni Simoun na huwag lalapit sa Daang Anloague.
Nagkaroon ng pag-hihinala si Basilio dahil nasa Daang Anloague ang bahay ni Kapitan Tiyago, na binanggit ni Simoun. Alam niyang may kasayahan doon, sapagkat doon idaraos ang kasal nina Paulita at Juanito. Nakita niya ang sasakyan ng bagong kasal at nahabag siya kay Isagani. Kaya naisip niya na yayain si Isagani na sumama sa kanya at naisip rin niya na hindi papayag si Isagani sa madugong pagpatay sa marami. Sapagkat, hindi pa ito nararanasan ng kaibigan ang mga pinagdaanan ni Basilio.
Muling sumagi sa isipan ni Basilio ang ilang mga pangyayari, katulad ng kanyang pagkakabilanggo, ang pagkabigo sa kanyang pag-aaral, at ang mga pinagdaan ni Huli. Hinawakan ni Basilio ang puluhan ng rebolber at hiniling niya na sana ay dumating na oras na kaniyang hinihintay. Nakita niya ang pagdating ni Simoun at ang kutsero nito ay si Sinong. Ang sasakyan ni Simoun ay sumunod sa mga bagong kasal, na sina Paulita at Juanito.
Si Basilio ay nagpunta sa Anloague. Sa daang iyon na papunta sa bahay ni Kapitan Tiyago ang tungo ng karamihan. Ang Kapitan Heneral ang ninong kaya dadalo ito sa hapunan. Dala niya ang isang ilawan na bigay ni Simoun.
Magarang-magara ang bahay ni Kapitan Tiyago at maraming palamuti at dekorasyon dito. Ang dingding ay dinikitan ng magagandang aranya, papel, at mga bulaklak. Nag-angkat din ng alpombra. Ang isang kurtinang pulang pelus ay may burdang ginto sa gitna at may unang titik na pangalan ng mag-asawa. Ang mga artipisyal na mga bulaklak ng suha ay itinuhog.
Ang pagdarausan naman ng hapunan ay maihahalintulad sa hapag ng mga diyoses. Sa asotea ay nakalagay ang mesa para sa mga kilalang panauhin at mga diyos-diyosan. Pito ang bilang ng taong mauupo doon. Ang pinakamasarap at mahal na alak ay naroon din. Si Don Timoteo naman ay ubos-kaya. Kung sabihin ng Kapitan Heneral na gusto niyang makain ng tao ay gagawin din iyon ni Don Timoteo.
Mga Aral na Matututunan sa Kabanata 34
Narito ang mga aral na matututunan sa Kabanata 34 ng El Filibusterismo, kung saan naganap ang kasal nina Juanito at Paulita. Ang mga aral na ito ay makapagbibigay sa atin ng mga magandang kaisipan na magagamit natin sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagiging mabuting kaibigan | Katulad ni Basilio, naisip niya na yayain si Isagani upang hindi ito madamay sa kaguluhan. Mahalaga ang magkaroon ng kaibigan na tutulungan ka upang manatiling ligtas. Ang tunay na kaibigan ay tapat at maaasahan. |
Mahalagang isipin muna ang isang bagay bago ito gawin. | Bago gawin isang bagay, mahalagang pag-isipan munang mabuti ang magiging resulta nito upang hindi ito makapanakit sa ibang tao. |
Huwag magpadala sa emosyon | Ang pagdedesisyon base sa emosyon ay hindi nakatutulong. Mahalagang maging kalmado sa paggawa ng desisyon. Isa-alang-alang ang mga tao na maaaring maapektuhan nito. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa Kabanata 34 ng El Filibusterismo. Ang mga tauhang ito ay nagpakita ng iba’t-ibang personalidad, karakter, at paniniwala na mas nagbigay ng kulay sa kwento.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Basilio | Siya ay nakipagtulungan kay Simoun upang makapaghiganti. |
Simoun | Siya ang nagbigay ng kakaibang ilawan sa Kapitan Heneral. |
Isagani | Ang kaibigan ni Basilio. |
Paulita | Ang babaeng ikakasal. |
Juanito | Ang lalaking ikakasal. |
Kapitan Heneral | Siya ang ninong nina Paulita at Juanito. |
Don Timoteo | Ang ama ng ikakasal. |
Talasalitaan
Sa bawat kabanata ng El Filibusterismo ay may mababasa tayong mga malalalim o matatalinhagang salita. Mahalagang matutunan ang kahulugan ng mga ito upang mas maunawaan ang mensahe na nais ipahatid ng kwento.
Mga Salita | Kahulugan |
Dadanak | Pagdaloy o pagtulo |
Rebolber | Ito ay isang uri ng baril |
Yakagin | Ito ay nangangahulugan na yayain, imbitahan, o anyayahan na sumama. |
Nagunita | Mga pangyayari o bagay na muling naalala. |
Nahabag | Ito ay isang ekspresyon kung saan nagpapakita ng awa ang isang tao. |
Papayag | Ito ay tumutukoy sa pag-sang-ayon, nakumbinsi, o napaniwala ang isang tao. |
Alpombra | Ito ay tumutukoy sa karpet na karaniwang ginagamit sa mga okasyon, kung saan doon ay lumalakad ang mga tao. |
Luluklok | Ito ay nangangahulugan na uupo. |
Ubos-Kaya | Ito ay nangangahulugan ng sobrang paggastos para sa isang bagay o okasyon. |