Ang Kabanata 19 ng Florante at Laura ay pinamagatang “Paalaman at Habilin.” May ikalawang sulat na dumating kay Florante mula sa kanyang ama at ang nilalaman nito ay ang pag-uwi niya sa bayang Albanya. Bago umalis si Florante ay may mga ibinigay na habilin ang kanyang maestro. Ang isa niyang matapat na kaeskwela at katoto ay sumama sa kanya.
Buod ng Florante at Laura Kabanata 19
Ang paghihinagpis ni Florante ay patuloy pa rin. Ang luha niya ay tumutulong may kasamang hapos at ang pang-aliw na boses ng kanyang maestro ay hindi rin nakaawas sa pasan niyang sakit.
Dalawang buwan na hindi nakaramdam si Florante ng linamnam ng ligaya at aliw. May dumating naman na sasakyan sa pantalan ng Atenas at dala nito ang ikalawang sulat mula sa kanyang ama. Nakasaad sa sulat na siya ay lumulan sa sasakyan at umuwi sa bayan ng Albanya.
Nagpaalam siya sa kanyang maestro at sinabi naman naman sa kanya nito na tandaan ang mga bilin. Naghabilin sa kanya ang maestro na huwag siyang malilingat at pag-ingatan niya ang paghihiganting inihanda ni Konde Adolfo sa kanya
Ang higanti ni Adolfo ay parang basilisko na ang atensyon ng mga mata ay palaging nakatuon kay Florante. Kapag dumating sa Albanya si Florante at masayang mukha na may ipinakikitang giliw ang isalubong ni Adolfo ay lalo siyang mag-ingat dito. Ang kaaway niyang ito ay malihim at isaisip na kakabakahin.
Kung mangyari ito ay hindi daw dapat magpahalata si Florante dahil alam naman niya ang lalim ng nasa ni Adolfo. Ayon sa maestro, ang sasandatahin ay dapat lihim na ihanda para may magagamit siyang makapagtatanggol sa kanya sa araw ng digma.
Sa mga habilin na ito, bumalisis ang luha nila at niyakap ng maestro si Florante ng mahigpit. Nagbigay pa ng huling tagubilin ang maestro at ito ay sinabi nitong na magtitiis si Florante sapagkat hinihinta siya ng maraming sakit. Dagdag pa nito, sisimulan na ni Florante ang pakikipaglaban sa mundong bayaning puno ng kaliluhan.
Hindi na natapos ang habilin dahil sa kalumbayan na nadarama at pinigil niya ang kanyang dilang nagsasalaysay. Parehas silang malumbay noong nagkabitiw at ang mga kaeskwela naman niya ay lumuluha. Labis ang pagdaralita ni Menandro palibhasa ito ay tapat niyang kapwa bata.
Nagyakapan sila ni Menandro at ayaw nitong bumitiw sa kanya. Dahil dito, pinahintulutan siya ng kanilang maestrong si Antenor na sumama kay Florante. Nagpaalam na sila sa maestro at mga kaeskwela.
Hanggang sa daong ay nagsipatnubay ang kanyang maestro at mga kasamang iiwan. Ang hangin ay umihip at agad nahiwalay sa pasig Atenas ang sasakyan nila.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 19
Sa bawat kabanata ng Florante at Laura ay marami tayong matututunan na magagandang aral. Marami tayong aral na makukuha sa mga habilin ni Antenor kay Florante bago ito umuwi sa bayan ng Albanya.
Mga Aral | Paglalarawan |
Ang bilin sa atin ng ating mga magulang, guro, o kaibigan ay mahalagang itatak sa isipan | May mga ibinibigay na habilin o payo sa atin ang mga taong nakakasalamuha natin, lalo na iyong mas nakakatanda sa atin. Nagbibigay sila ng habilin para sa ating kapakanan at hindi tayo mapahamak. |
Mag-ingat sa mga kaaway | Mahalagang mag-ingat sa mga kaaway dahil alam naman natin na may binabalak silang hindi maganda sa atin. |
Hindi lahat ng sumasalubong ng may masayang mukha ay totoo sa iyo | May mga taong iba ang ipinapakitang emosyon sa tunay na nararamdaman, kaya mahalagang maging maingat sa pakikitungo sa ibang tao. |
Mahalagang magkaroon ng lihim na sandata | Ang aral na ito ay mahalagang matututunan upang maging handa tayo sa mga pangyayari. Makatutulong ito sa atin upang maprotektahan ang ating sarili laban sa ating mga kaaway. |
Sa oras o panahon ng paghihinagpis, makikita mo kung sino ang mga taong may pagmamahal sa iyo | Sa kabanatang ito ay makikita natin ang pagmamahal ng kanyang maestro sa pagbibigay ng habilin. Ang kanyang kaibigan ay sumama rin sa kanya at ang mga kaeskwela naman ay nagpaalam sa kanya ng maayos. Ang kanyang maestro, si Menandro, at mga kaeskwela ay nagpakita ng pagmamahal sa kanya. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan na nabanggit sa kabanatang ito ng Florante at Laura. Makikita natin sa mga karakter at pag-uugali nila na sila ay nagpakita ng kabutihan at pagmamahal kay Florante.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Florante | Si Florante ay nakatanggap ng pangalawang sulat mula sa kanyang ama. Umuwi siya sa kaniyang bayan sa Albanya. |
Duke Briseo | Siya ang ama ni Florante na nagpadala ng sulat at nagpasundo sa kanya sa Atenas. |
Antenor | Ang maestro ni Florante na nagbigay ng mahahalagang habilin. |
Menandro | Ang katoto, kaibigan, at kaeskwela ni Florante na sumama sa kanya. |
Konde Adolfo | Siya ang kaaway ni Florante. |
Mga kamag-aral ni Florante | Nalungkot sila sa pag-alis ni Florante. |
Talasalitaan
Narito ang mga salitang dapat nating matutunan sa Kabanata 19 ng Florante at Laura. Mahalagang matututunan ang kahulugan ng mga ito upang mas lumawak ang ating kaalaman sa ating sariling wika.
Mga Salita | Paglalarawan |
Hapis | Lungkot o lumbay |
Pasan | Dala |
Nilapastangan | Inalipusta o hindi inirespeto |
Kapighatian | Kalungkutan |
Kalatas | Sulat o liham |
Malilingat | Mawawala o alisin sa isipan |
Kakabakahin | Kakalabanin |
Kaliluhan | Kataksilan |
Tinulutan | Pinayagan o binigyan ng permiso |