Ang Kabanata 62 ng Noli Me Tangere ay tungkol sa hiling ni Maria Clara at Padre Damaso. Dito sa kabanatang ito ay malalaman natin ang plano ni Maria Clara pagkatapos niyang makasal kay Linares, ngunit nagbago ito dahil sa isang balita tungkol kay Ibarra. May hiniling siya sa kanyang ama-amahan o pangalawang ama na si Padre Damaso at ito naman ay pinagbigyan ng kura. Makikita rin ang pagmamahal ni Padre Damaso kay Maria Clara na itinuring niya bilang anak.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 62
Kinaumagahan, maraming regalo ang nakabunton sa itaas ng hapag, ngunit hindi ito pinapansin ni Maria Clara. Ang atensyon ng kanyang mga mata ay nasa dyaryong naglalaman ng balita tungkol sa pagkalunod o pagkamatay ni Ibarra. Hindi naman binasa ni Maria Clara ang balita.
Makalipas ang ilang sandali ay dumating si Padre Damaso. May hiniling si Maria Clara sa kanya. Hiniling niya na sirain o ipahinto ang kasunduan ng kasal nila ni Linares at pangalagaan ang kapakanan ng ama.
Ang plano ni Maria Clara ay hanapin ang kanyang unang kasintahan at katipan na si Ibarra pagkatapos niyang maikasal kay Linares. Sinabi ni Maria Clara na ngayong patay na si Ibarra ay wala na siyang sinumang lalaking pakakasalan. Mas pipiliin ni Maria Clara na pumasok sa kumbento o magpakamatay kaysa sa magpakasal sa lalaking hindi naman niya minamahal.
Alam ni Padre Damaso na paninindigan ni Maria Clara ang kanyang sinabi at humingi naman siya ng kapatawaran dito. Napaiyak nang malakas si Padre Damaso. Binigyang diin din niya na ang kanyang pagtingin kay Maria Clara ay walang kapantay.
Wala nang magagawa si Padre Damaso kundi ang pagbigyan ang kagustuhan ni Maria Clara na pumasok sa kumbento kaysa piliin nito na magpakamatay. Si Padre Damaso ay malungkot na umalis. Nagpunta siya sa Asotea, tumingin sa langit, at bumulong.
Ang hiling niya sa Diyos ay siya na lamang ang parusahan at huwag ang kaniyang anak na walang malay at nangangailangan ng kaniyang kalinga. Ang labis na kalungkutan ni Maria Clara ay dama ni Padre Damaso.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 62
Narito ang mga aral na matututunan sa Kabanata 62 ng Noli Me Tangere. Ang kabanatang ito ay nagpapakita ng pagmamahal sa pamilya, pagpapakumbaba, at pagkakaroon ng lakas ng loob na harapin ang mga pagsubok.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagmamahal sa Pamilya | Ipnakita sa kabanatang ito ni Padre Damaso ang pagmamahal niya kay Maria Clara. Pinagbigyan nila ang hiling nito bilang pagpapakita ng pagmamahal. |
Pagiging matatag sa mga pagsubok | Si Maria Clara ay nagpakita ng pagiging matatag sa harap ng mga pagsubok. |
Pagpili ng mas makabubuti | Pinili ni Padre Damaso na pagbigyan si Maria Clara na pumasok sa kumbento dahil ito ang makabubuti sa kanya. Hiniling niya na siya na lamang ang parusahan at huwag ang kanyang anak na si Maria Clara. |
Pagpapakumbaba at Paghingi ng Tawad | Ipinakita ni Padre Damaso ang kanyang pagpapakumbaba sa pamamagitan ng paghingi ng tawad kay Maria Clara. Mahalaga ang paghingi ng tawad upang mas gumaan ang kalooban. |
Maging mapanuri sa mga balitang nababasa o naririnig | Ang maling balita ay nagdudulot ng kalituhan, takot, o pangamba. Sa pagbabasa ng balita, mahalagang alamin kung ang pahayagan na naglathala nito ay mapagkakatiwalaan. Mahalagang alamin ang basehan ng balita upang malaman kung totoo ba ito o hindi. |
Mahalagang pag-isipang mabuti ang magiging plano, desisyon, at aksyon | Ang bawat plano, desisyon, at aksyon na ating gagawin ay may epekto sa ating kinabukasan. Sa paggawa ng plano at desisyon, isipin natin ang ating naging basehan sa pagbuo nito at ang magiging resulta nito. |
Mga Tauhan
Si Maria Clara at Padre Damaso ang mga pangunahing tauhan sa kabanatang ito. Ipinakita nila ang kahulugan ng tunay na pagmamahal sa pamamagitan ng pagpili sa tama at paghingi ng kapatawaran.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Maria Clara | Humiling siya kay Padre Damaso na pumasok sa kumbento. Sinabi rin niya na ang isa sa desisyong pinagpipilian niya ay ang pagpapakamatay kaysa maikasal sa lalaking hindi naman niya mahal. |
Padre Damaso | Siya ay itinuturing ni Maria Clara bilang pangalawang ama. Mahal na mahal niya si Maria Clara kaya hindi niya ito makayang nakikitang nasasaktan o nalulungkot. |
Linares | Siya ang bagong katipan ni Maria Clara. |
Ibarra | Si Ibarra ang tanging mahal ni Maria Clara. Nang mabasa ni Maria Clara sa pahayagan ang tungkol sa pagkamatay nito ay nagbago ang kanyang plano. |
Talasalitaan
Sa bawat kabanata ng Noli Me Tangere ay may matututunan tayong mga bagong salita. Ito ay makatutulong sa atin upang mas mapalawak pa ang ating kaalaman sa ating sariling wika.
Mga Salita | Paglalarawan |
Dyaryo | Pahayagan na naglalaman ng mga balita. |
Kasunduan | Legal na kasulatan o kasunduan ng mga partido. |
Kumbento | Isang gusali kung saan nakatira ang mga relihiyosong grupo katulad ng mga pari, madre, at iba pa. |
Asotea | Balkonahe |
Inosente | Walang malay |
Himutok | Daing |
Magpapatiwakal | Magpapakamatay |
Kalinga | Pagmamahal o paggabay |
Paninindigan | Ito ay ang pagtupad sa isang desisyon o pag-iisip. |