Ang Kabanata 42 ay tungkol sa mag-asawang de Espadaña na pumunta sa bahay ni Kapitan Tiyago upang dalawin si Maria Clara. May kasama silang isang binata na nag-aral ng pagkamanananggol. Ipinakilala siya ni Donya Victorina kina Kapitan Tiyago, Padre Salvi, at Maria Clara. Dito sa kabanatang ito ay matutunghayan natin kung paano nagkakilala ang mag-asawang de Espadaña.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 42
May kalungkutan sa bahay ni Kapitan Tiyago dahil sa pagkakaroon ng sakit ni Maria Clara. Pinag-uusapan naman nina Tiya Isabel at Kapitan Tiyago kung alin ang magandang bigyan ng limos para sa paggaling ni Maria Clara. Ang pinagpipiliin nila ay ang Krus sa Matahong na nagpapawis at ang Krus sa tunasan na malaki. Napag-desisyonan nila na magbigay na sa dalawa para sa madaling paggaling ni Maria Clara.
Ang kanilang pag-uusap ay napatigil noong dumating sa bahay nila ang mag-asawang Donya Victorina at Don Tribucio de Espadaña. Ipinakilala ni Donya Victorina si Linares at pagkatapos ay sinamahan sila sa kanilang silid.
Si Donya Victorina ay aakalaing isang Orofea sa unang tingin. Siya ay 45 na taong gulang, ngunit sinasabi niyang 32 pa lamang siya. Maganda siya simula noong kanyang kabataan. Ang pangarap niya ay makapag-asawa ng dayuhan kaya hindi siya nagpapakita ng interes sa mga binatang Pilipino. Bukod dito, gusto rin niyang mapabilang sa mataas na lipunan.
Wala agad siyang nakilalang dayuhan kung kaya napilitan siya na masiyahan sa isang Kastil ana taga-Espanya. Dinala siya ng kapalaran sa Pilipinas, sapagkat itinaboy siya ng bayang Extremadura. Siya ay si Tiburcio de Espadaña na 35 taong gulang, ngunit mas matanda pang tingnan kay Donya Victorina.
Pinayuhan siya ng kanyang mga kababayan na magpanggap bilang isang doktor. Noong una ay ayaw niyang sundin ito sapagkat nahihiya siya, ngunit dahil sa kagipitan ay napilitan siyang gawin ito. Nagta-trabaho siya dati sa ospital ng San Carlos tagalinis ng mga alikabok sa mga mesa at upuan at tagapagbaga ng mga painitan. Mababa ang kanyang singil noong nagsisimula pa lamang siya sa pang-gagamot. Ngunit ito ay tumaas ng tumaas nang makuha niya ang tiwala ng mga Indio kaya siya ay yumaman.
Isinumbong siya ng mga tunay na doktor o mediko sa Protomediko de Manila. Dahil dito, hindi na siya nagkaroon ng mga pasyente. Nagdesisyon siya na mamalimos na lamang sa kaniyang mga kakilala at kababayan, ngunit napangasawa naman niya si Donya Victorina.
Sila ay nagpunta sa Santa Ana at doon niya ipinagdiwang ang kanilang pulo’t gala. Makalipas ang ilang araw bumili si Donya Victorina ng karomata, aranya, at kabayo mula sa Batangas at Albay upang magamit nila.
Binihisan niya ng maayos si Don Tribucio upang ito ay maging kagalang-galang sa paningin ng mga tao at naging sunud-sunuran sa Donya. Siya naman ay nagpapanggap bilang isang Orofea at naglalagay ng mga palamuti at kolorete. Ipinamalita niya na siya ay naglilihi at manganganak sa Europa upang ang kaniyang anak ay hindi matawag na rebolusyonaryo. Ngunit hindi siya nagka-anak sapagkat naunsyami ang kanyang pagbubuntis.
Dahil dito ang kaniyang galit ay ibinunton sa asawa at hindi naman nagrereklamo si Don Tribucio dito. Naisipan din ng Donya na maglagay ng karatula na may nakasulat na “DOCTOR DE ESPADAÑA, ESPECIALISTA EN TODA CLASE DE ENFERMEDADES” sa labas ng kanilang bahay at sinunod na lamang ito ng kanyang asawa. Kumuha siya ng mga Kastila na mamamahala sa kaniyang mga ari-arian, sapagkat walang siyang tiwala sa mga Pilipino. Ipinakaon niya si Linares at siya ang sumagot ng mga gastusin.
Habang sila ay nagmemeryenda ay dumating si Padre Salvi at ipinakilala nila si Linares. Si Donya Victorina ay nagsimulang mamintas sa mga taga-lalawigan at sinabi ang kaututang dila ng Alkalde at iba pang namumuno sa estado.
Sinabi ni Kapitan Tiyago na dumalaw sa kanilang bahay ang Kapitan Heneral. Nanghinayang naman si Donya Victorina sapagkat hindi niya nakausap ito. Naisip niya na kung noon nagkasakit si Maria Clara ay magkikita sila ng Kapitan Heneral.
Tinanong ni Linares si Padre Salvi kung nasaan si Padre Damaso, sapagkat may dala siyang sulat para sa kanya. Sinabi naman ni Padre Salvi na pupunta ito sa bahay ni Kapitan Tiyago upang bisitahin si Maria Clara.
Si Maria Clara ay pinulsuhan ng Don at sinabing may sakit nga ito at mapapagaling naman. Niresetahan niya ang dalaga ng liquen at gatas, Jarabe de altea at dalawang pildoras de Cinaglosa. Ang tagpong ito ay ginawang oportunidad ni Donya Victorina upang ipakilala si Linares. Nabigla siya sa kagandahan ni Maria Clara.
Sinabi ni Padre Salvi na dumating na si Padre Damaso kaya napatigil ang pagtitig ni Linares sa dalaga. Si Padre Damaso ay kagagaling lang rin sa sakit kaya ito ay maputla, payat, hindi masalita, at mabuway ang paglalakad.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 42
Narito ang mga aral na matututunan ng mga mambabasa sa Kabanata 42 ng Noli Me Tangere. Ang mga ito ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa kultura at pagiging totoo sa sarili.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagiging Totoo sa Sarili | Nagpanggap na isang doktor si Don Tribucio at si Donya Victorina ay nag-iilusyon bilang isang Orofea. Mahalaga na maging totoo sa ating upang mas makilala pa natin ang ating tunay na pagkatao. |
Pagpapahalaga sa Kultura | Si Donya Victorina ay mas pinahahalagahan ang kultura ng ibang bansa. Tayo ay mayroong mayamang kultura na dapat nating ipagmalaki sapagkat ito ang ating pagpapakilanlan. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan sa Kabanata 24 ng Noli Me Tangere na pinamagatang “Ang Mag-asawang de Espandaña” na pumunta o bumisita sa bahay ni Kapitan Tiyago upang dalawin ang may sakit na si Maria Clara.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Donya Victorina de Espandaña | Siya ay nag-iilusyon bilang isang Orofea. |
Don Tribucio de Espandaña | Nagpanggap siya bilang isang doktor. Siya ang asawa ni Donya Victorina. |
Kapitan Tiyago | Siya ang ama ni Maria Clara |
Maria Clara | Siya ay dinalaw ng mga kaibigan at iba pang kakilala dahil siya ay may sakit. |
Linares | Ipinakilala ni Donya Victorina sa mga taong bumisita sa bahay ni Kapitan Tiyago. |
Tiya Isabel | Siya ay Tiya ni Maria Clara |
Padre Salvi | Bumisita sa tahanan ni Kapitan Tiyago upang dalawin si Maria Clara |
Padre Damaso | Pumunta kaagad siya kay Maria Clara kahit kagagaling lamang niya sa sakit |
Sinang at Victoria | Mga kaibigan ni Maria Clara |
Andeng | Kaibigan ni Maria Clara at nagpupunas ng mga kubyertos. |
Talasalitaan
Ito ang mga salitang nabanggit sa Kabanata 42 ng Noli Me Tangere. Maaaring ang ilan sa mga mambabasa ay hindi pamilyar sa mga salitang ito sapagkat hindi na ito masyadong ginagamit sa pakikipagtalastasan.
Mga Salita | Kahulugan |
Limos | Pagbibigay ng tulong o abuloy |
Silid | Kwarto |
Kubyertos | Kagamitan katulad ng kutsara at tinidor |
Cinoglosa | Isang uri ng gamot |
Agua de Colonia | Pabango |