Ang Kabanata 34 ng Noli Me Tangere ay Tungkol sa isang pananghalian na ginanap sa bahay ni Kapitan Tiyago. Kasama sa mga panauhin ang mga makapangyarihang tao ng San Diego, si Ibarra, Maria Clara, at ang mga kaibigan nito. Sa pagdating ni Padre Damaso ay nagkaroon ng tensyon sa pagitan nila ni Ibarra dahil sa mga patutsada nito. Muntik nang magkaroon ng hindi magandang pangyayari subalit napigilan ni Maria Clara si Ibarra sa gusto niyang gawin.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 34
Nagkaroon ng isang pananghalian sa bahay ni Kapitan Tiyago, kung saan dumalo ang mga kilalang tao sa bayan ng San Diego. Sina Ibarra at ang Alkalde ay nakaluklok sa magkabilang dulo ng hapag. Si Maria Clara ay nakaupo sa bandang kanan ni Ibarra at ang Eskribano ay sa kaliwang banda ng binata.
Nasa magkabilang panig naman nakaupo sina Kapitan Tiyago, Kapitan ng bayan, mga prayle, kawani ng pamahalaan, at kaibigan ni Maria Clara. Si Kapitan Tiyago ay nakatanggap ng isang telegrama kaya umalis siya kaagad sa hapag habang ang lahat ay ganadong kumakin. Darating ang Kapitan Heneral bilang panauhin sa bahay ni Kapitan Tiyago.
Nang malaman ng mga panauhin na darating ang Kapitan Heneral ay nagkaroon sila ng iba’t-ibang reaksyon. Isang malaking sampal ito kina Padre Sibyla at Padre Salvi, sapagkat mas pinili ng Kapitan Heneral na tumuloy sa bahay ni Kapitan Tiyago kaysa sa kumbento.
Mahilig sa mga bagay na kataka-taka ang Kapitan Heneral, kaya hindi tiyak kung ilang araw siya mananatili dito. Maraming bagay ang napag-kwentuhan ng mga panauhin habang kumakain ng pananghalian. Napag-usapan nila ang hindi pagdating ni Padre Damaso, ang hindi pag-imik ni Padre Salvi, ang kawalang kaalaman ng mga magsasaka sa paggamit ng mga kubyertos, at ang mga kursong gusto nilang ipakuha sa anak nila.
Dumating sa pananghalian si Padre Damaso at binati siya ng mga nasa habag, maliban kay Ibarra. Puro patudsada kay Ibarra ang mga naging pahayag ni Padre Damaso habang inihahanda ang serbesa. Ang alkalde ay sumingit sa usapan upang maiba ang paksa na ipinapahayag ni Padre Damaso, ngunit patuloy pa rin ang pari sa pagmamayabang. Si Ibarra naman ay nagtitimpi kaya tahimik lamang siyang nakikinig sa mga pahayag ng pari.
Ngunit hindi nakapag-pigil si Ibarra nang inungkat ni Padre Damaso ang tungkol sa pagkamatay ni Don Rafael, ang ama ni Ibarra. Hindi ito pinalampas ni Ibarra kaya muntik na niyang masaksak si Padre Damaso. Pinigilan siya kaagad ni Maria Clara kaya huminahon siya. Nagpasya si Ibarra na umalis na lamang sa pananghalian.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 34
Narito ang mga aral na mapupulot sa Kabanata 34 ng Noli Me Tangere. Ang mga aral na ito ay makatutulong sa ating pag-unlad kung ating isasagawa sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pagpipigil sa sarili | Nagtimpi si Ibarra sa mga parinig sa kanya ni Padre Damaso at tahimik lang siyang nakikinig. |
Pag-respeto sa ibang tao | Mahalaga ang pagbibigay ng respeto sa mga taong nakakasalamuha o nakakasama natin upang i-respeto rin nila tayo. Dapat ding i-respeto ang mga taong yumao na. |
Maging maingat sa mga sinasabi | Ang mga salitang sinasabi natin ay may epekto sa mga nakaririnig nito at sa mga tao sa paligid natin. Pag-isipan munang mabuti ang mga sasabihin upang hindi ito makasakit ng kapwa. |
Pagmamahal sa pamilya at kaibigan | Ipinakita ni Ibarra ang kanyang pagmamahal sa ama. Si Maria Clara ay nagpakita rin ng pagmamahal kay Ibarra dahil pinigilan niya itong makagawa ng isang masamang bagay. |
Panatilihin ang kaayusan at kapayapaan kapag nasa hapag-kainan | Ang mga pagkain sa hapag-kainan ay biyaya kaya dapat iwasan ang pagkakaroon ng gulo. Ang pagsasalo-salo ay isang pagdiriwang kaya dapat mayroong pagkakaisa. |
Mga Tauhan
Ito ang mga tauhan sa kabanatang ito at karamihan sa kanila ay mga makapangyarihang tao sa bayan ng San Diego. Sila ang mga naging panauhin ni Kapitan Tiyago sa kanyang tahanan.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Kapitan Tiyago | Siya ay naghanda ng isang pananghalian sa kanyang tahanan |
Kapitan Heneral | Siya ang magiging panauhin ni Kapitan Tiyago. |
Alkalde, Padre Sibyla, Padre Damaso, Kapitan, at mga kaibigan ni Maria Clara | Sila ang ilan sa mga panauhin ni Kapitan Tiyago, sa kanyang inihandang pananghalian. |
Padre Damaso | Marami siyang sinabing hindi maganda tungkol sa Ibarra. Inungkat din niya ang mga nangyari kay Don Rafael. |
Ibarra | Si Ibarra ay nagalit nang inungkat ni Padre Damaso ang mga bagay tungkol kay Don Rafael, kaya muntik na niyang masaksak ang pari. Sa huli ay umalis na lamang siya sa hapag. |
Maria Clara | Pinigilan niya si Ibarra na makagawa ng masama kaya huminahon ito. |
Alkalde | Pinigil niya si Padre Damaso sa mga pagpaparinig kay Ibarra, ngunit wala siyang nagawa. |
Eskribano | Isa sa mga panauhin ni Kapitan Tiyago na nakaupo sa kaliwa ni Ibarra. |
Talasalitaan
Kadalasan ay mayroon tayong mga salitang nababasa na hindi natin alam ang tunay na kahulugan. Ang pag-alam sa kahulugan ng mga ito ay makatutulong sa atin upang mapalawak ang ating bokabularyo.
Mga Salita | Kahulugan |
Hapag | Mesa |
Pasaring | Parunggit |
Telegrama | Sulat |
Eskribano | Dalubhasa sa batas |
Nakaluklok | Naka-upo |
Huminahon | Kumalma |
Pagtitimpi | Pagpipigil o pagkontrol sa sarili na gawin ang isang bagay |