Sa isang pamayanan o bayan, palaging may itinuturing na taong mga makapangyarihan. Sila ang mga taong may mataas na posisyon sa lipunan at kinikilala ng taong bayan. Sino nga ba ang itnuturing na mga makapangyarihan sa bayan ng San Diego? Dito sa kabanatang ito, makikilala natin ang mga makapangyarihan o mga tinitingila ng mga mamamayan at ang mga bagong karakter na magbibigay-kulay sa nobela.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 11
Si Don Rafael na ama ni Crisostomo Ibarra ang pinakamayaman sa bayan ng San Diego, subalit sa kabila ng kanyang kayamanan, hindi siya itinuturing na makapangyarihan. Kailanman ay hindi niya ipinagyabang ang mga bagay na mayroon siya, katulad ng pagkakaroon ng maraming lupain.
Ang Kapitan ng bayan at si Kapitan Tiyago ay hindi rin masasabing makapangyarihan, kahit sila ay namumuno o lider sa kanilang nasasakupan. Kahit pa palaging nagbibigay ng mga regalo at nagpapasalubong ng orkestra si Kapitan Tiyago ay hindi rin siya masasabing makapangyarihan.
Ang alkalde naman ay hindi rin maituturing na makapangyarihan, sapagkat kahit siya ay namumuno, hindi pa rin siya nakapag-uutos. Sumusunod lang din siya sa mga iniuutos sa kanya ng mas nakatataas.
Ang alperes at ang kura paroko ng simbahan ang maituturing na makapangyarihan sa bayan. Ang alperes ay isang lasenggero at binubugbog niya ang kaniyang asawa. Bukod dito, malupit din siya sa kaniyang mga tauhan. Naging asawa niya si Donya Consolacion na kinahihiligan ang paglalagay ng mga kolorete sa kanyang mukha.
Ang kura paroko ng bayan ay si Padre Salvi. Siya ang pumalit sa pamumuno kay Padre Damaso. Kung ihahalintulad ang dalawa, mas mabait si Padre Salvi kaysa kay Padre Damaso.
Sina Padre Salvi at ang alperes ay may lihim na hidwaan sa isa’t-isa. Dahil silang dalawa ang itinuturing na pinaka-makapangyarihan sa bayan, nagkukunwari silang magkasundo at walang alitan kapag kaharap ang ibang tao. Kapag sila ay nasa publiko o humaharap sa maraming tao, ipinapakita nilang magkasundo sila upang hindi magkaroon ng negatibong bahid ang kanilang mga imahe bilang mga makapangyarihan sa bayan.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 11
Marami ang naghahangad ng kapangyarihan upang mapasunod nila ang ibang tao. Sa kabanatang ito, makikita natin ang tunay na ugali ng dalawang taong itinuturing na makapangyarihan sa bayan ng San Diego. Narito ang ilan sa mga aral na ating matutunan sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere.
Mga Aral | Paglalarawan |
Huwag ipagyabang ang yaman | Katulad ni Don Rafael, hindi niya ipinag-mayabang ang mga yaman na mayroon siya. Hindi rin siya naghahangad ng kapangyarihan sa kanilang bayan. Ang yaman na nakakamit ay dapat pahalagahan at gamitin ng tama. |
Maging mabait sa mga nasasakupan | Bilang isang makapangyarihan o pinuno, maging matulungin at mabait sa nasasakupan at sa mga tauhan. Ginamit ni Don Rafael ang kanyang yaman, talion, at kakayahan upang makatulong sa mamayan at mapa-unlad ang bayan. |
Hindi lahat ng ipinapakitang ugali ng bawat tao ay totoo | Hindi lahat ng tao ay tunay ang ipinapakitang ugali. May mga taong maganda ang ugaling ipinakikita kapag nasa publiko o nasa harap ng ibang tao katulad na lang nina Padre Salvi at alperes. |
Magpakatotoo | Mahalaga ang pagpapakatotoo dahil ito ang susi upang makuha ang tiwala at respeto ng ibang tao. Kung totoo ang iyong sinasabi, iniisip, at ginagawa hindi mo kailangang magpanggap palagi. |
Mga Tauhan
Sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere, nakilala natin ang dalawang taong itinuturing na makapangyarihan sa bayan ng San Diego. Makikilala din natin ang kanilang tunay na pagkatao kapag nakaharap at nakatalikod sa publiko.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Don Rafael | Si Don Rafael ay ang pinakamayaman sa bayan ng San Diego. Marami siyang mga lupain sa bayan. Hindi niya ipinagyayabang ang mga yaman na mayroon siya. |
Kapitan Tiyago | Mahilig siyang magbigay ng mga regalo at magpadala ng mga orkestra sa mga pinuno ng bayan ng San Diego. |
Kapitan ng Bayan | Isa sa mga pinuno ng bayan ng San Diego, ngunit hindi pa rrin maituturing na makapangyarihan. |
Alkalde | Ang alkalde ng bayan ay isa sa mga kilalang pinuno. Wala siyang kapangyarihan sa bayan ng San Diego kahit siya ay isang pinuno dahil sumusunod lang din siya sa mga iniuutos sa kanya ng mas nakatataas sa kanyang pinuno. |
Alperes | Ang alperes ay isang militar. Bilang isang military, inirerespeto at kinatatakutan siya ng mga tao. Siya ay malupit sa kanyang mga tauhan pati na rin sa kanyang asawa. |
Donya Consolacion | Siya ang asawa ng alperes. Kadalasan ay binubugbog siya ng kanyang asawa. Mahilig siya sa paglalagay ng mga kolorete sa kanyang mukha upang mapanatili ang kagandahan. |
Padre Salvi | Si Padre Salvi ang pumalit kay Padre Damaso bilang kura paroko. Bilang isang mataas na pinuno ng simbahan, itinuturing siyang makapangyarihan. Mas mabait din si Padre Salvi kaysa kay Padre Damaso. |
Padre Damaso | Si Padre Damaso ang dating kura paroko ng simbahan na pianlitan ni Padre Salvi. |
Talasalitaan
Sa bawat kabanata ng Noli Me Tangere may mga malalalim na salita tayong mababasa. Ito ang ilan sa mga salita sa kabanatang ito na dapat nating matutunan ang kahulugan upang mas maintindihan ang kwento.
Mga Salita | Kahulugan |
Kura Paroko | Pinakamataas na pari ng simbahan |
Alkalde | Mayor |
Alperes | Opisyal ng Militar |
Hidwaan | Pag-aaway |