Sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere ay nagtungo si Ibarra sa libingan ng kanyang ama upang bisitahin ito. Isinalaysay din dito ang mga nangyari sa bangkay ni Don Rafael. Nalaman din niya kung sino ang nag-utos sa sepulturero na ilipat ang kanyang ama sa libingan ng mga Intskik. Dito rin ay matutunghayan ang kapangyarihan ng isang kura paroko.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 13
Kasama ang isang katiwala, nagtungo si Crisostomo Ibarra sa sementeryo sakay ng kalesa. Pumunta siya rito upang hanapin ang nitso ng kanyang ama na si Don Rafael. Sinabi ng katiwala kay Ibarra na nagkasakit siya kaya matagal siyang hindi nakapunta sa puntod ni Don Rafael. Ipinahayag din niya na si Kapitan Tiyago ang namahala sa pagsasa-ayos nito.
Sinabi ng katiwala na nagtayo siya ng isang krus at nagtanim ng bulaklak na sampaga at adelpa sa puntod ni Don Rafael upang maging palatandaan. Nagtungo siya sa lugar ng puntod ng kanyang ama ayon sa sinabing palatandaan ng katiwala. Ngunit pagkarating niya sa tapat na iyon ay nabigo siya sapagkat wala doon ang kanyang ama.
Hindi makapaniwala ang katiwala kaya nagtungo sila sa sepulturero na naroon. Nagtanong sila sa sepulturero kung may nakitang puntod na may nakatanim na bulaklak at mayroong krus. Sinabi naman ng sepulturero na sinunog na ang krus na tinutukoy ni Ibarra dahil iyon ang ipinag-utos sa kanya ni Padre Garote.
Napag-alaman ni Ibarra sa sepulturero na wala na sa libingang iyon ang labi ng kanyang si Don Rafael. Sinabi niyang ipinalipat ni Padre Garote ang bangkay ni Don Rafael sa libingan ng mga Intsik. Ngunit dahil sa lakas ng ulan at kabigatan ng bangkay ay hindi niya ito nagawa. Bagkus ay itinapon na lamang nila ito.
Nagalit si Ibarra dahil sa nalaman niyang nangyari sa kanyang ama. Naawa naman sa kanya ang katiwala. Tulala o wala sa sariling umalis si Ibarra sa libingan. Nakita niya si Padre Salvi at mabilis siyang nagtungo rito. Nanlilisik ang mga mata ni Ibarra sa galit nang huminto siya sa harap ni Padre Salvi at sinugod niya ito.
Pinagbintangan ni Crisostomo Ibarra si Padre Salvi na nag-utos sa paglipat ng bangkay ng kaniyang ama. Sa huli ay nalaman ni Ibarra na hindi si Padre Salvi ang nag-utos, kundi si Padre Damaso.
Mga Aral na Matutunan sa Kabanata 13
Ito ang ilan sa mga aral na matutunan sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere. Ang bawat aral na ito ay nagbibigay ng mga magagandang kaisipan na makatutulong sa mga mambabasa, lalo na kung ang mga ito ay isasagawa sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Mga Aral | Paglalarawan |
Paggalang sa mga yumao | Ang pagbisita sa puntod ng mga yumao nating mahal sa buhay ay nagpapakita ng paggalang kahit wala na sila. |
Paghanap sa katotohanan | Katulad ni Ibarra, inalam niya kung sino ang nag-utos sa sepulturero na ilipat ng libingan ang kanyang ama. Dapat ay may lakas ng loob tayong harapin ang katotohanan. |
Paggalang sa karapatang pantao | Igalang ang karapatang pantao. Ipakita ang respeto sa bawat isa, pati na rin sa mga taong yumao na, kamag-anak man natin sila o hindi. |
Mahalaga ang paghahanap ng hustisya | Ang paghahanap ng hustisya ang isa sa mga bagay na makapagbibigay sa atin ng kapayapaan. |
Gamitin ng tama ang kapangyarihan | Bilang isang pinuno na mayroong kapangyarihan, dapat ay gamitin natin ito ng tama at gawin ng maayos ang responsibilidad. Katulad ni Padre Damaso, dapat ay tiningnan muna niya ang sitwasyon upang malaman kung kaya itong gampanan ng maayos. |
Mga Tauhan
Narito ang mga tauhan sa kabanatang ito ng Noli Me Tangere. Sila ang mga taong nakasalamuha ni Ibarra sa paghahanap niya sa puntod ng kanyang ama. Sa kanilang mga pahayag ay nalaman niya ang mga nangyari sa bangkay ni Don Rafael at kung sino ang nag-utos nito.
Mga Tauhan | Paglalarawan |
Crisostomo Ibarra | Si Crisostomo Ibarra ang anak ni Don Rafael. Pumunta siya ng libingan upang hanapin ang puntod ng kanyang ama. |
Katiwala | Siya ang tumulong kay Ibarra na hanapin ang puntod ni Don Rafael. Naglagay din siya ng krus at nagtanim ng mga halaman bilang palatandaan ng puntod. |
Sepulturero | Ang sepulturero ang nagsabi kay Ibarra na wala na sa libingang iyon ang kanyang ama dahil ipinalipat ito ni Ibarra sa libingan ng mga Intsik ngunit hindi iyon nagawa sapagkat masama ang panahon. |
Padre Salvi | Siya ang pinagbintangan ni Ibarra na nag-utos sa sepulturero na ilipat ng libingan si Don Rafael. |
Padre Damaso | Siya si Padre Garote na tinutukoy ng sepulturero. |
Talasalitaan
Mahalagang matutunan ang kahulugan ng bawat salitang ating nababasa. Sa Noli Me Tangere ay may mga salitang bago sa atin o mga salitang hindi natin karaniwang nababasa o naririnig. Narito ang ilan sa mga salitang maaaring hindi pamilyar sa mga mambabasa at ang kahulugan nito.
Mga Salita | Kahulugan |
Nitso | Libingan |
Sepulturero | Nagtatrabaho sa sementeryo |
Nanlilisik | Nagagalit |
Matanaw | Makita |
Puntod | Katawan ng namatay |
Alintana | Pansin |
Ipinaanod | Ipinatangay |
Sigwa | Unos |
Halimuyak | Mabango |
Nangangatal | Nanginginig |
Rumaragasa | Mabilis |