Noli Me Tangere Kabanata 23: Ang Piknik – Buod, Aral, Tauhan, ATBP

Ang Kabanata 23 ng Noli Me Tangere ay naglalahad ng mga pangyayari sa piknik nina Maria Clara at Crisostomo Ibarra. Makikilala rin natin ang mga kaibigan ni Maria Clara at ang iba pang tauhan sa kwento. Ngayon ay ating tatalakayin ang buod, mga aral na matutunan, mga tauhan, at talasalitaan sa kabanatang ito. 

Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 23

Madaling-araw pa lamang ay nagsigayak na ang mga dalaga, kabataan, at ilang matanda para sa gagawin nilang piknik. May dala silang mga bakol na may lamang pinggan at pagkain. Ang mga bangka ay may mga dekorasyon katulad ng bulaklak

Kasama ni Maria Clara ang kanyang matatalik na kaibigan na sina Iday, Neneng, Sinang, at Victorina. Masaya silang nagbibiruan at nagku-kwentuhan habang naglalakad. Minsan ay sinasaway sila ng mga matatandang babae, pero patuloy pa rin ang kanilang kwentuhan. 

Naghiwa-hiwalay ang mga kababaihan ng bangka dahil lulubog ito kapag magkakasama sila. Ang bangka namang sinasakyan ng mga kalalakihan ay nagkaroong ng maliliit na butas, kaya lumipat sila sa bangka na sinasakyan ng mga kababaihan. Si Ibarra ay tumabi kay Maria Clara at si Albino naman ay kay Victorina. Dahil dito, tumahik ang mga babae dahil sila ay nahihiya sa mga kalalakihan. 

Isang binata naman na may matipunong pangangatawan, matikas na anyo, mahaba ang buhok, kayumanggi, at siksik sa laman ang nagsilbing piloto o tagasagwan ng mga bangka upang umusad ito sa tubig nang maayos. Ang binatang ito ay nagngangalang Elias. 

Upang hindi mainip habang naghihintay na maluto ang agahan ay nagpatugtog si Maria Clara at kumanta ng Kundiman. Sinabi ni Andeng na kumulo na ang sabaw na paglulutuan ng isda, kaya ang mga binata ay nagsimula na sa panghuhuli ng mga isda. 

  Noli Me Tangere Kabanata 26: Ang Bisperas ng Pista – Buod, Aral, Tauhan, ATBP

Sinubukan nilang manghuli ng isda ngunit kahit kaliskis ay wala silang nakuha. Kumuha naman si Leon na katipan ni Iday ng isang panalok, ngunit bigo ring makakuha ng isda. Mayroon daw buwaya doon sa ilog kaya wala silang makuhang isda. 

Tumalon si Elias sa ilog upang kumuha labanan ang buwaya at makahuli sila ng isda. Nag-alala naman ang mga kababaihan dahil baka mapahamak ito. Sinabi naman ng ilan sa mga kalalakihan na sanay humuli ng buwaya si Elias para hindi na sila mag-alala. 

Makalipas ang ilang saglit ay nahuli rin ni Elias ang buwaya, ngunit higit na malakas ito kaysa kay Elias. Kumuha naman si Ibarra ng isang punyal bago lumundag sa ilog para tulungan si Elias na talunin ito. 

Nakita nila ang pagpula ng tubig. Tumalon din sa ilog ang isang anak ng mangingisda at ito ay may dalang gulok. Ilang saglit lang at nakita na nilang lumitaw sa tubig si Elias at Ibarra. Nagpasalamat naman si Elias kay Ibarra dahil iniligtas nito ang buhay niya. 

Nawala naman ang pag-aalala ni Maria Clara nang lumapit sa kanya si Ibarra. Ipinagpatuloy na nila ang pangingisda at marami silang nahuli. Dumiretso sila sa isang gubat na pagmamay-ari ni Ibarra. Sa ilalim ng mayayabong na punongkahoy na nakaharap sa batisan sila kumain. 

Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 23

Sa bawat kabanata ng nobelang ito ay marami tayong matututunan na aral. Matututunan natin ang uri ng pamumuhay noong unang panahon, mga kaugalian ng mga Pilipino, at mga natatanging kultura. 

Mga Aral Paglalarawan 
Mahalaga ang pagkakaroon ng mabubuting kaibigan Ang mga kaibigan ay maituturing na rin nating mga kapatid. Pumili ng kaibigan na iyong maasahan lalo na sa oras ng pangangailangan. 
Pagkakaisa at pagtutulungan ng mga magkakaibigan Ang pagtutulungan at pagkakaisa ay mahahalagang katangian na magdudulot sa atin ng tagumpay. Kung tayo ay may pagkakaisa, katulad nina Ibarra malalampasan natin ang mga pagsubok at mapagtatagumpayan ito. 
Lakas ng loob at tapang upang tumulong sa kapwa na nasa panganibKatulad ni Ibarra, tinulungan niya kaagad si Elias upang sagipin ito laban sa buwaya. 

Mga Tauhan sa Kabanata 23

Sa kabanatang ito ay nakilala natin ang mga kaibigan nina Maria Clara at Ibarra na nakasama nila sa piknik. Ang mga kabataang ito ay nagpakita ng tunay na kahulugan ng pagkakaibigan at pagtutulungan sa bawat isa. 

  Florante at Laura Kabanata 12: Batas ng Lahat ng Relihiyon – Buod, Aral, Tauhan, ATBP
Mga Tauhan Paglalarawan 
Maria Clara Siya ay kumanta ng kundiman 
Crisostomo Ibarra Tinulungan niya si Elias na labanan ang buwaya. Sinagip din niya ang buhay ni Elias. 
Elias Siya ang unang tumalon sa lawa para labanan ang buwaya. 
Mga matatanda at si Tiya Isabel Sila ang kasama ng mga kabataan sa pagpipiknik. 
IdayIsa sa mga kaibigan ni Maria Clara. Siya ang katipan ni Leon. 
Neneng Isa sa mga kaibigan ni Maria Clara. 
Sinang Isa sa mga kaibigan ni Maria Clara. 
Victorina Sa kanya tumabi si Albino. 
Albino Siya ang tumabi kay Victorina. 
LeonSiya ang katipan ni Iday. 
Andeng Si Andeng ang nagsabi na handa na ang sabaw para sa isdang lulutuin. 
Anak ng Mangingisda Isa siya sa tumulong kay Elias na labanan ang buwaya. 

Talasalitaan 

Narito ang mga salitang ginamit sa kabanatang ito na maaaring hindi pamilyar para sa ilang mambabasa. Ang pag-alam sa mga kahulugan nito ay makatutulong sa atin na madagdagan ang ating kaalaman sa Wikang Tagalog, upang kapag nabasa ulit natin ang mga ito ay alam na natin ang tinutukoy nito. 

Mga Salita Kahulugan 
Katipan Kasintahan 
Igawod Pagsagwan 
Lumundag Tumalon 
Kundiman Isang uri ng kanta na naghahayag ng pag-ibig at pasasalamat.
Kawaksi Mga kasama 
Silong Sa ilalim ng isang bagay

Leave a Comment