Ang kabanatang ito ay pinamagatang “Si Tasyo: Ang Baliw o ang Pilosopo.” Ito ay tungkol kay Pilosopo Tasyo na itinuturing ng karamihan bilang isang baliw. Ang iba naman ay isang pilosopo ang tingin sa kanya. Iba ang kanyang pananaw sa mga bagay at pangyayari kaya hindi siya naiintindihan ng karamihan. Dito sa kabanatang ito, mas makikilala natin si Don Anastacio o kilala sa tawag na Tasyo.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 14
Si Pilosopo Tasyo ay pumunta rin sa libingan upang bisitahin ang puntod ng kanyang asawa. Si Don Anastacio o Tasyo ay may kakaibang pananaw at paniniwala kaya tinatawag siya ng karamihan na isang baliw. Siya ay makikita na palakad-lakad sa lansangan ng San Diego at marami din siyang opinyon o pananaw sa mga usapin tungkol sa lipunan at pulitika.
Nagmula si Pilosopo Tasyo sa isang mayamang pamilya. Matalino siya at matalinhaga kapag nagsasalita. Sa Unibersidad ng San Jose nag-aral si Pilosopo Tasyo. Pinatigil siya ng kanyang ina sa pag-aaral dahil ito raw ang magiging dahilan upang makalimutan niya ang Diyos.
Gusto ng kanyang ina na magpari siya, ngunit sinuway niya ito at nag-asawa na lamang siya. Maaga siyang nabyudo at inilaan na lang niya ang kanyang panahon sa pagbabasa ng mga libro. Dahil dito, hindi niya nagpatuunan ng pansin ang negosyo ng kanyang ina.
May unos na paparating at makikita ito sa matatalim na kidlat. Mapapansin na masaya pa si Pilosopo Tasyo sa unos na parating dahil ito daw ang lilipol sa mga tao. Hinahangad niya ang pagkakaroon ng isang delubyo dahil ito ang maglilinis sa sanlibutan.
Hindi siya sang-ayon sa pagpapatugtog ng batingaw tuwing kumukulog sapagkat hindi raw maganda ito at pinagtawanan lamang siya ng mga nakarinig nito. Sinabi rin niya sa kapitan na imbis na kwitis at paputok ang bilhin ay bumili na lamang ito ng tagahuli ng kidlat.
Noong nagtungo siya sa simbahan ay may nakita siyang dalawang magkapatid. Sinabi niya sa mga ito na umuwi na sapagkat ang kanilang ina ay nagluto ng masarap na hapunan. Masaya ang magkapatid sa narinig ngunit tinanggihan nila ito sapagkat may tungkulin pa sila sa simbahan.
Sa kanyang paglalakad ay nakarating siya sa bahay nina Don Filipo at Aling Doray. Napag-usapan nila ang pagdating ni Ibarra sa bayan ng San Diego at ang konsepto ng purgatoryo. Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay umalis na siya at masiglang lumakad sa gitna ng kulog at kidlat.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 14
Narito ang mga aral na matututunan sa mga tauhan at pangyayari sa Kabanata 14 ng Noli Me Tangere. Ang bawat aral na ito ay sumasalamin sa mga pangyayari sa lipunan, kultura, at paniniwala ng mga Pilipino sa relihiyon, pulitika, at iba pang bagay.
Mga Aral | Paglalarawan |
Pag-unawa sa ibang tao | Karamihan sa mga tao sa bayan ng San Diego ay ginagawang katatawanan ang mga opinyon ni Pilosopo Tasyo. Hindi magandang gawing katatawanan ang isang tao. Bagkus, kailangan nating unawain ang kanilang pananaw. |
Pagrespeto sa opinyon o pananaw ng ibang tao | Irespeto ang pananaw o opinyon ng bawat tao at huwag itong gawing isang katatawanan. |
Magiliw na pagtanggap sa ibang tao | Maayos na tinanggap ni Aling Doray at Don Filipo si Pilosopo Tasyo sa kanilang bahay. Nakipag-usap sila ng maayos kay Pilosopo Tasyo kahit magkakaiba ang kanilang mga pananaw sa iba’t-ibang usapin o bagay-bagay. |
Pagtupad ng maayos sa tungkulin |
Mga Tauhan
Narito ang ilan sa mga tauhan sa Kabanata 14 ng Noli Me Tangere. Dito ay makikilala natin ang pagkatao ni Pilosopo Tasyo at ang iba pang tao na kanyang nakasalamuha.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Don Anastacio | Kilala sa tawag na Pilosopo Tasyo, dahil sa kanyang katalinuhan at matatalinhagang saita. Itinuturing siyang baliw ng ilang residente sa bayan ng San Diego dahil hindi nila maunawaan ang kaniyang opinyon at pananaw sa iba’t-ibang bagay. |
Basilio at Crispin | Sila ang dalawang magkapatid na nakita ni Don Anastacio sa simbahan at sinabihan na nagluto ang kanilang ina ng masarap na hapunan. |
Don Filipo at Aling Doray | Sila ang nagpatuloy kay Pilosopo Tasyo sa bahay nila at nakausap tungkol sa pagdating ni Ibarra at sa konsepto ng purgatoryo. |
Talasalitaan
Ito ang mga hindi pamilyar na salita sa Kabanata 14 ng Noli Me Tangere. Alamin natin ang mga kahulugan ng mga salitang ito upang mas lumawak pa ang ating bokabularyo at mas maunawaan ang nobela.
Mga Salita | Kahulugan |
Aginaldo | Bigay o Kaloob |
Pumanhik | Umakyat o Sumampa |
Pilosopo | Tumutukoy sa isang taong matalino o mag-isip ng kahulugan ng mga bagay-bagay |
Bumuhos | Pagbagsak o malakas na pagdaloy |
Paputok at Kwitis | Ito ay mga bagay na nagbibigay ingay at liwanag kapag may mga okasyon |
Batingaw | Kampana |
Mungkahi | Suhestiyon |
Katungkulan | Responsibilidad o tungkulin ng isang tao |
Mapanganib | Delikado o hindi ligtas |
Dagok | Pangyayaring nagdudulot ng kasawian |
Nakatutulig | Nakabibingi |
Kalapastanganan | Pagyurak sa Dangal |
Magarbo | Pagiging marangya o maraming dekorasyon |